“O mga sumasampalataya huwag gamitin ng ilan sa inyo ang mga ari-arian ng iba sa paraang ipinagbabawal maliban na lamang kung ito ay kalakalang alinsunod sa pinagkasunduan ninyo.” [Maluwalhating Qur’an 4:29]
“Kapag tinanong ka ng mga lingkod Ko hinggil sa Akin ay sabihin mo: ‘Tunay na Ako ay malapit, tinutugon Ko ang panalangin ng nananalangin sa Akin.’” Maluwalhating Qur’an 2:186]
“Hindi kayo pinagbabawalan ni Allah sa mga hindi kumalaban sa inyo ng dahil sa relihiyon at hindi nagtataboy sa inyo mula sa inyong mga tahanan, na makipagmabutihan sa kanila at makitungo nang makatarungan sa kanila. Tunay na si Allah ay minamahal ang mga makatarungang makitungo.” [Maluwalhating Qur’an 60:8]
“Pinasunod Namin sa mga bakas nila [naunang mga propeta] si Hesus na anak ni Maria, bilang nagpapatotoo sa Torah na nauna sa kanya at ibinigay Namin sa kanya ang Ebanghelyo sa loob nito ay may patnubay at liwanag, at bilang nagpapatotoo sa Torah na nauna rito at bilang patnubay at pangaral sa mga nangingilag magkasala.” [Maluwalhating Qur’an 5:6]
“Ang sinumang mamagitan para sa mabuting pamamagitan, magkakamit siya ng bahagi sa gantimpala mula roon; at ang sinumang mamagitan para sa masamang pamamagitan, magkakamit siya ng bahagi sa pananagutan mula roon.” [Maluwalhating Qur’an 4:85]
“Makipag-unahan kayo sa [pagkamit ng] kapatawaran mula sa inyong Panginoon at Paraiso na ang luwang nito ay ang mga langit at ang lupa, na inihanda sa mga nangingilag magkasala. Sa mga gumugugol sa sandali ng kaluwagan at kagipitan, mga nagpipigil ng galit, at mga nagpapaumanhin sa mga tao. At si Allah ay minamahal ang mga gumagawa ng mabuti.” [Maluwalhating Qur’an 3:133-134]
“Ang sinumang gumagawa ng matuwid, maging lalaki man o babae, samantalang siya ay isang sumasampalataya ay talagang pamumuhayin nga Namin siya nang isang mabuting buhay at talagang gagantihan nga Namin sila ng kabayaran nila na higit na magaling sa kanilang ginagawa noon.” [Maluwalhating Qur’an 6:97]
“Ang paghahalimbawa sa mga gumugugol ng kanilang mga salapi sa Landas ni Allah ay katulad ng isang butil na namunga ng pitong puso na ang nasa bawat puso ay isandaang butil. At pinararami ni Allah ang gantimpala sa kaninumang ninanais Niya. Si Allah ay Malawak sa awa, Maalam. Ang mga gumugugol ng kanilang mga salapi sa Landas ni Allah at pagkatapos ay hindi nila pinasusundan ang ginugol nila ng panunumbat ni pananakit ng damdamin ay magkakamit ang kanilang gantimpala sa kanilang Panginoon; walang pangambang mamumutawi sa kanila at hindi sila malulungkot. Ang salitang mabuti at pagpapatawad ay higit na mainam kaysa sa kawanggawa na sinusundan ng pananakit ng damdamin.” [Maluwalhating Qur’an 2:261-263]
Si Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] ay nagwika:
