Pagpatay? Terorismo? Sapilitang mga Kombersyon? Pagpapalaganap sa pamamagitan ng Espada?
“At PATAYIN sila saan mo man sila mahagilap…” [Maluwalhating Qur’an 2:191]
“Hayaang maging walang pamimilit sa Relihiyon.” [Maluwalhating Qur’an 2:256]
Ang isang pangunahin at mahalagang katotohanang itinatag ng sagradong mga teksto ng Islam (Ang Qur’an at mga Hadith) ay: “Walang sinuman ang maaring pilitin na tanggapin ang Islam!”
Tungkulin at obligasyon ng mga Muslim na makapagtatag ng patunay at patotoo ng Islam sa mga tao upang ang katotohanan ay maitangi sa kasinungalingan. Ang mga Muslim ay kailangang ipakilala ang katotohanan at mga patunay ng Islam at pagkatapos ay hayaan sa iba ang kalayaang pumili na tanggapin o tanggihan ang mga patunay na ito.
Sa sandaling ito ay naisagawa na, sinuman ang magnais na tanggapin ang Islam ay maaari niyang gawin, at kung sinuman ang magnais na magpatuloy sa ibang pamamaraan ay maaari niyang gawin. Walang sinuman ang tatakutin o pipinsalain sa anumang pamamaraan para sa pagpili niyang hindi tanggapin ang Islam.
Ang lahat ay binibigyan ng tatlong sumusunod na mga pagpipilian kapag ang Batas ng Islam ay ipinatupad:
- Tanggapin na may Isang Diyos lamang na sasambahin at sundin ang Kanyang mga kautusan (ito ay; maging Muslim)
-
Tanggihan ang Islam subalit pumayag na mamuhay sa kapayapaan nang hindi makipagdigma o magpabagsak o magbalak laban sa may kapangyarihan
-
Pakikipaglaban.
Mayroong dalawang pangunahing pinagmumulan ng patunay para sa Muslim. Ito ay:
Ang Qur’an – itinuturing ng mga Muslim bilang ganap na Pananalita at Pagbibigkas ni Allah, ang Pinakamakapangyarihan. (‘Qur’an’ Ar. mula sa salitang ugat na; “Qara’a”: bumigkas; Qur’an; lit. Ng yaong binibigkas).
Ang Hadith – mga katuruan ni Muhammad, sumakanya ang kapayapaan at mga pagpapala. (Hadith – Ar. kahulugan, mga kwento o pagsasalaysay. Ang mga Hadith ay tinipon, pinanaligan [sa mga pinagtipon ni Bukhari at Muslim na tinatawag na ‘Sahih’, inuri, pinanatili at isinaulo nang mahigit sa 1400 mga taon; lahat na nasa orihinal na wika [Arabe]). Karagdagan pa tungkol sa Hadith
Ang propreta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi na sinabi ni Allah,
pinagbawalan Niya ang Kanyang sarili na mang-api at pinagbawalan Niya ang mga mananampalataya sa pang-aapi.
Ang propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi :
“Tulungan mo ang iyong kapatid sa pang-aapi, kahit na siya ay inaapi o ang nang-aapi.” Nang tanungin siya kung paano niya maaaring tulungan ang kanyang kapatid kung siya ang nang-aapi, siya ay sumagot, “Pigilan mo siya.”
Sinabi rin niya:
“Sinuman ang hindi magpakita ng awa, ay hindi pagpapakitaan ng awa sa Araw ng Paghuhukom.”
Tandaan: Ipinagbabawal (at imposible ayon sa kahulugan ng salitang “Islam”) na pilitin ang sinumang tanggapin ang Islam nang pwersahan.
Pakisuri ang detalyadong kahulugan ng mga salitang Islam, Jihad at Qital bago magpatuloy sa pagbabasa:
Islam [‘Islam’; Ar. mula sa ugat na “Salama” (silm), na maging nasa mapayapang pagtalima; sumuko; sumunod; kapayapaan; Islam lit. ‘Ang aktibong kusang pagsuko, pagtalima, pagsunod, sa kadalisayan sa kalooban ng iba (si Allah) sa ganap na kapayapaan.’]
