Ang mga tao ay natatakot sa hindi nila nauunawaan. Ang batas Shari’ah ay madalas na mahulog sa ganitong kategorya. Ngunit bakit? Maaaring magulat kang malaman na ito ay hindi naiiba mula sa mga positibong prinsipyo na sinusubukan nating ituro sa mga bata kagaya ng kabutihan at tungkulin. Ang mga paaralan sa buong mundo ay nagtatagubilin sa mga mag-aaral na sundin ang mga patakaran sa pag-uugali. Ang mga kumpanya at mga samahan ay mayroong alituntunin ng wastong pag-uugali at asal para sa mga manggagawa. Gayundin, ang Islam ay may panuntunan at alituntunin para sa mga tagasunod nito.
Ano ang Batas Shari’ah?
Ang katagang Shari’ah sa literal na kahulugan ‘ang daan’ at ito ay nauunawaang nangangahulugan na landas para sa kaligtasan. Ang Batas Shari’ah ay Islamikong panuntunan para tulungan ang mga Muslim na maabot ang mataas na kaasalan at alituntunin ng wastong pag-uugali sa lipunan. Ito ay nagbibigay-pansin ng higit pa sa isang payak na usaping ligal. Ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pang araw-araw na pakikisalamuha at pakikipagmabutihan sa mga kapwa miyembro ng lipunan. Ang prinsipyo ng Shari’ah ay batay sa mga salita ng Diyos sa Qur’an, at mga aral ni Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya]. Ang pinakapangunahing layunin ng Shari’ah ay para hikayatin ang patas at makatarungang pakikitungo sa mga kababaihan, kabataan, mga kapit-bahay, mga nangangailangan, at maging sa kalikasan.
Sa ibayong mga karagatan at mga kultura, pangkaraniwan na tanggap ang panuntunan na tayo ay hindi nararapat na kumitil ng buhay. Ang mga tao, sa pangkalahatan, ay sumusunod sa mga batas at namumuhay ayon sa pandaigdigang alintuntuning pangmoral. Ang pamayanan, gayundin, ay batay sa mga kaasalan, ngunit kung mga kaasalan lamang ay hindi sapat dahil ito ay pansarili lamang. Para sa mga Muslim ang mga panuntunan at mga kaasalang ito ay dapat galing sa Tagapaglikha, at kung kaya ang isang Muslim ay nagsisikap na maging isang ulirang huwaran para sa lipunan. Ang Shari’ah ay humuhubog ng isang matatag na layuning sanggunian para ang isang tao ay mamuhay ng isang wastong asal ng pamumuhay. Magkagayun, hindi lamang mga indibidwal bagkus maging mga pamayanan ay maaaring umunlad sa ilalim ng ganitong mga panuntunan.
Ang Shari’ah ay hindi isang aklat ng mga kautusan kagaya ng nandoon sa Exodo. Hindi ito isang ligal na dokumento para sa pagtugis ng mangkukulam. Hindi ito isang panawagan sa paghawak ng sandata o pagtatwa sa Kanluraning pamayanan. Ito ay isa lamang payak na pundasyon para tugunin ang mga suliranin ng buhay.
Ang Shari’ah Ba Ay Namumugot Ng Mga Ulo At Kamay
Salungat sa kilalang paniniwala, ang Shari’ah ay hindi isang malupit, marahas na balangkas ng mga batas na nag-uutos ng pagmamalabis. Ang Qur’an at mga aral ni Propeta Muhammad ﷺ ay napakalinaw sa pagiging makatarungan at mahabagin.
Sinabi sa atin ng Diyos sa Qur’an:
“Tunay na si Allah ay nag-uutos sa inyo na itaguyod ang katarungan, ang paggawa ng kabutihan at ang pagtulong sa kamag-anak at ipinagbabawal Niya ang kahalayan, kasamaan at pang-aapi. Tinuturuan Niya kayo, nang sa gayon kayo ay makaalala. [Maluwalhating Qur’an 16:90]
Siya ay nagpaalala rin sa atin:
“At ang sinumang gumagawa ng kasamaan o lumabag sa katarungan sa kanyang sarili at pagkatapos ay hihingi siya ng kapatawaran kay Allah, matatagpuan niya na si Allah ay Mapagpatawad, Maawain.” [Maluwalhating Qur’an 4:110]
Bago pa ang anumang parusa ay magawa, isang serye ng detalyado, mahabang mga kondisyon ang dapat na makamit para mapagtibay na ang nasasakdal ay nagkasala ng isang krimen. Halimbawa, ilang mga kailangan para maisakdal ang isang tao bilang magnanakaw ay ang mga sumusunod:
- Dapat ay mayroong dalawang mapagkakatiwalaang matapat na saksi o ang nasasakdal ay aminin ito ng makalawang ulit.
- Ang nasasakdal ay dapat na hindi mahirap at may pangangailangan sa bagay na kanyang kinuha [hal. pagkain o damit]
- Ang halaga ng bagay na kinuha ay dapat na hihigit sa halaga ng apat at kalahating gramo ng ginto.
- Ang bagay ay kinuha sa isang ligtas at pribadong lugar na ang may-ari ay walang kakayahan para humingi ng tulong.
- Ang nasasakdal ay maaaring bayaran ang may-ari para sa bagay na kinuha bago pa ang hukom makapagbigay ng kanyang hatol.
Kagaya ng nakikita mo, ang Diyos ay pinangangalagaan ang Kanyang nilikha sa pamamagitan na ginawa nitong mahirap maisakdal ang isang tao sa isang krimen. Siya ay naglagay ng pasanin na katibayan sa nagsasakdal, at hindi sa nasasakdal. Ang parusa ay naglalayon bilang paalala at paghikayat na tumalima sa mga batas at maging isang matuwid na mamamayan.
