Ako ay isang Arabo na nakatira sa Malta at nais kong malaman ang dahilan kung bakit ipinagbawal ang baboy dahil ang aking mga kaibigan sa trabaho ay tinatanong ako tungkol dito.
Ang papuri ay kay Allah.
Ang pangunahing panuntunan para sa Muslim ay ang siya ay sumunod sa anumang ipinag-utos ni Allah sa kanya, at umiwas sa anumang Kanyang ipinagbawal sa kanya, kahit ang dahilan sa likod nito ay maliwanag o hindi.
Hindi ipinahihintulot para sa isang Muslim na tanggihan ang anumang batas ng shari’ah o mag-alinlangan na sundin ito kung ang dahilan sa likod nito ay hindi maliwanag. Bagkus siya ay dapat na tanggapin ang mga batas sa halal at haram kung ito ay napagtibay sa teksto, kahit nauunawaan niya ang dahilan sa likod nito o hindi. Si Allah ay nagsabi:
“Hindi dapat para sa lalaking sumasampalataya at sa babaeng sumasampalataya, na kapag nagtakda si Allah at ang Kanyang Sugo ng isang bagay, na magkakaroon pa sila ng pagpipilian sa pagpapasya nila. Ang sinumang sumusuway kay Allah at sa Kanyang Sugo ay naligaw nga nang maliwang na pagkaligaw.” [Maluwalhating Qur’an 33:36]
“Ang sabi lamang ng mga sumasampalataya kapag tinawag sila kay Allah at sa Kanyang Sugo upang sila ay hatulan niya ay magsasabi sila: “Narinig namin at tumalima kami.” At sila yaong mga matagumpay.” [Maluwalhating Qur’an 24:51]
Ang baboy ay ipinagbabawal sa Islam ayon sa mga teksto ng Qur’an, na si Allah ay nagsabi:
“Ipinagbawal lamang Niya sa inyo ang Maytah [patay nang hayop], at dugo, at karne ng baboy…” [Maluwalhating Qur’an 2:173]
Hindi ito ipinahihintulot para sa isang Muslim na kainin ito sa anumang kalagayan maliban sa katayuan ng pangangailangan na kung ang buhay ng isang tao ay nakasalalay sa pagkain nito, katulad sa katayuan ng pagkagutom na ang isang tao ay natatakot na ikamatay niya ito, at hindi siya makahanap ng anumang ibang uri ng pagkain, sang-ayon sa pagbabatas ng shari’ah: “Sa mga katayuan ng pangangailangan, ang mga haram na bagay ay ipinahintulot.”
Walang nabanggit sa mga teksto ng shari’ah na mga tukoy na dahilan kung bakit ipinagbawal ang baboy, bukod sa talata na sinabi ni Allah:
“..dahil katiyakan, ito’y marumi..” [Maluwalhating Qur’an 6:145].
Ang salitang rijs [na isinalin dito bilang ‘marumi’] ay ginagamit sa anumang itinuturing na kasuklam-suklam sa Islam at ayon na din sa maliwanag na kalikasan ng tao [fitra]. Ang ganitong dahilan lamang ay sapat na. At may pangkalahatang dahilan na ibinigay patungkol sa pagbabawal ng mga haram na pagkain at inumin at katulad nito, na tumutukoy sa kadahilanan sa likod ng pagbabawal ng baboy. Ang pangkalahatang dahilang ito ay matatagpuan sa talata na sinabi ni Allah:
“..siya [ang Propeta, sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] ay pinahintulutan lamang ang mga at-Tayyibat [lahat ng nakabubuting bagay, mga gawa, mga paniniwala, mga tao at mga pagkain], at ipinagbawal ang al-Khaba’ith [lahat ng nakakasamang bagay, mga gawa, mga paniniwala, mga tao at mga pagkain]..” [Maluwalhating Qur’an 7:157]
Ang pangkalahatang kahulugan ng talatang ito kabilang ang dahilan kung bakit ipinagbawal ang baboy at maaari itong unawain sa Islamikong pananaw, na kabilang sa mga talaan ng mga bagay na nakasasama at ipinagbabawal [al-khaba’ith].
Ang pakahulugan ng al-khaba’ith dito ay lahat ng mga bagay na makakapinsala sa kalusugan ng tao, kayamanan at moral. Ang lahat ng bagay na magbubunsod sa mga negatibong kahihinatnan sa isang mahalagang aspeto ng buhay ng tao ay pasasailalim sa pangkalahatang pamagat na khaba’ith.
Ang makaagham at pang-medisinang pananaliksik ay napatunayan din na ang baboy, bukod sa lahat ng mga hayop, ay itinuturing na nagdadala ng mga kagaw na nakakapinsala sa katawan ng tao. Ang pagpapaliwanag ng lahat ng mga nakakapinsalang mga sakit nang detalyado ay aabutin ng matagal, subalit sa pagpapaiksi ay maitatala natin sila bilang: parasitikong mga sakit, sakit na sanhi ng baktirya, mga bayrus atbp.
Ito at iba pang nakapipinsalang mga bunga ay nagpapakita lamang na ang Matalinong Mambabatas ay ipinagbawal lamang ang baboy na may dahilan, na upang pangalagaan ang buhay at kalusugan, na kabilang sa limang pangunahing mga pangangailangan na pinangangalagaan ng shari’ah.
At Si Allah ang higit na nakakaalam.