Sa lahat ng mga bagong Muslim, maligayang pagyakap sa Islam at nawa’y gantimpalaan kayo ni Allah, gabayan kayo, at palakasin kayo sa Kanyang Relihiyon sa inyong pagpapatuloy sa pagtahak sa landas pagkatapos ng Shahadah.
Isa sa pinaka-karaniwang mga usapin para sa mga bagong Muslim ay kung paano haharapin ang kanilang mga kapamilya upang ibalita na sila ay yumakap na sa Islam. Ito ay madalas na isang mahirap na usapin at ang bawat isang katayuan ay magkakaiba. Kaya walang isang tamang paraan para harapin ito. Gayunpaman, nais kong magbigay ng ilang mga bagay na dapat tandaan na maaaring makatulong sa inyo sa pagsisimula ng inyong pakikipag-usap.
Sabihin Sa Kanila Kapag Ramdam Mong Ika’y Handa Na
May ilang mga tao na gustong sabihin kaagad sa kanilang mga pamilya at ang iba naman ay nararamdaman nila na kailangang maghintay. Pareho naman itong maaari. Maging sa mga kasamahan ng Propeta Muhammad [Sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya], ang ilan sa kanila ay agarang ipinaalam sa kanilang pamilya ang pagyakap nila sa Islam, samantalang ang iba naman ay pinanatili ang kanilang pananamapalataya na pribado hanggang sa maramdaman nilang akma na ang panahon. Kung aling landas ang iyong pipiliin ay nakabatay sa iyong natatanging katayuan.
Bilang halimbawa, ang ilang mga bagong Muslim ay naghihintay pa na bago sabihin sa kanilang mga pamilya na hanggang sa maramdaman nilang sila ay mas matatag na at mas maalam sa kanilang pananamapalataya upang kapag dumating ng pagkakataon ay higit silang may kakayahang masasagot ng mas mainam ang mga katanungan at agam-agam. Ang ibang nababatid na may negatibong pananaw sa Islam ang mga kapamilya, ay susubukang buwagin ang ilang mga negatibong mga estereotipo at palambutin ang kanilang pangunawa ng relihiyon bago nila sabihin ang kanilang pagbabalik Islam. Sa kabilang dako, ilang mga tao naman ay pinipiling maging ganap na bukas sa kanilang mga pamilya sa kabuuan ng kanilang pagyakap sa Islam at naramdamang hindi na kailangang ipagpaliban pa ang pagsasabi sa kanila.
Higit mong kilala ang iyong sarili at ang iyong pamilya kung kaya’t pag-isipan kung aling pamamaraan ang gagana ng pinaka-mainam para sa iyo, at sabihin sa kanila kapag ikaw ay handa na.
Huwag Mo Silang Bibiglain
Pakatandaan na maaaring habang isinasaalang-alang mo ang Shahadah sa ilang pagkakataon, maaaring ang lahat ng ito ay magiging medyo hindi inaasahan ng iyong pamilya. Kaya’t habang ika’y maaaring sabik na sabik at nagagalak sa pagyakap sa Islam ay subukan mo pa rin maging mahinahon kapag ipinaalam mo ang balitang ito sa iyong pamilya. Ang paraan ng paghawak mo sa katayuang ito ay magkakaroon ng malaking impluwensya sa magiging pananaw ng iyong pamilya sa iyo at sa pagsasabuhay mo ng Islam. Kaya’t harapin mo ito ng maingat at may pagsasaalang-alang.
Narito ang ilang posibleng pakikiharap na maaari mong isaalang-alang:
- Kung hindi ka nakatitiyak kung ano nila mararamdaman tungkol sa Islam sa kabuuan maaari mo itong basta na lamang isama sa inyong mga pag-uusap upang matantya mo sila Makatutulong ito sa iyo upang malaman kung sila ba’y handa na sa iyong ibabalita at makakapagbigay din ito ng pagkakataon upang iyong linawin ng maaga ang ilang mga maling paniniwala na mayroon sila patungkol sa relihiyon.
-
Kapag naramdaman mong handa ka na pakatandaang hindi mo kailangang ipaalam agad sa lahat Maaari mong simulan sa iyong pinakamalapit na kapamilya na maaaring mas makauunawa at handang makinig sa iyo.
-
Ipaliwanag mo ang iyong katayuan sa kanila at pagmasdan mo kung paano sila tutugon Kung hindi naman naging maayos ang inyong pag-uusap ayon sa iyong inaasahan ay maaari kang sumubok ng ibang paraan sa hinaharap Kapag naging maayos ang pag-uusap maaari ka pang magkaroon ng kaagapay sa pagsasabi sa iba pang natitira mong kapamilya.