Ang pag-unawa mula sa kahulugan ng salitang Islam mismo ay nilinaw na walang paraan na maaari mong ipilit sa isang tao na ipagawa sa kanila ang isang bagay na labag sa kanilang sariling kagustuhan at pagkukusa. Kung ang isang tao ay pinilit na pumasok sa Islam, magkagayon, hindi pa rin ito maaaring maging Islam kahit papaano, dahil ang isang kondisyon ng Islam ay dapat itong sa pamamagitan ng malayang pagpili sa kapayapaan. Ang pagpilit sa mga tao sa Islam ay ganap na hindi makatwiran at tiyak na hindi katanggap-tanggap sa konsepto o kasanayan.
Karagdagan pa tungkol sa salitang Islam [pindutin]
Jihad at Qital: Pakatandaan: Ang salitang madalas na ginagamit sa Qur’an patungkol sa mga labanan, komprontasyong militar at mga digmaan ay hindi “jihad” – kundi “Qital”
JIHAD – Mayroong dalawang (2) mahahalagang mga puntos na nais naming tukuyin hinggil sa pinaka napag-uusapan at madalas na pinasisinungalingang paksang ito na tinatawag na, jihad.
Ang kahulugan ng salitang [‘jihad’; Ar. mula sa ugat na “Jahada”, pakikibaka; igiit ang sarili, tulad ng sa matinding pagsisikap na makarating sa isang konklusyon hinggil sa kahulugan at interpretasyon ng Batas ng Islam (ijtihad); pagsisikap, tulad ng sa, pagsusumikap upang ganapin ang isang dakilang gawain (jahid); jihad lit. ‘Ang pakikibaka upang makamit ang layunin.] Ang pangunahing layunin ng institusyon ng jihad. Dapat maunawaan na ang jihad ayon sa Shari’ah (Batas ng Islam) ay itinatag ni Allah, Ang Siyang Tagapagbigay ng Batas, para lamang sa layunin na itaas, pangalagaan at ipagtanggol ang Deen (paraan ng Islam; La ilaha illa Allah [walang may karapatang sambahin, maliban kay Allah.]).
QITAL – Ang salitang “Qital” ay mula sa ugat na “Qatala” at ipinapahiwatig ang salitang Tagalog na “labanan” at gayundin kapag nasa anyo ng “iqtul” (ang pautos ng pandiwa) ito ay nangangahulugang “patayan sa mortal na labanan”.
Tingnan ang Talababa Tungkol sa JIHAD (pindutin)
Ang salitang “jihad” ay madalas na inuugnay sa isang bagay na katulad sa “Banal na Digmaan” – na kung saan ang mga manlalayag na militar na isinagawa ng mga Krusada sa ilalim ng mga pag-uutos mula sa Santo Papa ng Simbahang Katoliko noong ika-11, ika-12, at ika-13 na siglo laban sa mga tao ng Herusalem, kung saan pinagpapatay nila ang sinuman at lahat nang walang pakundangan, kabilang ang mga Hudyo, Muslim at maging mga Kristiyanong hindi Katoliko. Ang dugo ay dumanak nang walang pagsasaalang-alang sa buhay ng tao hanggang sa sukdulang ito ay naiulat na, “Kami ay nasa dugo hanggang sa mga binti ng aming mga kabayo”. Ang mga krusada ay nagtangay ng malaking kayamanan at ang ilang mga kabalyero ay nakapagtayo pa ng kani-kanilang mga sariling munting kaharian.
Ipinagbawal ng Islam ang anumang katulad nito sa loob ng limang daang (500) taon bago pa man sa pagkakahayag ng Qur’an na malinaw na nag-uutos sa mga mananampalataya na huwag kailanman makisali laban sa kanilang mga hindi nakikisali sa pakikipagdigma.
