Ano ang Jihad? Ito ba ay Islamikong Banal na Digmaan? Pagpatay ng mga Muslim sa mga Hudyo at Kristiyano?
Ganyan kung paano tayo tinuruan – ng pahayagang kanluranin. Ngunit ano nga ba ang buong katotohanan sa likod nitong katagang JIHAD?
Sa lingguwistikong diwa, ang katagang Arabeng “Jihad” ay nangangahulugang pagpupunyagi o pakikibaka at ginagamit sa anumang pagsisikap na ginawa ng sinuman. Sa ganitong diwa, ang mag-aaral ay nagpupunyagi at nakikibaka para magkamit ng edukasyon at makapasa sa gawain ng kurso; ang isang manggagawa ay nagsusumikap para magampanan ang kanyang trabaho at mapanatili ang magandang ugnayan sa kanyang pinaglilingkuran; ang isang politiko ay nagsusumikap para mapanatili o madagdagan ang kanyang kasikatan sa kanyang mga nasasakupan at iba pa. Ang katagang pagsusumikap o pagpupunyagi ay maaaring gamitin para sa/ng mga Muslim at di-Muslim; halimbawa, si Allah, ang Nag-iisa at Tanging Tunay na Diyos ay nagwika sa Qur’an:
“Ipinag-utos Namin sa mga tao ang kabaitan para sa mga magulang; ngunit kung sila ay nagsusumikap [jahadaka] na ikaw ay magtambal sa Akin ng mga bagay na wala kang kaalaman, magkagayun ay huwag silang sundin…” [Maluwalhating Qur’an 29:8]
Sa dalawang mga talata sa itaas ng Qur’an, ang di-Muslim na magulang ang nagsusumikap [jahadaka] para ibalik ang kanilang anak na Muslim sa kanilang relihiyon.
Sa Kanluran, ang “jihad” ay pangkalahatang isinalin bilang “banal na digmaan”, isang paggamit na ang pahayagan ay pinasikat. Ayon sa Islamikong mga aral, HINDI BANAL ang mag-udyok o magpasimula ng digmaan; datapwat, ang ilang mga digmaan ay hindi maiiwasan at makatuwiran. Kung isasalin natin ang katagang “banal na digmaan” sa wikang Arabe, makikita nating ganito “Harbun Muqaddasatu”, o kaya “ang banal na digmaan” “Al-Harbu Al-Muqaddasatu”.
HINAHAMON NAMIN ang sinumang mapagsiyasat o pantas na hanapin ang kahulugan ng “jihad” bilang banal na digmaan sa Qur’an o mapananaligang Hadith na tinipon o sa sinaunang Islamikong panitikan. Sa kasawiang-palad, ilang Muslim na mga manunulat at tagapagsalin ng Qur’an, ng Hadith at ibang Islamikong panitikan ay isinalin ang katagang “jihad” bilang “banal na “digmaan” dahil sa impluwensya ng daang taong propaganda ng Kanluran. Ito marahil ang isang larawang ginamit ng Kristiyano na gamit ang katagang “holy war” na pantukoy sa Krusada ilang libong taong nakalipas. Gayunman, ang katagang Arabe para sa “digmaan” ay “Harb” o “Qital”, na matatagpuan sa Qur’an at Hadith.
Para sa mga Muslim ang katagang JIHAD ay ginagamit sa lahat ng anyo ng PAGSISIKAP at nakabuo ng ilang natatanging kahulugan sa paglipas ng panahon.
Ang mga pinagmulan ng pagbabagong ito ay Qur’an [ang salita ng Diyos na ipinahayag kay Propeta Muhammad, sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya]. Ang Qur’an at ang Hadith ay ginamit ang katagang “jihad” sa ilang magkakaibang konteksto na ibinigay sa ibaba.
