Tunay bang alam ng Diyos ang Hinaharap?
Totoo bang alam ng Diyos ang Hinaharap? Mayroon ba Siyang ganap na kapangyarihang pigilin ang anumang mangyayari? Kung gayon, papaano ito magiging makatarungan para sa atin? Nasaan ang ating kalayaan sa pagpili kung gayon?
Nalalaman ni Allah ang lahat ng mangyayari. Ang Kanyang unang nilikha ay ang “panulat” at inutusan Niya ang panulat na sumulat. Ang panulat ay nagsulat hanggang maisulat nito ang lahat ng mga bagay na mangyayari. At pagkatapos si Allah ay sinimulang likhain ang santinakpan. Ang lahat ng ito ay batid Niya bago pa man Niya nilikha ito. Siya ang may ganap at lubos na pamamahala sa lahat ng mga sandali. Walang mangyayari maliban na Siya ang may lubos na pamamahala dito sa lahat ng mga sandali..
“…Si Allah ay tumatanggap sa pagsisisi ng sinumang Kanyang naisin. Si Allah ay Ganap na Maalam, ang Matalino.” [Maluwalhating Qur’an 9:15]
“…Katotohanan! Siya ang Ganap na Maalam, ang Matalino.” [Maluwalhating Qur’an 12:100]
At si Allah lamang, ang may Kalayaang Magnais, Niloloob Niya ang anumang Kanyang nais at ito ang laging mangyayari ayon sa Kanyang kagustuhan. Mayroon tayong tinatawag na “Malayang Pagpili”. Ang pagkakaiba ay anuman ang Niloob ni Allah, ay mangyayari at anuman ang ating pinili, ay maaaring mangyari o hindi mangyayari. Hindi tayo hinahatulan ayon sa kinalalabasan ng mga bagay, bagkus tayo ay hinahatulan ayon sa ating mga pagpili. Ang ibig sabihin nito ay, ang buod ng lahat ay laging ayon sa ating mga layunin. Ano man ang ating nilayon, ay siyang makakamit natin na gantinpala mula dito. Ang bawat tao ay hahatulan ayon sa ibinigay ni Allah na kanyang gawain, papaano nila ito ginamit at ano ang nilayon nilang gawin dito.
Hinggil naman sa mismong “Araw ng Paghuhukom”, sinabi ni Allah sa atin na ang lahat ng ating ginagawa ay nakatala at wala ni isa mang maliit na bagay ang makakatakas mula sa talaang ito. Kahit na ang pinakamaliit na timbang ng kabutihan ay makikita sa Araw ng Paghuhukom at kahit ang pinakamaliit na timbang ng kasamaan ay makikita din.
“Sa Araw (ng Paghuhukom) na yaon, ang mga tao ay magtutungo sa magkakahiwalay na pangkat at ipapakita sa kanila ang kanilang mga gawa.” [Maluwalhating Qur’an 99:6]
“Magkagayun, ang sinumang gumawa na kasing bigat ng katiting na mabuti ay makikita niya ito.” [Maluwalhating Qur’an 99:7]
“At sinumang gumawa ng kasamaan na kasing bigat ng katiting na masama ay makikita niya ito.” [Maluwalhating Qur’an 99:8]
Ang magdadala ng katibayan laban sa atin ay ang ating mga sarili. Ang ating mga tainga, dila, mata at ang ating buong katawan ay magsisimulang magpapatunay laban sa ating sarili sa harap ni Allah sa Araw ng Paghuhukom. Walang sinuman ang maaapi sa Araw na yaon, walang sinuman ang mapagbibintangan.
Maaring Niyang ilagay ang lahat sa kani-kaniyang mga lugar mula pa sa pinakaumpisa, subali’t ang tao ay magrereklamo kung bakit sila itinapon sa Impyerno na hindi binigyan ng pagkakataon. Ang buhay na ito na nga mismo; ang pagkakataong mapatunayan sa ating mga sarili kung sino talaga tayo at kung ano ang gagawin natin kung tunay na tayo ay nagkaroon ng malayang pagpili.
Alam ni Allah ang lahat ng mangyayari, subali’t tayo ay hindi. Kaya nga ang pagsubok ay makatarungan.