Ang iba pang mga pagtatakda ay ipinataw din, tulad ng hindi pagpatay sa sinumang hindi naman talaga nakikipaglaban, hindi pagpatay sa mga pari, pagpapanatili sa buhay ng mga kababaihan, bata, paghahayupan at maging ang hindi pagwasak ng agrikultura o imprastraktura.
Ang Qur’an ay ang unang dokumento sa natatanging uri nito sa kasaysayan na nag-aalok ng mga pagtatakda at paghihigpit sa lantarang labanan. Ang mga Muslim ay pinagbawalang makisali sa anumang labanan para sa pansariling pakinabang, paghihiganti, o mga pantribong alitang karaniwan sa panahon ng rebelasyon. Ang mga Muslim ay inutusang huwag makisali sa anumang uri ng labanan maliban sa napakahigpit na mga pagtatakda na ipinahintulot ng Makapangyarihang Allah.
Ang mga kaaway na nadakip ay hindi para pahirapan o isa-ilalim sa kahihiyan para sa kapakanan ng aliwan, pansariling pagmamalinis o paghihiganti. Ang mga nadakip na bihag ay dudulutan ng parehong pagkain at inumin tulad ng sa mga Muslim, bibigyan ng pagkakataon na malaman ang tungkol sa Islam at masaksihan ang mapagpakumbabang debosyon ng mga Muslim ukol sa Makapangyarihang Diyos.
Sa ilang mga kaso, ang mga bihag ay inaalok ng kalayaan kapalit ng pagtuturo at pagsasanay sa mga Muslim. Ang iba ay tinanggap ang Islam at ganap na tinanggap bilang mga mamamayan na Muslim sa loob ng pamayanan ng mga mananampalataya.
Ang lahat ng ito ay labing-apat (14) na siglo – bago pa ang ‘Geneva Convention!
Kabilang sa maraming matibay na piraso ng katibayan sa Islam upang patunayan na “Walang sapilitan sa Islam” ay ang mga sumusunod:
Sinabi ni Allah sa Kanyang Qur’an:
“Hayaang maging walang pamimilit sa relihiyon. Ang katotohanan ay naging malinaw kaysa sa kamalian. Sinumang tumanggi sa maling pagsamba at naniwala kay Allah ay nakapitan ang pinaka-mapagkakatiwalaang kapitan na hindi malalagot. At si Allah ang nakakarinig at nakakaalam ng lahat ng bagay.” [Maluwalhating Qur’an 2:256]
Sinabi rin ni Allah sa Qur’an:
“Kung kalooban ng iyong Panginoon, ang lahat ng mga tao sa Lupa ay maniniwala. Maaari mo bang pilitin ang mga tao upang maniwala sila?” [Maluwalhating Qur’an 10:99]
At sinabi ni Allah:
“Kaya’t kung sila ay makipagtalo sa iyo, sabihing itinalima ko ang aking buong sarili kay Allah, at gayon din ang mga sumusunod sa akin. ‘At sabihin mo sa mga Angkan ng Kasulatan at sa mga walang kaalaman: Kayo ba ay tumatalima rin? ‘Kung gagawin nila, sila kung gayon ay nasa tamang patnubay. Ngunit kung sila ay tatalikod, ang iyong tungkulin ay iparating lamang ang Mensahe. At sa paningin ni Allah ang lahat ay Kanyang mga lingkod.” [Maluwalhating Qur’an 3:20]
Sinabi rin ni Allah na Pinakamakapangyarihan:
“Ang tungkulin ng Sugo ay para lamang ipahayag ang Mensahe.” [Maluwalhating Qur’an 5:99]
Mahalagang tandaan na ang huling dalawang talatang ito ay ipinahayag sa Madinah. Mahalaga ito, dahil ipinapakita nito na ang pagpapasya na ibinigay nila ay hindi lamang alang-alang sa mga Muslim na nasa Makkah sa panahon ng kahinaan.