Pagkilala sa Tagapaglikha at Pagmamahal sa Kanya ng Higit
Ito ay kalikasan ng tao na mahalin kung ano ang nakikita ng mga mata at nadarama ng mga pakiramdam ng higit sa KATOTOHANANG HINDI NAKIKITA. Ang Tagapaglikha ng Sansinukob at ang Isang Diyos ay si Allah. Siya ang Katotohanang Di-Nakikita na kadalasan nating hindi pinapansin at hindi kinikilala. Ang Qur’an ay binabanggit yaong mga nag-aangking mga mananampalataya:
“O mga sumampalataya, huwag ninyong gawin na mga tagatangkilik ang mga magulang ninyo at ang mga kapatid ninyo kung pinakaiibig pa nila ang kawalang pananampalataya kaysa pananampalataya. Ang sinumang magpatangkilik sa kanila sa inyo, ang mga iyon ay ang mga lumalabag sa katarungan.” Sabihin mo: “Kung ang mga magulang ninyo, ang mga anak ninyo, ang mga kapatid ninyo, ang mga kabiyak ninyo, ang mga angkan ninyo, ang mga kayamanang nakamtan ninyo, ang isang pangangalakal na kinatatakutan ninyo ang pagtumal nito, at ang mga tirahang kinalulugdan ninyo ay higit na kaibig-ibig sa inyo kaysa kay Allah, sa Sugo Niya, sa pakikibaka alang-alang sa landas Niya, maghintay-hintay kayo hanggang sa paratingin ni Allah ang Kanyang pasya. Si Allah ay hindi nagpapatnubay sa mga taong suwail” [Maluwalhating Qur’an 9:23-24]
Katunayang pakikibaka ang unahin si Allah kaysa ating mga mahal sa buhay, ating kayamanan, ating makamundong ambisyon at ating sariling buhay. Lalo’t higit sa mga di-Muslim na yumakap sa Islam, maaaring ito ay mahirap na pagpupunyagi dahil sa pagsalungat ng kanyang pamilya, mga kaibigan at lipunan.
Pagpipigil sa Panggigipit ng mga Magulang, mga Kaibigan, at ng Lipunan
Sa oras na ang isang tao ay mamulat ang isip na ilagay ang Tagapaglikha ng Sansinukob sa ibabaw ng lahat, siya ay kadalasang sumasailalim sa matinding mga panggigipit. Hindi madaling paglabanan ang ganyang mga panggigipit at MAKIBAKA na panatilihin ang dedikasyon at pagmamahal kay Allah nang higit sa anuman. Ang isang taong yumakap sa Islam mula sa ibang relihiyon ay maaaring dumaan sa panggigipit na hinubog para pabalikin siya sa relihiyon ng kanyang pamilya. Mababasa natin sa Qur’an:
“Kaya’t huwag sundin ang nagtatatwa ng pananampalataya, ngunit makibaka [Jahidhun] laban sa kanila sa pamamagitan nito [ang Qur’an] na may matinding pagsisikap.” [Maluwalhating Qur’an 25:52]
Pananatili sa Tuwid na Landas ng Matatag
Si Allah ay nagwika sa Qur’an:
“At MAKIBAKA [JAHIDU] para kay Allah ng may pagsisikap [JIHADIHI] na Kanya itong karapatan. Pinili Niya kayo at hindi ipinasan sa inyong DEEN [relihiyon] ang anumang pahirap…” [Maluwalhating Qur’an 22:78]
“At sinuman ang NAKIBAKA [JAHADA], ay NAKIBAKA [YUJAHIDU] lamang para sa kanyang sarili, katotohanang si Allah ay malaya sa pangangailangan sa mga nilikha.” [Maluwalhating Qur’an 29:6]
Para sa kanilang mga nakibaka at nagsikap para mamuhay bilang tunay na mga Muslim na ang pamumuhay ay naging mahirap dahil sa panggigipit ng kanilang mga kaaway, sila ay pinayuhang mangibang bayan sa higit na mapayapa at mapagparayang lupain at magpatuloy sa kanilang pakikibaka sa landas ni Allah. Si Allah ay nagwika sa Qur’an:
“Tunay na ang mga inalisan ng buhay ng mga anghel, na lumalabag sa katarungan sa kanilang sarili ay sasabihan ng mga anghel, ‘Ano ang kalagayan ninyo noon?’ Magsasabi sila, ‘Kami noon ay mga inaapi sa daigdig.’ Magsasabi ang mga anghel, ‘Hindi pa ba malawak ang lupain ni Allah upang kayo ay lumikas doon sa ibang bahagi?’ Kaya ang mga iyon, ang kanlungan nila ay Impiyerno. Kaaba-abang hantungan?” [Maluwalhating Qur’an 4:97]
“Tunay, na ang mga sumasampalataya at ang mga nagsilikas at nakibaka sa Landas ni Allah, ang mga iyon ang nag-aasam sa awa ni Allah…” [Maluwalhating Qur’an 2;218]
Si Allah ay sinusubukan ang mga mananampalataya sa kanilang mga pananampalataya at katatagan:
“O inakala ba ninyong papasukin ninyo ang Paraiso nang hindi pa nasusubok ni Allah ang mga nakibaka mula sa inyo at nang hindi pa nasusubok ang mga nagtitiis.” [Maluwahating Qur’an 3:142]
“Talagang susubukin nga Namin kayo sa pamamagitan ng bagay na tulad ng pangamba, gutom at pagkawala mula sa mga ari-arian, mga buhay, at mga bunga. Balitaan mo ng kagalakan ang mga nagtitiis.” [Maluwalhating Qur’an 2:155]
Nakita nating ang Propeta Muhammad at ang kanyang angkan ay binoykot sa panlipunan at pangkalakalan sa loob ng tatlong taon para mapilitan siyang tumigil sa kanyang mensahe at makipagkasundo sa mga pagano ngunit siya ay lumaban at nakamit ang tagumpay na pangmoral.