-
Kapag kakausapin mo ang iyong pamilya tungkol sa Islam ay subukan mong huwag ilahad sa kanila ang labis ng isahan.
Ito ang isang halimbawa na hindi mo dapat sabihin:
“Nay at Tay, nais kong malaman ninyo na nakapagpasya na akong maging isang Muslim. Gusto ko ring malaman ninyo na simula ngayon ay gusto kong bilihan niyo ako ng lahat ng Halal na karne at pakialis na niyo sa bahay ang lahat ng karneng baboy. Nais ko ring ipaalam sa inyo na ang bago kong pangalan ay Asadullah Hamza Abdul Khaliq at sa pangalang ito lamang ako tutugon simula ngayon. Nais ko ring ipaalam na magpapahaba na ako ng balbas na gakamao. Nais ko ring malaman ninyo ang tungkol sa himalang pang-agham ng Qur’an na hindi mapag-aalinlanganang nagpapatunay na ito’y salita ni Allah. Nais ko ring ipaalam na ako’y magpapakasal na sa loob ng dalawang linggo mula ngayon, narito ang inyong imbitasyon. Nais ko ring ipaalam..”
Huwag gawin ito! Huwag gawin ito! Huwag gawin ito!
Ang pagiging muslim mo pa lamang ay ganap nang kagulat-gulat para sa kanila at kalabisan sa kanila na magbago. Gawin mo itong madali sa abot ng iyong makakaya para sa kanila nang hindi mapapabayaan ang Islam. At kung sa Da’wah, maaaring ika’y nasasabik na ibahagi itong napakagandang paraan ng pamumuhay sa iyong pamilya, ngunit maaaring hindi pa ito ang tamang panahon. Bukod sa ang katotohanang nag-aaral ka pa rin lamang, maaaring hindi sila kaagad magiging bukas dito sa ngayon sapagkat pinag-iisipan pa nila ang inyong napag-usapan. Kung tatangkain mong ipilit ang Islam sa kanila ay maaaring kabaliktaran ang maging epekto nito, magiging sarado na sila sa iyong relihiyon nang tuluyan at makakasira sa iyong relasyon sa kanila na maaaring matatagalan bago maayos. Siyempre, kung magtatanong sila tungkol sa Islam at nais nilang matuto, ito ay mainam, sa lahat ng pagkakataon ay sagutin mo sila. Subalit, huwag mong gawing ang isang simpleng tanong bilang isang kahilingan para sa isang 30 minutong panayam.
Sa puntong ito, sa katotohanan, ang pinakamabisang paraan upang turuan sila tungkol sa Islam ay sa pamamagitan ng iyong magandang halimbawa. Maging matiisin, mapagmahal, at maunawain. Nagwika si Allah sa Maluwalhating Qur’an:
“Ang iyong Panginoon ay nagtakda sa iyo na wala kang sasambahin maliban s Kanya at sa magulang ay makitungo ng mabuti. Kung inabutan sa piling mo ng katandaan ang isa sa kanila o silang dalawa ay huwag magsalita sa kanila ng kahit “hmmp” o bulyawan sila, bagkus makipag-usap sa kanila ng may paggalang. [Maluwalhating Qur’an 17:23]
Kapag makikipagusap ka sa iyong mga pamilya tungkol sa Islam, mahalagang iwasan mong mauwi sa pakikipagtalo. Maaaring magiging mahirap ito na maaari mong maramdamang ang iyong pananampalataya ay hinahamon, at ang iyong pagpapasya ay pinag-uusapan, at isinasawalang bahala ang punto ng iyong pananaw. Ngunit pakatandaan mong ito ay hindi isang debate at hindi naman tungkol sa pagpapatunay na ikaw ay tama. Isa itong pagkakataon na maisabuhay ang Islam.
Maging Matiisin
Makipagusap ka sa kanila at subukang sagutin ang kanilang mga katanungan. Ngunit kapag nagsimula na silang maging mainisin at maargumento ay huwag mong hayaang madala ang iyong sarili na sumunod sa kanila pababa sa kanilang paraan.. Panatilihin ang mahinahong pag-uugali at kapag ang emosyon ay uminit ay magalang kang humingi ng pahinga.
Maging Mapagmahal
Pakitaan mo sila ng awa at habag na siyang itinuturo sa Islam. Paalalahanan mo sila na ika’y kanilang kapamilya at mahal mo sila. Maging mabuti at magalang sa lahat ng pagkakataon at magbigay ng madalas na pagyakap.