Ang ilan sa mga tao ay maaaring nagtataka na kung ang Islam ay tunay na nagtatanggol ng gayong pamamaraan, magkagayon ay ano itong ating naririnig tungkol sa Jihad?
Paano natin maipapaliwanag ang pakikidigma na isinagawa ng Propeta (ﷺ) at ng kanyang mga Kasamahan na dineklara laban sa mga pagano?
Ang sagot dito ay ang jihad sa Batas ng Islam ay maaaring ideklara sa maraming mga kadahilanan, ngunit ang pagpilit sa mga tao na tanggapin ang Islam ay hindi talaga isa sa mga ito.
Ang dahilan kung bakit pangunahing pinahintulutan ang jihad sa Islam ay upang ang mga Muslim ay maaaring ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa pag-uusig at pagpapatalsik mula sa kanilang mga tirahan.
Si Allah ang Kataas-taasan ay nagsabi:
“ Sa kanilang laban ang paggawad ng pakikidigma, ang kapahintulutan (upang makipaglaban) ay iginawad dahil sa sila ay ginawaan ng kamalian at katotohanang si Allah ay Pinakamakapangyarihang makakapagkaloob sa kanila ng tagumpay
(Sila) ay yaong itinaboy sa kanilang mga tahanan nang may paglabag sa karapatan (ng walang katarungan) maliban na sila ay nagsabi ng, ‘Ang aming Panginoon ay si Allah’. Hindi ba isina-alang-alang ni Allah sa ibang mga tao sa pamamagitan ng iba, maaaring mayroong tiyak na magwawasak na mga monasteryo, mga simbahan, mga sinagoga, at mga moske , kung saan ang ngalan ni Allah ay ginugunita nang masagana. Katotohanang si Allah ay tutulong sa kanilang mga tutulong sa Kanyang kapakanan. Sapagkat katotohanang si Allah ay tigib ng lakas at makapangyarihan.” [Maluwalhating Qur’an 22:39-40]
Marami sa mga sinaunang mga pantas ang nagbanggit na ito ang mga unang talata ng Qur’an na inihayag hinggil sa jihad. Pagkatapos ay ang mga sumusunod na talata ay inihayag:
“Makipaglaban kayo sa landas ni Allah sa kanila na nakikipaglaban sa inyo, datapuwa’t huwag ninyong labagin ang mga hangganan; sapagkat si Allah ay hindi nagmamahal sa mga nagmamalabis. At inyong patayin sila saan man sila ay inyong matagpuan at inyong itaboy sila kung saan kayo ay kanilang itinaboy sapagkat ang terorismo ay higit na masama kaysa sa pagpatay . At huwag kayong makipaglaban sa kanila sa banal na moske maliban na sila ay unahan kayo na labanan. Dapapuwa’t kung kayo ay lusubin nila sila ay inyong patayin. Yaon ang gantimpala sa mga walang pananampalataya. Datapuwa’t kapag sila ay tumigil, si Allah ay ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin. At makipaglaban kayo sa kanila hanggang wala na ang terorismo at pang-aapi at nananaig ang katarungan at pananamapalataya kay Allah. Datapuwa’t kapag sila ay tumigil, huwag hayaang magkaroon ng pagkapoot maliban sa kanilang nagsasanay ng pang-aapi.” [Maluwalhating Qur’an 2:190-193]
Mula sa puntong ito, ang saklaw ng jihad ay pinalawak mula sa pagiging dalisay para sa pagtatanggol laban sa tuwirang pagsalakay tungo sa pagiging kasama ng pakikipaglaban sa mga sumupil sa pananampalataya at ipinagkait sa mga tao ang kalayaan na pumili ng kanilang relihiyon para sa kanilang mga sarili. Ito ay dumating kalaunan, dahil ito ay isinabatas para sa mga Muslim lamang kapag sila ay may kakayahang gawin ito. Sa mga panahon ng kahinaan, ang mga Muslim ay maaaring lumaban lamang sa tuwirang pagsalakay.