Pakikibaka para sa Mabubuting Gawa
Si Allah ay nagpahayag sa Qur’an:
“At para sa kanilang NAKIBAKA [JAHADU] sa Amin [sa landas ni Allah], katiyakang igagabay Namin sila sa Aming landas. At katunayan si Allah ay panig sa mga gumagawa ng mabuti.” [Maluwalhating Qur’an 29:69]
Kapag kami ay nahaharap sa dalawang nagtatagisang hangarin, nagiging jihad ang pagpili sa tama, kagaya ng paghahalimbawa ng sumusunod na Hadith:
“Si Aisha, asawa ng Propeta ay nagtanong, ‘O Sugo ni Allah, nakita namin na ang jihad ang pinakamainam sa mga gawain, kaya maaari ba kaming sumali dito?’ Siya ay sumagot, ‘Subalit ang pinakamainam na jihad ay isang tanggap na Hajj [pagdalaw sa Makkah].” [Sahih Al-Bukhari]
Sa ibang pagkakataon, ang isang tao ay nagtanong kay Propeta Muhammad:
“‘Maaari ba akong sumali sa jihad?’ Siya ay nagtanong, ‘Mayroon ka pa bang mga magulang?’ Ang lalaki ay nagsabi, ‘Opo!’ Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Magkagayun makibaka sa paglilingkod sa kanila!’” [Sahih Al-Bukhari]
Muli ay isa pang lalaki ang nagtanong sa Sugo ni Allah:
“‘Ano pong jihad ang pinakamainam?’ Siya ay sumagot, ‘Ang isang salitang makatotohanan sa harap ng mapaniil na pinuno!’” [Sunan Al-Nasa’i]
Ang Sugo ni Allah ay nagwika:
“…ang MUJAHID [ang nagsasagawa ng jihad] ay siyang NAKIKIBAKA laban sa sarili alang-alang kay Allah, at ang MUHAJIR [nangibang-bayan] ay siyang iniwan ang masasamang gawa at kasalanan.” [Sahih Ibn Hibban]
Pagkakaroon ng Kagitingan at Katatagan sa paghahatid ng Mensahe ng Islam
Ang Qur’an ay nagpahayag ng mga karanasan ng malaking bilang ng mga Propeta at mabubuting tao na dumanas ng matinding hirap sa pagsisikap na maihatid ang mensahe ni Allah sa sangkatauhan. Halimbawa, tingnan ang Qur’an 26:1-190, 36:13-32. Sa Qur’an, si Allah ay tukoy na pinuri yaong mga nagsikap na ihatid ang Kanyang mensahe:
“Sino pa ang higit na magaling sa pananalita kaysa sa kanya na nag-aanyaya tungo kay Allah, gumagawa ng matuwid at nagsabi, ‘Tunay na ako ay kabilang sa mga Muslim.’” [Maluwalhating Qur’an 41:33]
Sa ilalim ng katayuang masama ay nangangailangan ng matinding kagitingan para manatiling Muslim, ihayag ang sarili na isang Muslim at anyayahan ang iba sa Islam. Mababasa natin sa Qur’an:
“Ang mga mananampalataya lamang ay ang mga naniniwala kay Allah, sa Kanyang Sugo, at pagkatapos ay hindi sila nag-aalinlangan at nakibaka sila sa pamamagitan ng kanilang mga yaman at kanilang mga sarili sa landas ni Allah. Ang mga iyon ang mga tapat sa salita.” Maluwalhating Qur’an 49:15]
Pagtatanggol sa Islam at Pamayanan
Si Allah ay nagpahayag sa Qur’an:
“Nagpahintulot para sa mga kalaban na makipaglaban [para ipagtanggol ang sarili] dahil sila ay nilabag sa katarungan. Tunay na si Allah sa pag-aadya sa kanila ay talagang may Kakayahan. Sila ang mga itinaboy sa kanilang mga tahanan nang wala sa katuwiran dahil nagsasabi sila, ‘Ang Panginoon namin ay si Allah.’” [Maluwalhating Qur’an 22:39-40]
