Home Mga Tanong Pamilya Ang Bagong Silang na Sanggol sa Islam

Ang Bagong Silang na Sanggol sa Islam

Ang Bagong Silang na Sanggol sa Islam

Ang mga bagong silang na sanggol ay isa sa mga pinagmumulan ng kagalakan at palamuti para sa mundo na ipinagkaloob ni Allah sa kanilang mga magulang, sila’y nakapagbibigay sigla sa mga puso, kasiyahan sa mga kaluluwa, kaluguran sa mga mata. Sila ay mga bunga mula kung kanino ang kabutihan ay inaasahan kung sila ay palagiang nananalangin:

“Aming Panginoon! Igawad mo sa kanila ang iyong Habag na katulad ng kanilang pag-aaruga sa akin nang ako ay batang paslit pa.” [Maluwalhating Qur’an 17:24]

Ang mga bata ay siyang sa bawat bansa ay sa kanila nakasalalay ang pag-asa para sa hinaharap, at sila ang kabataan ng kinabukasan na sa kanilang mga balikat ay naka-atang ang pag-anyaya sa Islam. Ang Islam ay tunay na itinaas ang katayuan ng mga bata at inilatag ang mga pag-uugali para sa kanilang pakikitungo sa lahat ng mga bagay at bawat yugto ng kanilang mga buhay, at mula dito ay ang mga kaugalian para sa pagsalubong sa kanilang pagdating sa buhay na ito.

Ang ating Propeta (sumakanya ang kapayapaan at mga pagpapala) ay ang buhay na halimbawa, tinuruan, hinubog ang mga Muslim sa mga kagawian ng Islam, tinuruan sila kung paano sambahin ang kanilang Panginoon sa pinakamainam na mga pamamaraan. Subalit ilan sa mga Muslim ay lumihis mula sa kanyang dalisay na mga katuruan at pinalitan yaong ginto para sa mga walang halaga..

Kung kaya narito ang mga kaugaliang itinuro sa atin ng Propeta ﷺ hinggil sa ating mga bagong-silang.

Panghihikayat na magkaroon ng mga Anak

Sinabi ni Allah, “Kaya’t ngayon ay makipagtalik sa kanila at inyong hangarin ang itinalaga ni Allah sa inyo.” [Maluwalhating Qur’an 2:187]

At ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Pakasalan ang mapag-mahal at pala-anakin sapagkat sa pamamagitan mo, Ako ay makikipag-paligsahan sa mga nasyon para sa paramihan ng bilang.” [Abu Dawud]

At mahalagang ang mga Magulang ay palakihin ang kanilang mga anak sa pagiging matuwid, upang sa gayon ang mga Magulang ay makinabang mula sa kanila sa panahon na sila’y nabubuhay at sa pagsapit ng kanilang kamatayan. Ang Sugo ﷺ ni Allah ay nagsabi,

“Ang isang alipin ay itataas ang kanyang antas at magsasabing, ‘O aking Panginoon paano ito nangyari sa akin? Sinabi Niya, sa pamamagitan ng iyong mga anak na lalaki pagkatapos niya humihingi ng kapatawaran para sa iyo’” [ibn Majah]

Unawain na ang nauna ay parehong angkop sa kapwa mga kalalakihan at kababaihan, at tunay na ang Islam ay hinikayat ang pagpapalaki ng mga batang babae, at si Allah ay kinokondena yaong mga namighati sa pagsilang ng isang batang babae, at ang Sugo ﷺ ay dumating na itinataas ang katayuan ng handog na ito mula kay Allah,

“sinuman ang mag-aruga ng dalawang batang babae hanggang sa marating nila ang tamang gulang – siya at ako ay magkasama na darating sa Araw ng Pagbangong muli (gaya nito) at pinagdikit ang kanyang dalawang daliri” [Muslim]

ibig sabihin sa Paraiso. Kung kaya mayroon bang hihigit pa na karangalang ibinigay sa mga anak na babae?!!

Pagbibigay ng mabuting balita ng Pagsisilang

Ang malapit na kamag-anak na sabik na naghihintay ay dapat balitaan upang sa gayon ay matigil na sila sa pag-aalala at batiin ang mga magulang at manalangin para sa sanggol. Binanggit ni Allah ang mabuting balitang ito na ipinahatid sa ilan Niyang mga Propeta, mula sa kina Zakariyah ang kanyang anak na si Yahya,

“At ang mga anghel ay tinawag siya, habang siya ay nakatayong nagdarasal sa loob ng pansariling silid (na nagsasabi), ‘Si Allah ay nagkaloob sa’yo ng mabuting balita tungkol kay Yahya’.” [Maluwalhating Qur’an 3:39]

Ang Tahnik

Ang ibig sabihin nito ay palambutin ang datiles at pagkatapos ay ipahid ito sa gilagid ng bagong-silang matapos ang pagsilang o ilang sandali pagkatapos. Ito ay isinasagawa sa paglalagay ng kapirasong pinalambot na datiles sa daliri at ipapahid ito mula sa kaliwa pakanan sa bibig ng sanggol.