Tungkol naman sa paglaganap ng Islam, ito ay dapat na nangyari nang mapayapa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Mensahe sa nakasulat at binigkas na salita. Walang lugar para sa paggamit ng mga sandata upang pilitin ang mga tao na tanggapin ang Islam. Ang mga sandata ay maaari lamang gamitin laban sa mga nang-uusig at nang-aapi sa iba at pumipigil sa kanila na sundin ang kanilang sariling mga budhi sa mga bagay ng pananampalataya. Ang mga Muslim ay hindi na lamang maaaring maghintay habang ang mga tao ay tinatanggihan ng karapatang maniwala sa Islam at ang kanilang mga tinig ay dinudurog.
Ito ang kahulugan ng mga salita ni Allah:
“At labanan sila hanggang sa mawala na ang terorismo o pang-aapi at dito ay manaig ang daan para sa katarungan at pananampalataya kay Allah.” [Maluwalhating Qur’an 2:193]
Sinabi ng Propeta (ﷺ) sa kanyang liham sa gobernador ng Roma na si Heracles:
“Inaanyayahan kita na tanggapin ang Islam. Kung tatanggapin mo ang Islam, makakatagpo ka ng kaligtasan. Kung tatanggapin mo ang Islam, pagkakalooban ka ni Allah ng dobleng gantimpala. Gayunpaman, kung ikaw ay tumalikod, mapapasa iyo ang magiging kasalanan ng iyong mga nasasakupan.” [Sahih Bukhari at Sahih Muslim]
Kapag narinig ng mga tao ang Mensahe nang walang hadlang o sagabal at ang patunay ay naitatag sa kanila, magkagayon ang tungkulin ng mga Muslim ay tapos na. Silang mga nais maniwala ay malayang gawin ito at silang mga piniling hindi maniwala ay malaya ring gawin ito.
Kahit na ang mga Muslim na napilitang makipaglaban at pagkatapos ay nasakop ang lupain, ang kanilang tungkulin pagkatapos nito ay maitatag ang batas ni Allah sa lupain at itaguyod ang katarungan para sa lahat ng tao, Muslim man at di-Muslim. Hindi nila karapatang pilitin ang kanilang mga nasasakupan na tanggapin ang Islam laban sa kanilang kalooban. Ang mga hindi Muslim sa ilalim ng pamamahala ng Muslim ay dapat pahintulutan na manatili sa kanilang sariling pananampalataya at dapat pahintulutan na magsanay ng mga ritwal ng kanilang pananampalataya, bagama’t inaasahan sa kanila na igalang ang mga batas ng lupain.
Kung ang layunin ng jihad ay upang pilitin ang mga hindi mananampalataya na tanggapin ang Islam, ang Propeta (ﷺ) ay hindi na sana dapat kailanman inutusan ang mga Muslim na tigilan ang mga pakikipagdigma kung ang kaaway ay sumuko. Hindi niya na sana ipinagbawal ang pagpatay sa mga kababaihan at mga bata. Gayunpaman, ito mismo ang ginawa niya.