Ang Qur’an ay nagpahintulot sa pakikipaglaban para ipagtanggol ang relihiyong Islam at ang mga Muslim. Ang pahintulot na ito ay kabilang ang pakikipaglaban sa pagtatanggol at para sa pangangalaga ng pamilya at ari-arian. Ang sinaunang mga Muslim ay lumaban sa digmaan laban sa mga kalaban sa ilalim ng pamumuno ni Propeta Muhammad o kanyang mga kinatawan. Halimbawa ang mga paganong Kurays ay nagdala ng sandatahan laban kay Propeta Muhammad, ang mga Muslim ay lumaban para ipagtanggol ang kanilang pananampalataya at pamayanan. Ang Qur’an ay nagdagdag:
“Makipaglaban kayo sa landas ni Allah sa mga nakikipaglaban sa inyo, ngunit huwag kayong lumabag. Tunay, na hindi minamahal ni Allah ang mga lumalabag. …Makipaglaban kayo sa kanila hanggang sa wala nang pagsuway at ang pagtalima ay ukol kay Allah. Ngunit kung magsitigil sila, wala ng pakikipaglaban maliban doon sa mga lumalabag sa katarungan.” [Maluwalhating Qur’an 2:190, 193]
Pagtulong sa kakamping Tao na Hindi Muslim
Sa huling yugto ng buhay ni Propeta Muhammad, ang tribu ng Banu Khuza’ah ay naging kakampi niya. Sila ay naninirahan malapit sa Makkah na nasa ilalim ng pamumuno ng mga paganong Kurays, ang mismong tribu ni Propeta Muhammad. Ang tribu ng Banu Bakr, na kakampi ng Kurays, sa tulong ng ilang mga elemento ng Kurays, ay nilusob ang Banu Khuza’ah na hiniling naman nito ang kasunduan at hiningi ang tulong ni Propeta Muhammad para parusahan ang Kurays. Si Propeta Muhammad ay binuo ang isang hukbo laban sa Kurays ng Makkah na nagbunga ng pagkasakop sa Makkah na naganap ng walang digmaan.
Pagpapalayas sa mga Taong mga gumagawa ng Pagtataksil
Si Allah ay nag-utos sa mga Muslim sa Qur’an:
“Kung pinangangambahan mo sa kaninumang mga tao ang isang pagtataksil ay ibato mo sa kanila ang kasunduan para naaayon sa pagkakapantay. Tunay na si Allah ay hindi iniibig ang mga nagtataksil.” [Maluwalhating Qur’an 8:58]
Si Propeta Muhammad ay isinagawa ang ilang mga sandatahang pagkilos para alisin ang mga taong taksil mula sa kapangyarihan at kanilang mga pinamumugaran. Siya ay pumasok sa ilang kasunduan sa ilang tribu ng Hudyo, datapwat, ang ilan sa kanila ay napatunayang taksil. Si Propeta Muhammad ay naglunsad ng sandatahang pagkilos laban sa mga tribung ito at ipinatapon sila mula sa Madina at paligid nito.
Pagsasanggalang sa biglaang Paglusob
Katotohanang mahirap ang magpakilos ng mga tao para lumaban kung nakikita nilang walang mananakop sa kanilang nasasakupan; gayunman, silang mga binigyan ng tungkulin na dapat makita ang panganib ng maagap at nararapat magkaloob ng pamunuan. Ang Sugo ni Allah, si Muhammad ﷺ ay may tungkuling pangalagaan ang kanyang mga tao at ang relihiyong itinayo niya sa Arabya. Sa tuwing makakatanggap ng palihim na ulat hinggil sa mga kalabang nagkakatipon malapit sa kanyang hangganan ay nagsasagawa siya ng biglaang paglusob, babasagin ang kanilang lakas at bubuwagin sila.
