Ang mga Muslim ay naniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan at kapag sa kamatayan ng isang tao, ang pintuan ng susunod na buhay ay nabubuksan.
Si Allah [Diyos] ay nagwika sa Qur’an:
“Pangilagan ninyo ang Araw na kayo ay ibabalik kay Allah at pagkatapos ang bawat kaluluwa ay tatanggap ng kabayaran sa kanyang ginawa at hindi sila gagawan ng kawalang katarungan.” [Maluwalhating Qur’an 2:281]
“Ang bawat may-buhay ay makatitikim ng kamatayan. At matatamo lamang ninyo nang lubusan ang inyong mga gantimpala sa Araw ng Pagkabuhay na muli. Kaya ang sinumang hinango sa Apoy at ipinasok sa Paraiso, tunay na siya ay nagtagumpay. Ang buhay sa Mundo ay isa lamang mapanlinlang na kasiyahan.” [Maluwalhating Qur’an 3:185]
Kagaya ng nababatid ng karamihang tao, kamatayan ang tanging katiyakan sa buhay, at kahit pa kung ano ka man o nasaan ka man, ang kamatayan ay darating sa iyo. Ito ay maliwanag na binanggit sa Qur’an:
“Saanman kayo naroon, aabutan kayo ng kamatayan kahit pa man kayo ay nasa mga tore na pinatatag at pinataas!” [Maluwalhating Qur’an 4:78]
Ang maniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan ay isa sa Anim na Haligi ng Pananampalataya sa Islam, at ito ay kabilang sa kailangang paniwalaan para maging isang Muslim, dahil ito ay binanggit sa Qur’an:
“O mga sumampalataya, sumampalataya kayo kay Allah, sa Sugo Niya, sa Aklat na ipinababa Niya sa Kanyang Sugo at sa Aklat na ibinaba Niya noong una. Ang sinumang tumangging sumampalataya kay Allah, sa mga anghel Niya, sa mga Aklat Niya, sa mga sugo Niya at sa Huling Araw ay talaga ngang naligaw na nang malayong pagkaligaw.” [Maluwalhating Qur’an 4:136]
Gayundin, ito ay binanggit sa mga kawikaan ni Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya], na nagwika patungkol sa pagkabuhay-muli:
“..[At] si Allah ay magpapadala ng tubig mula sa himpapawid at ang mga bangkay ay uusbong na kagaya ng pag-usbong ng mga pananim, ..” [Bukhari 4935]
Ang paniniwala sa kabilang-buhay ay napakahalaga sa mga Muslim, at sila ay matatag na sumasampalataya dito dahil sa katotohanan na sinabihan sila ukol dito ni Allah, ang paniniwala dito ay nakakatulong din na mapagbuti ang kanilang mga gawa at gawi sa buhay na ito.
Ito ay nagbibigay sa mahihina at mga naapi ng isang pag-asa at asamin ang isang higit na mataas na katarungan na walang makakatakas, at ito ay dahilan sa mga tao na maging mapangilag sa Diyos dahil batid nila na isang araw ang Diyos ay hahatulan ang tao ayon sa kanilang pananampalataya at kanilang mga gawa.
Ito ay patuloy na paalaala para sa mga Muslim na mag-isip sa bawat gagawin, na maaaring sila ay tanungin dito sa Araw ng Paghuhukom o hindi.
Ang isang ganap na halimbawa dito ay ang pangungusap ni Umar ibn Abdul Aziz, na isa sa mga namuno sa Islamikong imperyo at apo sa tuhod ng isa sa pinakaunang disipulo ni Propeta Muhammad ﷺ. Ito ay nabanggit na minsan nang may isang tao na pinagsalitaan siya ng masasama, siya ay nagwika:
“Kung hindi lamang sa Araw ng Paghuhukom ikaw ay sasagutin ko.”
Ang paniniwala sa kabilang-buhay ay hindi natatangi sa mga Muslim lamang, ang ibang relihiyon ay may ganunding konsepto ng isang buhay pagkatapos ng kamatayan, bagama’t may pagkakaiba ang mga ito sa eksaktong kalikasan.
Halimbawa, ang mga Hudyo ay naniniwala sa isang buhay pagkatapos ng kamatayan na may kasamang pisikal na pagbangon ng mga patay, bagama’t ang ilan sa parehong relihiyon ay naniniwala sa reengkarnasyon.
Ang mga Kristiyano, kagaya ng mga Muslim, ay naniniwala sa Araw ng Paghuhukom, Paraiso at Impiyerno, ngunit nagkakaiba patungkol sa mga paglalarawan ng bawat baytang nito. Sa kabilang banda, ang mga Budismo at Hindus ay hindi naniniwala sa isang pisikal na pagkabuhay na muli, bagkus sa isang espiritwal na pagsilang muli ng kaluluwa.
Sa konklusyon, ang paniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan ay isang pangunahing aspeto ng Islamikong paniniwala at tuwina ay inuukupa ang sentrong isipan ng isang Muslim, sa diwang ang bawat gagawin ay iisipin kung ito ba ay gagawin, tungkol sa kung ito ay pakikinabangan o magiging pabigat sa buhay na darating.