Sa isang labanan, nakita ng Propeta (ﷺ) na nagtipon ang mga tao. Nagpadala siya ng isang lalaki upang malaman kung bakit sila nagtipon. Ang lalaki ay bumalik at sinabi: “Sila ay nagtipon sa paligid ng isang pinatay na babae.” Kaya ang Sugo (ﷺ) ni Allah ay nagsabi:
“Hindi siya dapat sinalakay!” Si Khalid b. al-Walid ang namuno sa puwersa, kaya nagpadala siya ng isang lalaki para sabihin: “Sabihin kay Khalid na huwag patayin ang mga kababaihan o mga manggagawa”. [Sunan Abu Dawud]
Tandaan: Hindi ito dapat mapagkamalan na ipinapakitang ang propeta (ﷺ) ay ginawang Haram (ipinagbawal) ang pagpatay sa mga kababaihan (at mga bata, matatanda, pari at iba pang mga walang malay) sa partikular na punto at panahong ito. Sa katunayan, ito ay palaging Haram (ipinagbabawal) at ang propeta (ﷺ) ay muling kinukumpirma lamang ang kung ano na ang naisabatas na ng Shari’ah (Batas ng Islam). [Y. Estes]
Samakatuwid, kahit na sa kainitan ng labanan laban sa isang malupit na kaaway, ang tanging mga tao na maaaring salakayin ay silang mga tunay na nakikilahok sa pakikipaglaban.
Kung ang layunin ng jihad ay upang pilitin ang mga hindi mananampalataya na tanggapin ang Islam, ang wastong ginabayan na mga Kalipa ay hindi na sana dapat ipinagbawal ang pagpatay sa mga pari at monghe na hindi nakikipaglaban. Gayunpaman, ito mismo ang kanilang ginawa. Nang ang unang Kalipa, na si Abu Bakr, ay nagpadala ng isang hukbo sa Syria upang labanan ang mapupusok na mga lehiyon ng Roma, lumabas siya upang bigyan sila ng mga salita ng paghihikayat. Sinabi niya: “Makakahanap kayo ng isang pangkat ng mga tao na itinuon ang kanilang mga sarili sa pagsamba kay Allah (ito ay. monghe), kaya hayaan niyo sila sa kanilang ginagawa.”
Naipakita namin na isang prinsipyo sa Islam na walang pamimilit sa relihiyon at tinalakay namin ang mga layunin ng jihad. Ngayon, ibabaling natin ang ating pansin sa ilang mga teksto na madalas na maling nauunawaan.
Ang isa sa mga ito ay ang talatang:
“At kung ang mga sagradong buwan ay matapos, magkagayon, inyong patayin ang mga pagano saan man ninyo matagpuan sila, inyong bihagin sila at salakayin, at maghanda kayo para sa kanila sa lahat at bawat lugar ng pagtambang (ng digmaan). Datapuwat kung sila ay magtika at mag-alay ng palagiang pagdarasal at magbigay ng palagiang kawanggawa, magkagayon hayaang sila ay humayo sa kanilang patutunguhan, sapagkat si Allah ay laging nagpapatawad, ang Pinakamaawain. [Maluwalhating Qur’an 9:5]
Ang ilang mga tao lalo na ang ilang mga kontemporaryong di-Muslim na mga kritiko ng Islam ay tinangkang angkinin na ang talatang ito ay nagpawalang-bisa sa talatang “Hayaan na maging walang pamimilit sa relihiyon.” Sila ay nangangatwiran na ang pagiging pangkalahatan ng pahayag na ito ay nagpapahiwatig na ang bawat hindi mananampalataya na tumangging tanggapin ang Islam ay dapat kalabanin. Pinaninindigan nila ang kanilang paratang sa pamamagitan ng pagpapakilalang ang talatang ito ay isa sa mga huling talata na ipinahayag tungkol sa pakikipaglaban.
Gayunpaman, ang talatang ito ay hindi kailanman nagpapawalang-bisa sa prinsipyo ng Batas ng Islam na walang pamimilit sa relihiyon. Maaari itong pangkalahatan sa pananalita, ngunit ang kahulugan nito ay natatangi hango sa iba pang mga talata ng Qur’an na may kaugnayan dito maging ang hango sa ilang bilang ng mga may kaugnayang Hadith. Pag-uusapan natin ang mga tekstong ito sa ilang sandali.