Si Allah ay nag-utos sa mga Muslim sa Qur’an:
“Ginawang tungkulin sa para inyo ang pakikipaglaban bagaman ito ay kasuklam-suklam sa inyo. Maaaring kasuklaman ninyo ang isang bagay gayong iyon ay nakakabuti sa inyo at maaaring maibigan ninyo ang isang bagay gayong iyon ay nakakasama sa inyo. At si Allah ay nakaaalam at hindi ninyo nalalaman. [Maluwalhating Qur’an 2:216]
Magkaroon ng kalayaang Magpabatid, Magturo at Maghatid ng Mensahe ng Islam sa isang bukas at malayang kapaligiran
Si Allah ay nagpahayag sa Qur’an:
“Tinatanong ka nila hinggil sa Banal na Buwan kaugnay sa pakikipaglaban sa panahong ito. Sabihin mo, ‘Ang anumang pakikipaglaban sa panahong ito ay malaking kasalanan; subalit anumang paghadlang sa landas ni Allah, ang anumang pagtangging sumampalataya sa Kanya, ang paghadlang sa pagpasok sa Masjid al-Haram, at ang pagtataboy sa mga naninirahan malapit dito ay higit na malaking kasalanan para kay Allah. Ang paniniil ay masahol pa sa pagpatay. Hindi sila magsisitigil sa pakikipaglaban sa inyong hanggang hindi nila kayo napatatalikod sa inyong Relihiyon, kung makakaya nila…” [Maluwalhating Qur’an 2:217]
“At silang kapag ang mapang-abuso ay naminsala sa kanila, lumalaban [sila ng makatarungan].” [Maluwalhating Quran 42:39] Para makamit ang kalayaang ito, si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“MAKIBAKA [JAHIDU] laban sa mga di-mananampalataya sa pamamagitan ng inyong mga kamay at dila.” [Sahih Ibn Hibban]
Ang buhay ni Propeta Muhammad ﷺ ay puno ng PAKIKIBAKA para makamit ang kalayaan para magpahayag at maghatid ng mensahe ng Islam. Sa panahon ng pananatili sa Makkah siya ay gumamit ng mapayapang paraan at pagkatapos na maitatag ang kanyang pamahalaan sa Madina, sa pamamagitan ng pahintulot ni Allah, siya ay gumamit ng sandatahang pakikibaka laban sa kanyang mga kaaway sa tuwing nakita niyang hindi ito maiiwasan.
Pagpapalaya ng mga Tao mula sa Pang-aapi
Si Allah ay pinagsabihan ang mga Muslim sa Qur’an:
“Ano ang nangyari sa inyo, hindi kayo nakikipaglaban alang-alang sa landas ni Allah at sa mga inaapi na mga lalaki, mga babae at mga bata na nagsasabing, ‘Panginoon namin palayain Mo kami sa bayang ito na lumalabag at magtalaga Ka para sa mga naninirahan dito. Magtalaga Ka para sa amin mula sa Iyo ng isang tangapangalaga at magtalaga Ka para sa amin mula sa Iyo ng isang tumutulong.’” [Maluwalhating Qur’an 4:75]
Ang misyon ni Propeta Muhammad ﷺ ay palayain ang mga tao mula sa pang-aapi at pang-aabuso ng mapaniil na sistema. Sa oras na makalaya, ang isang tao ay malayang yakapin ang Islam o hindi. Ang kahalili ni Propeta Muhammad ﷺ ay ipinagpatuloy ang kanyang mga bakas at umalis para tulungan ang mga naaaping tao. Halimbawa, pagkatapos ng paulit-ulit na panawagan ng mga naaaping tao sa Espanya sa mga Muslim na tulungan sila, ang Espanya ay napalaya ng mga hukbong Muslim at ang mapaniil na pinuno ay napatalsik. Pagkatapos masakop ang Syria at Iraq ng mga Muslim, ang mga Kristiyanong mamamayan ng Hims ay naiulat na nagsabi sa mga Muslim ng:
“Nagugustuhan namin ang inyong pamumuno at katarungan ng higit na malayo kaysa sa kalagayan ng pang-aapi at paniniil sa ilalim ng kung saan kami namumuhay dati.”
Ang natalong mga namuno ng Syria ay mga Kristiyanong Romano, at ang Iraq ay pinamunuan ng mga Persiyanong Mago.
Ano ang nararapat gawin ng mga Muslim kapag sila ang Nagwagi?