“Ang bawat mananampalataya na inaaliw ang kanyang kapatid na balisa ay dadamitan ni Allah ng kasuotan ng karangalan sa Araw ng Muling-Pagkabuhay”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Kapag ang sinuman ay lumabag at natanggap ang parusa sa mundong ito, ang Diyos ay napakamakatarungan para ulitin ang parusa ng Kanyang lingkod sa susunod [na buhay]. At sinuman ang lumabag at ang Diyos ay itinago ito at pinatawad siya, Siya ay napakamapagbigay para ibalik ang isang bagay na pinatawad na Niya.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Alam ba ninyo kung sino ang mauuna sa lilim ng Diyos sa Araw ng Muling-Pagkabuhay. Yaong mga binigyan kung ano ang tama at tinanggap ito, kapag hinilingan ng isang bagay ay malayang ipinagkakaloob at siyang humahatol sa iba kagaya ng ginagawa nila sa kanilang mga sarili.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang pinakamainam na kawanggawa ay yaong ibinibigay sa isang kamag-anak na hindi kayo gusto.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Sa isang lalaki ay sapat nang kasalanan kung pababayaan niya na pakainin yaong mga umaasa sa kanya.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang relihiyon ay napakadali, at sinuman ang pahirapan ang kanyang sarili sa kanyang relihiyon ay hindi niya makakayang ipagpatuloy ito sa gayung paraan. Kung kaya hindi ka nararapat na maging mapagmalabis, bagkus subukang malapit sa kalubusan at tanggapin ang mabuting balita na ikaw ay gagatimpalaan.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Diyos ko, pagkalooban Mo ako ng buhay kagaya ng isang mahirap na tao, itulot na mamatay ako kagaya ng isang mahirap na tao at buhayin akong muli kasama ng mahihirap..”
Ang kanyang asawa ay tinanong siya kung bakit niya nasabi ito, at siya ay sumagot:
“Dahil ang mahirap ay papasok sa Paraiso [bago pa] ang mayaman. Huwag itaboy ang isang mahirap… kahit ang tanging maibibigay ay kalahati ng datiles. Kung mahal mo ang mahihirap at dalhin sila sa malapit sa iyo. Ang Diyos ay dadalhin ka malapit sa Kanya sa Araw ng Muling-Pagkabuhay.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay tinanong kung anong uri ng kinita ang pinakaminam, at siya ay sumagot:
“Ang lalaking gumagawa sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at bawat [ipinahihintulot na] kasunduang pangangalakal.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Sa Araw ng Muling-Pagkabuhay ako ay mamamagitan at magsasabing, ‘O aking Panginoon! Tanggapin sa Paraiso [kahit] yaong mga may pananampalataya na singliit ng buto ng mustasa sa kanilang mga puso.”
Isang prusisyon ng maglilibing ang minsan ay dumaan sa harap ni Propeta Muhammad ﷺ at siya ay tumayo bilang paggalang. Nang siya ay sinabihan na ang nasa ataul ay Hudyo at hindi Muslim, siya ay nagwika:
“Hindi ba ito isang buhay [na kaluluwa]?”
Si Propeta Muhammad ﷺ minsan ay nakita ang bangkay ng isang babae na napaslang sa isang labanang militar, at hindi niya sinang-ayunan ito at ipinagbawal ang pagpatay ng kababaihan at mga bata.
Si Abu Bakr As-Siddiq, isang kasamahan ni Propeta Muhammad ﷺ at kanyang kahalili bilang pinuno ng pamayanang Muslim, ay pinayuhan ang isa sa kanyang mga kumandante ng sandatahan:
“Huwag patayin ang mga kababaihan o mga bata o matatanda, mahihinang tao. Huwag putulin ang mga punong kahoy. Huwag pinsalain ang mga lugar na tinatahanan.”
Noong tinanong kung ano ang ginagawa ni Propeta Muhammad ﷺ habang nasa bahay, ang kanyang may bahay na si Aisha ay sumagot:
“Siya ay abala sa paglilingkod at pagtulong sa mga miyembro ng kanyang sambahayan.”