Ang mga taong tinutukoy sa talatang ito ay ang paganong mga Arabo na nakikipagdigma laban sa Propeta (ﷺ) at sinira ang kanilang tipan at mga kasunduan sa kanya. Ang talatang ito ay hindi tumutukoy tungkol sa iba pang paganong mga Arabo na hindi lumabag sa kanilang mga kasunduan at nagtaas ng armas laban sa mga Muslim. Tiyak din na hindi ito tumutukoy tungkol sa mga Hudyo o Kristiyano, o, para rito, ang mga pagano na naninirahan sa labas ng Arabya.
Kung titingnan natin ang mga talata sa Surah al-Tawbah kaagad-agad bago at pagkatapos ng tinatalakay, nagiging malinaw ang konteksto ng talata.
Ilang mga talata bago ang isa na ating tinatalakay, sinabi ni Allah:
“Mayroong isang pagpapahayag kawalang pananagutan mula kay Allah at sa Kanyang Sugo sa kanilang mga paganong kung kanino kayo gumawa ng parehong kasunduan. Kaya magsipaglakbay kayo sa loob ng apat na buwan, sa buong kalupaan. Datapuwat inyong malaman na kayo ay hindi maaaring biguin si Allah na si Allah ay pagtatakpan ang kahihiyan ng mga hindi sumasampalataya. [Maluwalhating Qur’an 9:1-2]
Sa mga talatang ito ay nakita natin na ang mga pagano ay pinagkalooban ng apat na buwan na amnestiya na may indikasyon na kapag natapos na ang apat na buwan, ang labanan ay magpapatuloy. Gayunpaman, ang sumunod na talata ay nagpapalaya sa ilan sa kanila mula sa muling pagpapatuloy ng labanan. Mababasa ito:
“Maliban sa kanilang mga pagano na mayroong kayong kasunduan at silang hindi lumabag sa inyo ng kasunduan sa anuman o hindi nagtaguyod sa sinuman na laban sa inyo. Kaya inyong tuparin ang inyong kasunduan sa kanila hanggang sa katapusan ng takdang araw, sapagkat si Allah ay nagmamahal sa mga matutuwid.” [Maluwalhating Qur’an 9:4]
Kaya nang sinabi ni Allah: “Ngunit kapag ang mga ipinagbabawal na buwan ay lumagpas, magkagayon ay labanan ang mga pagano kahit saan mo sila makita, at bihagin sila at salakayin sila at maghintay para sa kanila sa bawat pakana (ng digmaan)”, dapat nating malaman na ito ay hindi pangkalahatan, dahil ang talata sa itaas ay maibibilang upang itukoy ito sa mga paganong Arabo na tunay na nakikipagdigma sa Propeta (ﷺ) at silang mga lumabag sa kanilang mga tipan ng kapayapaan.
Ito ay karagdagang binibigyang diin sa pamamagitan ng ilang mga talata nang lumaon kung saan sinabi ni Allah:
“Hindi baga ninyo lalabanan ang mga tao na sumira sa kanilang pangako at naghahangad na ipatapon ang Sugo at salakayin kayo?” [Maluwalhating Qur’an 9:13]
Si Ibn al-Arabi, sa kanyang komentaryo sa Qur’an, ay sumulat: “Malinaw mula dito na ang kahulugan ng talatang ito ay upang patayin ang mga pagano na nakikipagdigma laban sa iyo.” Ahkam al-Qur’an: 2/456
Sinabi rin ni Allah pagkatapos ng talatang tinatalakayn
“Paano baga magkakaroon ng isang kasunduan kay Allah at sa Kanyang Sugo sa mga pagano maliban sa kanila na gumawa ng kasunduan sa inyo malapit sa Banal na Moske? Hangga’t sila ay matapat sa inyo, maging matapat din kayo sa kanila sapagkat si Allah ay nagmamahal sa mga matutuwid”. [Maluwalhating Qur’an 9:7]
Ang isa pang maling nauunawaang teksto ay ang Hadith kung saan sinabi ng Propeta (ﷺ):
“Inutusan ako na makipaglaban sa mga tao hanggang sila ay sumaksi na walang Diyos maliban kay Allah at ako ay Sugo ni Allah. Kung gagawin nila ito, magkagayon ang kanilang dugo at kanilang kayamanan ay hindi gagalawin maliban sa pagpapatupad ng katarungan, at kanilang kapakanan ay kay Allah. [Sahih Bukhari at Sahih Muslim]
Walang mga pagdududa tungkol sa pagiging tunay ng Hadith na ito, dahil naitala ito sa parehong Sahih al-Bukhari at Sahih Muslim. Gayunpaman, ang Hadith na ito ay hindi rin dapat kunin na pangkalahatan, sa labas ng konteksto, at sa ganap na pagwawalang-bahala sa lahat ng iba pang katibayan sa teksto.