Sinabi ni Ibn Hajr, “at kung hindi makahanap ng tuyong datiles, magkagayon ay gamitin ang sariwang datiles at kung ito wala rin ay kahit anumang matamis.” [Fath 9/588]

Hindi lang naman kailangang nguyain ang datiles bagkus ay maaaring palambutin ito sa anumang paraan. Ang gawang pagnguya tulad ng naiulat sa Sunnah ay bagay na natatangi lamang sa Sugo ﷺ dahil sa mga biyayang inilagay ni Allah sa kanyang laway.

Isinasagawa ito ng ama o ng ina o sinuman mula sa mga Taong Maalam na ang panalangin ay inaasahang tinatanggap. Kaya dapat niyang isagawa ang Tahnik at manalangin para sa bata katulad ng nakagawian ng mga Kasamahan ng Propeta.

Si Imam Nawawi ay nagsabi, “Ang mga Pantas ay nagkasundo sa mungkahi ng pagsasagawa ng tahnik para sa sanggol pagkatapos ng pagsilang nito.” [Sharh Sahih Muslim 4/122]

Si Aisha ay nag-ulat, “ang mga bagong-silang na bata ay dinadala sa Sugo ni Allah at siya ay nananalangin para sa mga biyaya para sa kanila at ipinapahid ang nginuyang datiles sa kanilang mga gilagid. [Muslim

Pagpapangalan sa sanggol

Ang sanggol ay maaaring pangalanan sa araw ng kanyang pagsilang o makalipas ang pitong araw o pagkalipas ng ikapitong araw at ito ay naging malinaw pagkatapos mapag-aralan ang lahat ng katibayan mula sa sunnah.

Ang ama o ang ina ang siyang pipili ng pangalan para sa sanggol. Kung may pagkakaiba sa pagitan nila magkagayun ang ama ang siyang pipili, maaari niya itong pangalanan mismo o ibigay sa kanyang asawa ang karapatang pumili. Ang katotohanang ito ay karapatan ng ama na ipinapakita ng alituntunin na ang bata ay inuugnay at itinatangi sa kanyang ama, na sinabi ni Allah,

“Tawagin sila (mga ampong lalaki) sa (pangalan ng) kanilang mga ama, ito ay higit na makatarungan sa paningin ni Allah” [Maluwalhating Qur’an 33:5]

Pinapayagan din ang mga magulang na payagan ang iba na magpangalan ang bata, gayong ang ating Propeta ﷺ ay pinangalanan ang ilang mga anak ng kanyang mga Kasamahan.

Ang pangalan ay nararapat magdala ng mabuti at kapuri-puring kahulugan sapagkat ang Sugo ﷺ ay nagsabi,

“Sa Araw ng Pagbangong muli, tatawagin kayo sa inyong mga pangalan at mga pangalan ng inyong mga ama, kaya’t gawing mabuti ang inyong mga pangalan.” [Abu Dawud]

Iminumungkahi na tawagin ang sarili na lingkod ni Allah (Abdullah) o ang lingkod ng anuman sa mga pangalan ni Allah. At iminumungkahi na pangalanan ang bata alinsunod sa isang Propeta,dahil ayun sa Hadith,

“Tawagin ninyo ang inyong mga sarili sa mga pangalan ng mga Propeta” [Abu Dawud]

at ang Hadith

“Isang anak na lalaki ang isinilang sa akin ngayong gabi at tinawag ko siya alinsunod sa pangalan ng aking ninunong si Abraham” [Muslim]

At iminumungkahing pangalanan ang bata alinsunod sa sinumang matuwid na tao sa pag-asang magiging katulad siya nito. At iminumungkahi na pangalanan ng anumang pangalan na may mabuting kahulugan.

Ipinagbabawal na pangalanan ang isang bata ng isang pangalang nagpapakilala ng pagiging lingkod sa iba bukod kay Allah, halimbawa Abd an-Nabi, Abd ar-Rasul atbp, tulad din ng pagbabawal na pangalanan sila ng mga pangalang natatangi sa mga di-mananampalataya tulad ng George, Michael, Susan atbp.

Ang mga pangalan ng mga mapang-aping pinuno at mga masasamang tao ay dapat iwasan gaya ng Fir’awn, Qarun, Abu Lahab atbp.. Ganundin naman ay di kanais-nais pangalanan ng mga Kabanata sa Qur’an gaya ng ‘Ta Ha’ o ‘Ya Sin’ na naiulat mula kay Imam Malik at mga iba pa. Walang mapapanaligang Hadith na nauugnay sa dalawa sa itaas bilang mga pangalan ng Propeta ﷺ.