Ang Shari’ah Ay Ginawa Sa Kabutihan At Awa
Ang pagtalima sa mga prinsipyo ng Shari’ah ay kabilang ang pagsasagawa ng mga pang araw-araw na pakikisalamuha na may kabaitan at pagdamay para sa iba. Ang Qur’an ay nagsusulong ng pagpapakumbaba at kabutihan kagaya ng winika ng Diyos:
“…magsalita kayo sa mga tao ng mabuti” [Maluwalhating Qur’an 2:83]
at
“…Ang mga alipin ng Napakamaawain ay ang mga naglalakad sa lupa nang panatag na may pagpapakumbaba, at kapag pinagsabihan sila ng masama ng mga mangmang ay nagsasabi sila ng salitang mabuti ng malumanay.” [Maluwalhating Qur’an 25:63]
Ang mga Muslim ay hinihikayat na maging mabuti, kahit sa pagpataw ng parusa. Yaong mga pumapataw ng kalupitan sa iba, ay gumagawa ng pagsalungat sa panuntunan ng Diyos. Sa katunayan, ang Islam ay nagbabawal ng karahasan, at nagbabawal ng anumang pag-atake sa mga sibilyan, kababaihan, kabataan, mga lugar sambahan, mga pananim at kahit sa mga kahayopan.
Ang Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika,
“Yaong mga maawain ay kaaawaan ng Pinakamaawain. Maging maawain sa mga naroon sa lupa at ang Natatangi na nasa mga langit ay maaawa sa iyo.” [At-Tirmidhi]
Ang Shari’ah Ay Nananawagan Para Sa Masunurin Sa Batas Na Mga Mamamayan
Ang Shari’ah ay hindi kailanman isang tarheta na ‘lumabas sa piitan ng malaya’ para sa mga Muslim upang magpakana ng kaguluhan sa mga walang malay na mga Muslim at di-Muslim. Sa katunayan, pinapanatili nito ang mga Muslim sa mataas na pamantayan at nagtataguyod ng katarungan at kapayapaan para sa lahat.
Ang Islamikong batas ay hindi hinihikayat ang mga Muslim na itatwa ang konstitusyon ng lugar na kanilang pinaninirahan. Hindi ito pamalit para sa mga patakaran ng pamahalaan. Sa katunayan, ang Shari’ah ay inuutusan ang mga Muslim na sundin ang mga batas na nakakasakop sa kanila, malibang ito ay sumasalungat sa pamantayan ng Tagapaglikha.
Ang dahilan na karamihang konstitusyon ay pinangangalagaan ang kalayaan sa relihiyon ay dahil sa ang ating mga ninuno ay kinilala ang kabutihan ng relihiyon at ang kawalan ng pagpaparaya ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng pamayanan. May nakikita ka bang banta kapag ang isang Muslim ay nag-aayuno para sa buwan ng Ramadan, nagkakaloob ng bahagi ng kanyang kayamanan sa mahihirap o nagdarasal ng limang beses sa isang araw?
Shari’ah Nagtataguyod Para Sa Mga Karapatan Ng Kababaihan
Ang batas Shari’ah ay naglalayon para pangalagaan ang kababaihan mula sa pasaning pananalapi at inilagay ang kalalakihang may pananagutan para sa kapakanan ng kanilang mga asawa at mga anak, kahit pa kung ang isang babae ay mayroong sariling kayamanan. Ang ari-arian ng isang babae ay natatanging kanya at hindi kailanman maaaring makuha ng kanyang asawa, kapatid o ama. Ang ganitong uri ng kalayaan sa pananalapi ay isang kamakailan lamanng na karapatan ng karamihan sa mga makabagong lipunan.
Sa Islam, ang kababaihan ay inilagay sa mataas na pagtatangi. Halimbawa, ang isang ina ay higit pinaparangalan kaysa ama.
Isang lalaki ang dumating sa Propeta ﷺ at nagsabi:
O Sugo ni Allah! Sino mula sa mga tao ang higit ang karapatan sa mabuting pakikitungo mula sa akin? Siya ay sumagot: “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay nagtanong: Pagkatapos ay sino? Siya ay sumagot: “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay muling nagtanong: Pagkatapos ay sino? Kaya ang Propeta ﷺ ay sumagot muli: “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay muling nagtanong: Pagkatapos ay sino? Kaya siya ay sumagot: “Matapos ay ang iyong ama.” [Bukhari]
Gayundin, ang Propeta ﷺ ay nagwika,
“Ang pinakaganap sa mga mananampalataya sa pananampalataya, ay ang siyang may pinakamainam na pagkatao. At ang pinakamainam sa inyo ay siyang pinakamainam sa kanilang kababaihan.” [At-Tirmidhi]
Ang Qur’an ay kinikilala na walang buhay kung walang ina at kung kaya ang mga maybahay at mga ina ay karapat-dapat na pakitunguhan ng sukdulang paggalang at maayos na pangangalaga sa bigkis ng kasal. Kung hindi, ang isang babae ay may karapatan na humingi ng diborsyo kung nanaisin niya.
Positibong Impluwensya
Maraming mga Muslim na inilaan ang kanilang mga buhay para gawin ang mundo na isang mainam na lugar sa pamamagitan ng pagtalima sa batas Shari’ah. Ang Shari’ah ay naghihikayat ng positibong ugnayan at kagandahang-loob. Ito ang gabay para maabot ang mabuting pagkatao at maging isang pakinabang sa iyong pamayanan. Bakit hindi alamin sa pagbabasa ng Qur’an at pag-aralan ang mga aral ni Propeta Muhammad ﷺ para makita kung anong batas sa pakiramdam mo ang makapagbibigay ng positibong epekto sa iyong buhay at iyong paligid.