Si Anas bin Malik ay nagsalaysay:
“[Kahit ang pinakaabang] kasambahay na lingkod sa Madinah ay kukunin ang kamay ng Propeta at dadalhin siya saanmang lugar [para sa pagwawasto ng kanyang mga karaingan].”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang Diyos ay pinagbawalan ka na maging suwail sa iyong ina, na ipagkait [kung ano ang nararapat mong ipagkaloob] o kunin [kung ano ang hindi para sa iyo], o ilibing ang iyong mga anak na babae ng buhay [nakagawian bago ang Islam].”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang mga pantas ang tagapagmana ng mga propeta at ang mga propeta ay hindi nag-iwan ng anumang mamanahin sa anyong [pananalaping kayamanan], ngunit sila ay nag-iwan ng kaalaman bilang kanilang pamana. Ang isang tao na nagkamit ng kaalaman, ay nagkamit ng kanyang lubos na bahagi [ng pamanang ito].”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang [Diyos] ay [tatanungin ang isang tao] sa Araw ng Muling-Pagkabuhay [nagsasabing], ‘O anak ni Adan, Ako ay maysakit ngunit hindi mo ako dinalaw.’
Ang tao ay magsasabi:
‘O Panginoon ko, paano kita dadalawin kung Ikaw ang Panginoon ng mga daigdig?’
Pagdaka’y magsasabi [ang Diyos]:
‘Hindi ba alam mo, na ang isang lingkod Ko ay maysakit ngunit hindi mo siya dinalaw, at hindi mo ba nalalaman na kung siya ay dinalaw mo, ay matatagpuan mo Ako na kasama niya?’”
[Ang Diyos matapos ay magsasabi]:‘O anak ni Adan, humingi Ako sa iyo ng pagkain ngunit hindi mo Ako pinakain.’
Ang lalaki ay magsasabi:
‘Panginoon ko, paano kita pakakainin kung Ikaw ang Panginoon ng mga daigdig?’
[Ang Diyos] ay magsasabi:‘Hindi ba alam mo, na ang isang lingkod Ko ay humingi sa iyo ng makakain ngunit hindi mo siya pinakain, at hindi mo ba nalalaman na kung siya ay pinakain mo ay matatagpuan mo Ako na kasama niya?’
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang pinakamainam [na Jihad] ay [magsalita ng] pangungusap ng katarungan sa isang mapaniil na pinuno.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang isang mananampalatayang lalaki ay nararapat na huwag kasuklaman ang isang mananampalatayang babae. Kung hindi niya ninanais ang isa sa kanyang mga katangian, siya ay malulugod sa iba.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Hindi siya makakapasok sa Paraiso, na ang kanyang kapit-bahay ay hindi ligtas mula sa kanyang masasamang pag-uugali.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Kapag ang sinuman ay patuloy na humihingi ng kapatawaran, ang Diyos ay maglalagay para sa kanya ng daanan palabas sa bawat pighati, at isang ginhawa mula sa pangangamba, at magkakaloob para sa kanya mula sa mga hindi niya nababatid.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwikaL:
“[Ang bawat isa] sa inyo ay nararapat na iligtas ang kanyang sarili mula sa apoy sa pamamagitan ng pagbibigay kahit kalahati ng datiles [sa kawanggawa]. At kung hindi ka makatagpo ng kalahati ng datiles, magkagayun [gawin ito sa pamamagitan ng pagsasabi] ng isang mabuting salita [sa iyong mga kapatid].”
Si Propeta Muhammad ﷺ minsan ay sinabi sa kanyang asawa:
“Huwag itaboy ang isang mahirap na tao..kahit ang tanging maipagkakaloob mo ay kalahating datiles. Kung mamahalin mo ang mahihirap at ilalapit mo sila sa iyo… ang Diyos ay dadalhin ka malapit sa Kanya sa Araw ng Muling-Pagkabuhay.”
Si Propeta Muhammad ﷺ minsan ay sinabi sa kanyang may bahay:
“Iwasan ang kalupitan at di-makatarungan..at bantayan ang sarili laban sa kakuriputan, dahil ito ay winasak ang mga bansang umiral bago ka pa.”