Ang mga Muslim ay nararapat na tanggalin ang paniniil, pagtataksil, pagkapanatiko at kamangmangan at palitan ito ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Nararapat tayong magkaloob ng makatotohanang kaalaman at palayain ang mga tao sa pagkaalipin sa pagtatambal [SHIRK o maramihang diyos], paninira, pamahiin at mitolohiya. Ang mga Muslim ay tinatanggal ang kalaswaan, takot, krimen, panggagamit at pinapalitan ito ng kabanalan, kapayapaan at edukasyon. Ang Qur’an ay nagpahayag:
“Tunay na si Allah ay nag-uutos sa inyo na gampanan ang mga ipinagkatiwalang tungkulin sa mga kinauukulan ng mga ito, at kapag humatol kayo sa mga tao ay humatol kayo ayon sa katarungan. Tunay na si Allah ay kay buti ng ipinangangaral sa inyo! Tunay na si Allah ay laging Nakakarinig, Nakakakita. [Maluwalhating Qur’an 4:58]
“O mga sumampalataya kayo ay maging mga tagapagtanggol para kay Allah, mga saksi sa katarungan. Huwag mag-udyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo maging makatarungan. Maging makatarungan kayo, ito ay pinakamalapit sa pangingilag magkasala. Mangilag kayong magkasala kay Allah, tunay na si Allah ay Nakababatid sa anumang ginagawa ninyo.” Maluwalhating Qur’an 5:8]
“Kabilang sa nilikha Namin ay isang kalipunan na nagpapatnubay sa katotohanan at sa pamamagitan nito ay nagpapatupad ng katarungan.” [Maluwalhating Qur’an 7:181]
“Tunay na si Allah ay nag-uutos sa inyo na itaguyod ang katarungan, ang paggawa ng kabutihan at ang pagbibigay sa kamag-anak at ipinagbabawal sa inyo ang kahalayan at masamang gawi at pang-aapi. Pinagsasabihan Niya kayo ng sa ganun kayo ay mapaalalahanan. [Maluwalhating Qur’an 16:90]
“At sila yaong kapag ibinigay Namin ang pamumuno sa kanila sa kalupaan, itinatayo ang pagdarasal at nagbibigay ng zakah at ipinatutupad kung ano ang matuwid at ipinagbabawal ang masama. At kay Allah ang bunga ng lahat ng bagay.” [Maluwalhating Qur’an 22:41]
Ang Islam ba ay kumalat sa pamamagitan ng Espada o Baril?
Ang malinaw at mariing sagot ay HINDI! Ang Qur’an ay nagpahayag:
“Walang sapilitan sa relihiyon [Islam]. Ang tamang landas ay maliwanag sa mali.” [Maluwalhating Qur’an 2:256]
Narito ang isang magandang pag-aaral sa katanungang paglaganap ng Islam ng isang misyonaryong Kristiyano, W. Arnold:
“…Ang alinmang binuong tangka para pilitin ang pagtanggap sa Islam ng mga di-Muslim na mamamayan, o anumang sistematikong paniniil sa layuning pigilan ang relihiyong Kristiyano, wala kaming narinig. Kung ang mga kalipa ay pinili ang alinman sa dalawang hakbang, sana ay napaalis nila ang Kristiyanismo ng madali na kagaya nila Ferdinand at Isabella ng itaboy ang Islam palabas ng Espanya, o Louis XIV na ginawang paglabag ang Protestanismo sa Pransiya, o mga Hudyo na hindi pinapasok sa Inglatera sa loob ng 350 taon. Ang Silanganing Simbahan sa Asya ay pangkalahatang pinutol mula sa komunyon ng Sangka-kristiyanohan saan mang dako at walang isamang nagtangkang tumulong para sa kanila, bilang mga ereheng komunyon. Kaya ang pagkaligtas ng mga Simbahang ito sa panahon ngayon ay isang malakas na katibayang sa pangkalahatang pagpaparayang gawi ng pamahalaang Mohammedan [sic] tungo sa kanila”.
Ang Islam ay hindi nagturo, o ang mga Muslim ay naghangad sa pagyakap ng mga tao dahil sa takot, kasakiman, pag-aasawa o iba pang anyo ng pamimilit.
Sa pagtatapos, ang jihad sa Islam ay PAKIKIBAKA SA LANDAS NI ALLAH sa pamamagitan ng panulat, dila, kamay, pamamahayag, at kung hindi maiiwasan ay sa pamamagitan ng sandata. Gayunman, ang jihad sa Islam ay hindi kabilang ang pakikibaka para sa isang tao o pambansang kapangyarihan, pangingibabaw, kapurihan, kayamanan, katanyagan at karangalan.