Maging Maunawain
Subukan mo sa abot ng iyong makakaya ay tingnan ang mga bagay ayon sa kanilang pananaw kahit na hindi nila ito magawa sa iyo bilang katulad na paggalang. Tanggapin mo ito kahit papaano nang pansamantala, hindi nila nakikita ang Islam sa parehong pamamaraan na nakikita mo, at maaaring tapat silang nag-aalala sa pagbabagong ito. Kaya’t subukan mo sa abot ng iyong makakayang pagaanin sa kanila sa pamamagitan ng prosesong ito.
Maging Muslim Ngunit Maging Totoong Ikaw
Subukan na tulungan silang makita na ang pagiging isang Muslim ay hindi nangangahulugang ika’y ganap na magiging ibang tao. Kahit pa may mga natatanging pagbabago sa iyong pamumuhay, maraming bagay tungkol sa iyo ang mananatiling gaya ng dati. Kaya’t tulungan silang makita ito. Tiyaking hindi hahayaan ang pag-uusap tungkol sa Islam ang manaig sa lahat ng mga pakikipag-ugnayang pampamilya. Maaaring hindi mo nararamdamang mabigat ang pagdating nito, subalit maaaring iba sa pakiramdam nila.. Maglaan ka ng oras sa iyong pamilya na pag-usapan ang mga karaniwang bagay na ginagawa na hindi kailangang mabanggit ang relihiyon. Ngunit kasabay nito, kung darating sa punto na ang pamilya mo ay magnais ng hindi tama,kapag ika’y pagagawin ng bagay na hindi ka masayang gawin, ay huwag itataya ang iyong Islam para lamang bigyan sila ng kasiyahan. Nagwika si Allah sa Qur’an:
“Nagtagubilin Kami sa tao na sa mga magulang ay gumawa ng mabuti. Subalit kung magsisikap silang dalawa na ika’y magtambal sa Akin ng anumang wala kang kaalaman hinggil doon ay huwag kang tatalima sa kanila. Patungo sa Akin ang inyong pagbabalik at ipababatid Ko sa inyo ang anumang inyong ginawa.” [Maluwalhating Qur’an 29:8]
Kaya’t kung ang iyong pamilya ay nag-uutos sa iyong gumawa ng bagay na sumasalungat sa mga paniniwala bilang isang Muslim, gaya ng pagsasagawa ng idolatrya, o pag-iwan sa pagdarasal, ay magalang mong ipaliwanag sa kanila na ito ang pagpaparayang hindi mo kayang gawin. Maaari silang makipagtalastasan sa mga natatanging bagay, maaaring sabihan ka nilang ikaw ay nagiging hindi patas, hindi makatuwiran, hindi mapagparaya at maaari nilang subukang iparamdam sa’yo ang sala na ikinasama ng kanilang kalooban. Ipakita mo sa kanila na nauunawaan mo ang kanilang mga nararamdaman ngunit manatiling totoo sa iyong paniniwala. Harinawa, paglipas ng panahon, ay magiging higit silang mapagtanggap.
Bigyan Sila ng Panahon
Sa pinakasimula ay maaaring magmukhang hindi ka nila matatanggap bilang Muslim, subalit ang panahon ay nakapagpapabago ng malaki. Maaaring gumugol ang iyong mga magulang ng panahon, maaaring ilang taon, para matanggap na ikaw ay isa nang ganap na Muslim at ito ay hindi lamang isang kabanata ng pinagdaanan mo. Maaaring umabot pa ng mas matagal pa dito upang makita nila ang iyong Islam na isang bagay na pangkaraniwan at para sa kanila na makilalang ang Islam sa katunayan ay mabuti para sa iyo at ginawa ka nitong isang mas mabuting tao.
Kaya’t pakatandaang hindi ka nag-iisa. Napakaraming mga nagbalik Islam diyan na dumaan sa parehong mga pagpupunyagi gaya mo at marami na ang nalampasan ito at nakitang sa kabila ng mahirap na mga simula, ang mga bagay ay naging mas mabuti paglipas ng panahon. Kaya’t muli ay maging matiisin. Huwag asahang lahat ito ay mapapawi sa loob ng isang araw o dalawa, subalit magtiwala na ang mga bagay ay maaari at mas bubuti. Nawa’y pagpalain ka ni Allah at gawing magaan ang mga bagay para sa’yo. Nawa’y pagpalain Niya ang inyong mga pamilya na may gabay at patnubayan Niya ang pamilya ng lahat ng mga balik-Islam, Ameen.