Home Blog Pilipinong Balik-Islam Ang aking kapalaran ay maging Muslim

Ang aking kapalaran ay maging Muslim

Ang-aking-kapalaran-ay-maging-Muslim

Ang lahat ng papuri ay tanging kay Allah lamang, ang Diyos ng sanlibutan, ang Nag-iisa Diyos at walang katambal, Ang tanging gumagabay sa nilalang para maging Muslim, na ganap na sumusunod, tumatalima at sumusuko sa kalooban ng nag-iisang Diyos, nawa’y ang habag at pagpapala ay mapasa huling propeta na si Muhammad, sa kanyang mga pamilya at kasamahan at sa lahat ng tumahak ng matuwid na landas hanggang sa huling araw.

Ang Hiwaga ng kapalaran

Ang Tadhana ay sadyang napakahiwaga nito sa buhay ng isang tao, marahil ang isang tao ay may mga bagay siyang hindi inaasahan na darating sa kanyang buhay pero ito ay biglang darating sa kanya na hindi niya namamalayan, at kahit saang lugar siya naroroon, kung ito ay itinalaga ng Diyos sa kanya ito ay mangyayari at walang sinumang nilalang ang makapagpipigil nito.

At isa sa biyaya na ipagkaloob sa atin ng Diyos ay ang italaga sa atin ang tadhana ng kabutihan, na tayo ay Kanyang igabay sa matuwid na landas. Nawa’y ipagkaloob sa atin ng Diyos ang kabutihan at igabay nawa tayo sa matuwid na landas, sa maikling kwento na ito ay ating tunghayan ang pakikipagsapalaran ng ating bagong kapatid sa Islam, sa kabila na siya ay nasa ibang bansa, bansa ng Taiwan, sa kanyang pagsasaliksik ng kaalaman hanggang natunghayan niya ang katotohanan sa Islam at nagdesisyon na maging Muslim, Siya si Marvin Aban Pascua sa kanyang pagsasalaysay.

Ang Pangingibang bansa sa Taiwan para sa Pamilya

Ako si Marvin Aban Pascua, 30 na taong gulang, dating Katoliko dahil ito ang aking nakagisnang relihiyon. Mula sa aking lolo at lola, maging lahat ng aking kamag-anakan ay mga Katoliko. Ako ay may asawa at mayroon kaming isang anak na babae. Mahal na mahal ko sila at ito na rin ang nagtulak sa akin kung bakit ako naghangad na magtrabaho sa ibang bansa. Dahil ako ay may sarili nang pamilya, kinailangan ko ng mas mataas na kita dahil hindi na sapat ang aking kinikita sa Pilipinas. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makapagtrabaho sa bansang Taiwan.

Noong umpisa, nahirapan pa akong makakilos dahil malayo ako sa aking pamilya. Ang Taiwan ay isang lantarang bansa. Makalipas ang siyam na buwan, natuto na akong maglalalabas at nakita ko ang mga makamundong gawain lalo na sa pagsapit ng gabi. Natuto akong uminom, pumasok sa mga bahay aliwan, makipag relasyon sa hindi ko asawa. Naalala kong hindi ito ang dahilan kung bakit ko piniling pumunta dito sa Taiwan.

Simula ng pagsasaliksik ng tunay na Relihiyon

Isang araw ay may nakilala akong babaeng Born Again Christian at inanyayahan niya ako sa kanilang Sambahan, hanggang sa naibigan ko na ring sumamba sa kanilang kapamaraanan at doon napalayo ako sa mga makamundo kong dating ginagawa. Sumama din ako sa mga misyon. Kinagiliwan ko ang magsilbi sa Panginoon ayon sa kanilang pagtuturo.

Ngunit dumarating din ang pagkakataon na kapag ako ay nag-iisa, tinatanong ko ang aking sarili kung ito nga ba talaga ang relihiyong ibinigay ng Diyos sa atin? Hanggang sa nakausap ko ang dati kong katrabaho na nagbalik Islam. Nagtanong ako sa kanya tungkol sa Islam. Marami siyang ipinasuri sa akin katulad na lang ng kasaysayan ng ating pinagmulan. Na ang mga kastila ang nagpalaganap ng Kristiyanidad ng sapilitan sa atin. Na tayo ay mga muslim na noon pa man bago sila dumating. Dito ko napagtantong tama siya at doon ko sinimulang saliksikin ang tungkol sa Islam. Hanggang sa nanunuod na ako kapag walang ginagawa ng mga palabas patungkol sa debate ng mga muslim sa ibat-ibang relihiyon. Dumating din sa puntong isinusulat ko ang mga talata sa bibliya na binabanggit ng mga kapatid na muslim para ito ay suriin. Hanggang sa hindi na ako nagpatuloy sa anumang gawain sa Born Again Christian. Ipinagpatuloy ko na lamang ang aking pananaliksik sa Islam.

Hindi lang para kumita ng pera sa Taiwan bagkus para maging Muslim

Sa aking pananaliksik ay nakilala ko si Allah na ayon sa turo ay Siyang may kinalaman sa lahat. Napagtanto ko rin na hindi lang pala ako itinakdang makapunta sa bansang Taiwan para magtrabaho at kumita ng pera. Dito ko rin pala masusumpungan ang katotohanan patungkol sa layunin ko sa mundong ito, ang kuhanin ang unang hakbang at tahakin ang tamang landas, sambahin lamang ang tunay na Diyos ayon sa Kanyang kagustuhan, para maging Muslim, para maging isang ganap na sumusunod, sumusuko at tumatalima sa Nag-iisang Tagapaglikha at ito ay ang Islam. Kaya binanggit ng aking dila at tinanggap ng aking puso ang mga katagang “Ako ay sumasaksi na walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban kay Allah at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay alipin at sugo ni Allah at ako ay sumasaksi na si Hesus na anak ni Maria ay alipin at sugo ni Allah.”

Load More Related Articles
Comments are closed.

Check Also

Bakit Sasambahin Ang Diyos?

Kapag nakamalas tayo ng kakaibang pagpapakita ng kakayahan ng isa sa ating mga bayani sa p…