Ang salitang “tao” dito ay hindi tumutukoy sa lahat ng sangkatauhan. Sinabi ni Ibn Taymiyah: “Tumutukoy ito sa pakikipaglaban sa mga nakikipagdigma, na pinahintulutan ni Allah na makipaglaban. Hindi ito tumutukoy sa mga may tipan sa atin kung kanino inutusan tayo ni Allah na tuparin ang ating tipan.” Majmu al-Fatawa (19/20)
Inutusan ng Islam ang mga Muslim na maging makatarungan sa mga taong nasa ibang mga paniniwala, maging sila ay mga Hudyo, Kristiyano, o pagano. Inuutusan tayo sa Islam na pakikitunguhan sila nang mabuti at subukang mailapit ang kanilang mga puso hangga’t hindi sila nagtataas ng sandata laban sa atin. Sinabi ni Allah:
“Hindi kayo pinagbawalan ni Allah sa mga tao na hindi nakikipaglaban sa inyo sa pananampalataya o hindi nagtataboy sa inyo sa inyong mga tahanan sa pakikitungo sa ninyo ng nang mabuti sa kanila, sapagkat si Allah ay nagmamahal sa mga makatarungan. [Maluwalhating Qur’an 60:8]
Inutusan ni Allah ang mga Muslim na igalang ang kanilang mga magulang na hindi Muslim at samahan sila sa mundong ito sa isang mabuting pamamaraan.
Inutusan tayo ng Qur’an na makipagtalo sa kanila sa pinakamahusay na paraan. Sinabi ni Allah:
“At makipagtalo sa mga Angkan ng Kasulatan sa mabuting paraan maliban na lamang sa kanilang gumagawa ng pang-aapi. Inyong sabihin sa kanila: “Kami ay sumasampalataya sa Kapahayagan na ipinarating sa amin at sa kapahayagan na ipinadala sa inyo. Ang aming Diyos at inyong Diyos ay Iisa, at sa Kanya lamang isinusuko natin ang ating mga sarili.” [Maluwalhating Qur’an 29:46]
Inutusan tayo na itaguyod ang ating mga tipan sa mga di-Muslim at huwag ipagkanulo sila o lumabag laban sa kanila. Nagbigay ng mahigpit na babala sa atin ang Propeta (ﷺ) laban sa pagpatay sa isang di-Muslim na kung kanino tayo nasa kapayapaan. Sinabi niya:
“Kung sinuman ang pumapatay sa isa na may tipan sa atin ay hindi makakamoy ang halimuyak ng Paraiso.” [Sahih Muslim]
Ang pananampalataya ng isang Muslim ay hindi katanggap-tanggap maliban kung naniniwala siya sa lahat ng mga Propeta na ipinadala nung una (ang kapayapaan ay mapasa kanilang lahat).
Sinabi ni Allah:
“O kayong nagsisisampalataya! Manampalataya kay Allah at sa Kanyang Sugo , at sa Aklat na ibinaba Niya sa Kanyang Sugo at sa kasulatan na ibinaba Niya nang una. Sinuman ang di manampalataya kay Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Aklat, sa Kanyang mga Sugo, at sa Huling Araw ay napaligaw ng malayo.” [Maluwalhating Qur’an 4:136]