Si Propeta Muhammad ﷺ minsan ay nagsabi sa isa sa kanyang mga kasamahan:
“O anak, kung kaya mo, panatilihin ang iyong puso..mula sa masamang pag-iisip tungo sa kaninuman.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Pitong uri ng tao ang malililiman sa ilalim ng lilim ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom… Sila ay, isang makatarungang pinuno, isang binatang ginugol ang kabataan sa pagsamba at paglilingkod para sa iba alang-alang sa Diyos… isang lalaki na tinukso… ngunit tumanggi, nagsasabing ‘Natatakot ako sa Diyos’… isang ginugol ang kanyang kawanggawa ng lihim, walang ginawang pagpapakita… at isang inaalala ang Diyos habang nag-iisa na ang mga mata ay lumuluha.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang ipinahihintulot ay malinaw, at ang ipinagbabawal ay malinaw. Sa pagitan ng dalawang ito ay may pinag-aalinlangan, na karamihan sa mga tao ay hindi nababatid. Sinumang iwasan ang mga may alinlangan ay iningatan ang kanyang pananampalataya at karangalan.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang mananampalataya ay maaaring maabot ang antas ng isang nag-aayuno ng madalas [sa pangrelihiyong dahilan] sa araw at ginugugol ang gabi sa pagdarasal, sa pamamagitan ng kanyang mabuting asal.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Walang kasamahan ko ang nararapat na magsabi sa akin ng masama tungkol sa isa sa inyo. Upang kapag natagpuan ko kayo, nais kong ang aking puso ay malinis [walang kinikilingan].”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“[Ang Diyos] ay nagpahayag sa akin na kayo ay nararapat na maging makatao upang sa gayun ay walang isaman ang mang-aapi sa iba.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Iwasan ang inggit, dahil ito ay sumisira ng mabubuting gawa kagaya ng kung paano ang apoy sinusunog ang kahoy.”
Si Propeta Muhammad ﷺ minsan ay sinabihan si Bilal na sumalo sa kanyang almusal. Si Bilal ay tumanggi sa paanyaya dahil siya ay nag-aayuno.
Ang Propeta matapos ay sumagot:
“Tayo ay kumakain sa ating biyaya at kay Bilal ang higit na biyaya sa Paraiso. Nalalaman mo ba Bilal, na… ang mga anghel ay humihingi ng kapatawaran para [sa isang nag-aayuno] hangga’t ang mga tao ay kumakain sa tabi niya?”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang pag-aayuno ay hindi [lamang pagpigil] mula sa pagkain at pag-inom, subalit gayundin mula sa mga walang halagang pangungusap at malalaswang salita. Kung ang isa sa inyo ay may nakikipagtalo o nang-aaway, siya ay nararapat na magsabi, ‘Ako ay nag-aayuno.’”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Sinuman ang mag-ayuno sa buwan ng Ramadan ng dahil sa taus-pusong pananampalataya, at umaasa para sa isang gantimpala mula sa Diyos, ang lahat ng kanyang mga nakaraang kasalanan ay patatawarin.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nakagawiang magsabi kapag tinatapos ang kanyang pag-aayuno:
“O Allah, para sa Iyo ako ay nag-aayuno at sa Iyong biyaya ang pag-aayuno ay ihihinto ko.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Kung ikaw ay binigyan ng kalusugan at kaligtasan mula sa kasamaan sa mundong ito at sa susunod, nakamit mo ang sukdulang ligaya.”
Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Sinuman ang naniniwala sa Diyos at sa Huling Araw ay nararapat na huwag pinsalain ang kanyang kapit-bahay. Sinuman ang naniniwala sa Diyos at sa Huling Araw ay nararapat na maging mabuti sa kanyang panauhin. At sinuman ang naniniwala sa Diyos at sa Huling Araw ay nararapat na magsabi ng mabuti o manahimik.”