Ang Aqiqah

Pagkatapos ng ikapitong araw ng pagdating ng bagong-silang, bilang isang paraan ng pagsalubong dito at magpasalamat sa Nag-iisa na Siyang nagbigay ng mga biyaya, ito ay ipinag-utos na magkatay ng tupa. Ang Sugo ﷺ ay nagsabi,

“Ang bawat bata ay nasa panata para sa kanyang Aqiqah na kinatay dito sa ikapitong araw, at dito ay papangalanan siya, at ang kanyang ulo ay aahitan” [Abu Dawud]

Kung ang bagong-silang ay isang lalaki magkagayon ay dalawang tupa ang kakataying handog, at kung ito ay isang babae magkagayon ay isang tupa. Ito ang pinaninindigan ng karamihan sa mga pantas at mga Kasamahan. Ang Propeta ﷺ ay nagsabi,

“Para sa batang lalaki dalawang tupa, at para sa batang babae isang tupa.” [ibn Majah]

Ipinahihintulot na handog na kakatayin ang lalaki o babaeng tupa o kambing, at ito ang pinakamainam. At para naman sa pagkakatay ng handog na ibang mga hayop ay ang mga pantas ay nagkakaiba tungkol dito.

Ang pagkakatay ng handog ay nararapat isagawa ng ama o malapit na kamag-anak, ang ating Propeta ﷺ ay nagsagawa ng Aqiqah para sa kanyang dalawang apong lalaki. Kinakailangang ding bigkasin ang pangalan ni Allah dito habang kinakatay ang handog, at kung ang malapit na kamag-anak ang magsasagawa ng Aqiqah magkagayon ay dapat niyang idagdag, ‘Ang Aqiqah na ito ay Aqiqah ni ganito at ni ganoon’ habang binibigkas ang pangalan ng tao kung para kanino ang isinasagawa niyang Aqiqah na iniulat sa Hadith na isinalaysay ni Al-Bayhaqi.

Ang karne ng katay na handog ay maaaring ipamahagi ng luto na o hilaw pa, subalit ito ay mas mainam na ipamahagi ng luto na dahil ito ay nagbibigay ng higit na biyaya gaya ng sinabi ng lupon ng mga pantas.

Ang Pag-aahit sa ulo ng sanggol

Sa ikapitong araw matapos ang pagsilang ang ulo ng sanggol ay dapat ahitan. Kaya noong si Al-Hasan ay isinilang ang Propeta ﷺ ay nagsabi sa kanyang anak na babaeng si Fatima,

“Ahitan ang kanyang ulo at ibigay timbang ng kanyang buhok sa pilak sa mga mahihirap” [Ahmad]

Ang kanang bahagi ng ulo ang dapat unahing ahitan, pagkatapos ang kaliwa tulad ng sinabi sa Hadith,

“Ahitan, at itinuro ang kanang bahagi ng kanyang ulo, at pagkatapos ang kaliwa” [Muslim]

Hindi ipinapahintulot na ahitan ang isang bahagi ng ulo at iwan ang isang bahagi, dahil ito ay ipinagbawal ng Sugo ﷺ na iniulat ni al-Bukhari. Ang pinakamalakas na pananaw ay nagsasabi na ang ulo ng batang lalaki o batang babae ay dapat ahitan, tulad ng naiulat na si Fatimah ay tinimbang ang buhok ng kanyang anak na babae (Muwatta) subalit ang mga pantas ay nagkakaiba ng opinyon tungkol dito, at si Allah ang mas higit na nakakaalam.

Ang pag-ahit ay dapat isagawa pagkatapos ang pagkatay ng handog, at ang ating mga matutuwid na mga ninuno ay nais nila na pahiran ng pabango ang ulo ng sanggol pagkatapos itong ahitan.

Pagkatapos ay ipinapayo na ibigay ang katumbas na halaga ng timbang ng buhok ng sanggol sa pilak para sa kawanggawa, at ipinapayo na ibigay ang kawanggawang ito sa ikapitong araw din, subalit hindi naman ito obligado na gawin, bagkus maaari itong ipagpaliban.

Pagtutuli

Ipinag-utos na ang batang lalaki dapat na tuliin, ito ay iminumungkahi na ang pagtutuli isagawa sa ikapitong araw, subalit kailangan na tuliin bago pa magbinata ang batang lalaki.

Load More Related Articles
Comments are closed.

Check Also

Bakit Sasambahin Ang Diyos?

Kapag nakamalas tayo ng kakaibang pagpapakita ng kakayahan ng isa sa ating mga bayani sa p…