Kung ganun, saan nagmumula ang kasamaan, pagkamuhi at hindi makatarungan?
Sinasabi ni Allah na Siya ay Dalisay, Mapagmahal at lubos na Makatarungan sa lahat ng bagay. Sinasabi Niyang Siya ang Pinakamagaling sa mga Hukom. Sinasabi din Niyang ang buhay natin ay isang pagsubok. Siya ang Lumikha ng lahat na umiiral at ganundin lahat ng mga nangyayari. Walang bagay na umiiral maliban sa Kanyang nilikha. Sinasabi rin Niya sa Qur’an na nilikha Niya ang masama (bagama’t hindi siya masama). Ginagamit Niya ito bilang isa sa maraming pagsubok para sa atin.
Isaalang-alang ang mga taong gumagawa ng napakaraming kasamaan sa mundo at sila’y nabuhay at tumanda sa karangyaan at kayamanang mula sa masamang gawain at namatay na hindi napanagot sa kanilang mga ginawa. Nasaan ang katarungan at pagkakapantay dito? Ang Allah ang nagbigay ng malinaw na kasagutan para sa atin sa Qur’an kung ano ang inihanda para sa kanila na mga pinakamasasama na mga tao:
“Isang maikling kasiyahan dito sa mundo! – at pagkatapos ay sa Amin ang kanilang pagbabalik, at pagkatapos ay igagawad Namin sa kanila ang pinakamasakit na kaparusahan sapagka’t sila ay hindi sumampalataya (kay Allah, pinabulaan ang Kanyang mga Sugo, tinanggihan at hinamon ang Kanyang mga patunay, mga tanda, mga talata at iba pa.)” [Maluwalhating Qur’an 10:70]
“Sa araw na yaon, ang mga tao ay lalakad ng magkahiwalay (na langkay-langkay) upang ipakita (ang bunga) ng kanilang mga ginawa.” [Maluwalhating Qur’an 99:6]
“Kaya’t, sinumang gumawa ng kasing bigat ng katiting na mabuti ay makikita niya ito.” [Maluwalhating Qur’an 99:7]
“At sinumang gumawa ng katiting na masama ay makikita niya ito.” [Maluwalhating Qur’an 99:8]
“Akala ba ng mga tao na sila ay hahayaan na lamang na magsabi: “Kami’y naniniwala”, at sila’y hindi na susubukan?” [Maluwalhating Qur’an 29:2]
“Subalit katiyakan Aming sinubukan ang mga nauna sa kanila, at katiyakang si Allah ay gagawing lantad yaong mga makatotohanan at katiyakang gagawin Niya na lantad ang mga sinungaling.” [Maluwalhating Qur’an 29:3]
“O yaong mga gumawa ng kasamaan ay nag-iisip na Kami ay kanilang matatakasan? Kasamaan sa kanilang paghusga!” [Maluwalhating Qur’an 29:4]
“Sinuman ang umaasa na makikipagtagpo kay Allah – katiyakan, ang bagay (na itinakda ni) Allah ay darating. At Siya ang lubos na Nakaririnig, ang lubos na Maalam.” [Maluwalhating Qur’an 29:5]
“At sinuman ang nagsisikap, siya ay nagsisikap lamang para sa kanyang sarili. Katotohanan si Allah ay malaya mula sa anumang pangangailangan ng mundo.” [Maluwalhating Qur’an 29:6]
“Sila na sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa Sugo na si Muhammad sumakanya ang kapayapaan, at hindi tumatalikod dito ng dahil sa pinsala na kanilang tinanggap mula sa mga pagano) at gumawa ng kabutihan, katiyakan, Aming patatawarin ang kanilang mga masamang gawa, at aming gagantimpalaan sila ng ayon sa kabutihan ng kanilang mga ginagawa.” [Maluwalhating Qur’an 29:7]
“At aming ipinag-utos sa tao na maging mabuti at masunurin sa magulang, subalit kung sila ay magpupunyagi na ikaw ay magtambal sa Akin (sa pagsamba) ng anuman (bilang katambal) na kung saan ikaw ay wala kaalaman, magkagayun huwag silang sundin. Sa Akin ang inyong pagbabalik, at sasabihin Ko sa inyo ang inyong mga ginawa.” [Maluwalhating Qur’an 29:8]
“At sa mga sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa mga iba pang paksa ng Pananampalataya) at gumagawa ng mga kabutihan, katiyakan, sila ay Aming tatanggapin kasama ng mga matutuwid (sa Paraiso).” [Maluwalhating Qur’an 29:9]
“At sa mga tao ay may ilang nagsasabi ‘Kami ay sumasampalataya kay Allah,’ subalit kung ang isa (sa kanila) ay mapinsala (sa landas) ni Allah ay iniisip nila ang pagsubok (hal. pinsala) ng tao na (para bagang) parusa ni Allah. At kung ang tagumpay ay dumating mula sa iyong Panginoon, sila ay magsasabi, ‘Katotohanan kami ay kakampi mo.’ Hindi baga si Allah ay lubos na Nakaaalam ng nasa puso ng mga nilikha.” [Maluwalhating Qur’an 29:10]
“At katiyakang si Allah ay ilalantad ang mga sumasampalataya, at katiyakang ilalantad Niya ang mga mapagkunwari.” [Maluwalhating Qur’an 29:11]
Ang gantimpala at parusa ay katiyakang bahagi ng Susunod na Buhay na hindi magmamaliw. Yaong nagdusa sa buhay na ito at parang walang naipakita sa lahat ng kanilang mga pagpapagal, mabubuting gawa at mga sakripisyo at paghawak sa pananampalataya ay makakaasa sa lalong higit na dakilang gantimpala sa isang lugar na hindi pansamantala ang mga bagay bagkus walang hanggan. Ang mga mapagsamantala, lumabag, nanakit at gumagawa ng kasamaan at kapinsalaan na para bagang matatakasan ang anumang katarungan dito, subalit sa Susunod na Buhay ay makikita rin nila ang bunga ng kanilang mga ginawa at katiyakang sila ay tatanggap ng kabayaran ayon din sa kanilang ginawa.
Tungkol naman sa pang-aapi, ito ay isang bagay na ipinagbawal ni Allah sa Kanyang sarili na gawin kaninuman at kinasusuklaman Niya ito kung may nang-aapi sa isang tao. Siya ay may ganap na kapangyarihan sa lahat. Hinahayaan Niya ang mga karamdaman, sakit, kamatayan, at maging pang-aapi kaya masasabi natin na ang lahat ay susubukan sa lahat ng ating ginawa.