Ang papuri ay tanging kay Allah lamang ang panginoon ng sanlibutan, nawa’y ang pagpapalala at habag ay mapasa ating mahal na propeta Muhammad, at sa kanyang pamilya, kasamahan at sa lahat ng yumakap sa Islam, sa matuwid na landas hanggang sa huling araw.
Isa sa mga kahigtan ng Islam ay ang pagiging angkop ng mga batas at alituntunin nito sa lahat ng uri ng tao; bata, matanda, babae, lalake. Ito ang relihiyon na hindi pumipili ng antas ng tao, kulay, tribu, at lahi. Pinapanatili nito ang dangal at karapatan ng bawat isa, kaya naman matutunghayan natin na ang mga yumakap sa Islam ay mapabata man, binata, dalaga, matanda ay naging malinaw sa kanila ang mga mensahe ng Islam, at kanilang tinatanggap ito ng bukal sa kanilang puso, ito ay patunay lamang na ang mga batas ng Islam at alituntunin nito ay angkop sa lahat ng tao, lugar, at panahon.
At bilang patunay nito ay tunghayan natin ang isang sister na bagong yakap sa Islam, sa kanyang murang edad ay kanyang tinanggap ang mga aral sa Islam at paano ito nagpabago sa kanyang buhay, mula sa ligaw na landas tungo sa matuwid na landas at ang kanyang pagpupursige na isabuhay ang mga aral sa Islam at ang epekto nito sa kanyang buhay na naging dahilan para maramdaman niya ang kasiyahan sa kanyang pagdarasal upang lugurin ang tanging nag-iisang Diyos na Tagapaglikha, ang Allah. Ito ang magandang kwento ni Emily Faye Mendoza sa kanyang pagsasalaysay.
Ako ay si Emily Faye Mendoza, 18 na taong gulang nakatira sa Zamboanga, Nais kung maibahagi sa mga tao lalo na sa aking mga kababayang Pilipino na hindi pa Muslim ang kwento ng aking pagyakap sa relihiyong Islam, nawa ito ay maging inspirasyon ng bawat isa na naghahangad na kanilang masaksihan at mahanap ang tunay na Relihiyon, dalangin ko sa Allah na buksan ang inyong mga puso sa katotohanan, dahil tunay na walang naggagabay sa atin sa tamang landas maliban ang Allah, at igawad sa inyo ang kasiyahan na aking naramdaman sa aking pagyakap sa Islam, Ameeen.
Paano ako nagkainteresado na Yumakap sa Islam?
Tulad ng mga nangyayari sa mga kabataan ngayon sa murang edad, sa kapaligiran na kanilang ginagalawan ay isa ako sa mga naligaw sa aking landas dala ng mga barkada na aking sinamahan, hindi ako nakapag-aral ng mabuti dahil sa mga kaibigan ko na puro tambay ang kanilang gusto at napapasama rin naman ako sa kanila, hanggang sa dumating ang araw na nakita ko ang dati kong kaibigan noong High School pa ako, isa siyang matuwid na muslim. Nagkwentuhan kami at tungkol sa relihiyong Islam ang aming pinag-uusapan, at unti-unting naging malinaw sa akin ang relihiyong Islam at dahil dito madalas na kaming nagkikita at nang nagkainteresado na ako na yumakap sa relihiyong Islam ay siya namang panahon na siya umalis sa aming lugar at pumunta ng maynila at doon nawala na ang pakikipag-usap namin sa isat-isa.
Ganun pa man, ang papuri ay tanging sa Allah, may nakita akong group sa facebook na “Kaming Mga Balik Islam” at sumali ako sa group na ito sa hangarin na malaman pa ang karagdagang kaalaman sa Islam at ganun din para makapagtanong kung papaano yumakap sa Islam, at nang mga sandaling ako ay nagpost kung paano yumakap sa Islam ay napakarami ang sumagot sa aking tanong at ganun din sa aking inbox marami ang mensahe na aking natanggap at isa po sa sumagot sa akin ay ang ating kapatid na nagngangalang Abdurrahman na kabilang sa mga nagpapahayag ng relihiyong Islam sa facebook, ipinaliwanag niya sa akin ang mga pangunahing aral sa Islam, tulad ng mga anim na haligi ng pananampalataya at limang haligi ng Islam at pagkatapos niyang magpaliwanag sa akin, ako ay yumakap sa Islam, “Ako ay Sumaksi na walang tunay na Diyos maliban sa Allah at Ako ay sumaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at huling sugo“, Sobra sobrang saya ang naramdaman ko, at parang takot na takot akong gumawa ng mali kahit maliit na bagay lamang.
Pagkatapos, Ano ang naging hangarin ko at buhay?
Ang papuri ay tanging kay Allah lamang, Sa ngayon, gusto kong ayusin ang lahat ng nasira sa aking buhay tulad ng aking pag-aaral, sisikapin kong tapusin, isaayos ito sa kapahintulutan ng Allah, Ganun din pursigido talaga ako na maging isang mabuting babaeng Muslimah, araw-araw akong nagbabasa ng mga post sa group na “Kaming mga balik Islam”.
Nang ako ay yumakap sa Islam naging matiyaga akong gumawa ng mga mabuting bagay, at isa rin ito na dahilan kung bakit gusto ko na mag aral ng mabuti at iniiwasan ko na yung mga dati kong kaibigan. Inaaral ko na rin kung paano ang tamang pagdarasal sa Islam at inshaaAllah hangarin ko na makapag-fasting na ako, ngayong darating na buwan ng Ramadhan.
Gusto ko umiyak sa sobrang saya ng aking naramdaman sa una kong pagtatayo ng pagdarasal ng fajr, at sobrang sarap sa pakiramdam kahit di pa ako masyadong marunong, ramdam na ramdam ko ang saya sa aking puso.
Sa pagsusuot naman ng Hijab ay aking isinagawa agad ito ng nalaman ko na ito ay obligado sa mga kababaihan at nagulat ang mga kaklase ko sa akin at ang iba naman ay natuwa. Hindi ako mahihiyang isuot ito dahil isinuot ko ito para lugurin lamang ang Allah hindi ang kahit sinuman. Ang pinoproblema ko lang ay hindi pa alam ng magulang ko na ako ay yumakap sa Islam. Sa ngayon itinatago ko muna sa kanila ito, at sa kapahintulutan ng Allah balang araw ay maibahagi ko sa kanila ang Islam at nawa tanggapin nila ito, Ameeen. At sa tuwing sila ay umaalis ng bahay bago ako pumunta ng school ay doon ako nakakapaglagay ng Hijab.
At isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa islam ay ang pagsamba kay Allah, dahil hindi po tulad ng ibang relihiyon, na may tsismisan na nagaganap sa loob ng simbahan, kumpara sa Islam makikita mo ang taimtim na pagdarasal sa Allah at wala kang makikita na hindi seryoso sa pagdarasal, ang mga nagdarasal ay mula sa puso para lugurin ang Allah.