1. Pagsuko

“Katotohanan, walang ibang pananampalataya para kay Allah maliban sa (pagsuko) sa Kanyang nais.” [Maluwalhating Qur’an 3:19]

Ito ay nauunawaan mula sa talata ng Maluwalhating Qur’an na sinabi ni Allah:

“At sinuman ang maghangad ng ibang pananampalataya maliban sa Islam (relihiyon ni Allah ang pagsuko sa Kanya), kailanman ay hindi ito tatanggapin mula sa kanya, at siya, sa Kabilang-buhay, ay kabilang sa mga talunan.” [Maluwalhating Qur’an 3:85]

Ang pagsukong ito ay nangangailangan ng ganap na kamalayan at kahandaang pagsisikap na sumuko sa nag-iisang Makapangyarihang Diyos.

2. Pagpapasakop

“Subalit hindi, sa Ngalan ng iyong Panginoon, tunay na hanggat hindi nila ginawang ikaw, (Muhammad), ang hukom sa lahat ng kanilang sigalot sa isat-isa at matagpuan sa kanilang sarili na walang pagtututol sa iyong pasya, at sila’y sumusuko (ng lubos) na pagpapasakop.” [Maluwalhating Qur’an 4:65]

Ganap na pagpapasakop ay kailangan pagkatapos ng pagsuko at ilang mga alituntunin na itinakda ni Allah upang maunawaan ng mga Muslim. At wala ng ibang pagpipilian sa bagay na ito katulad ng sinabi ni Allah sa isa pang talata;

“Hindi marapat sa mananampalatayang lalaki o sa mananampalatayang babae, na kapag si Allah at Kanyang Sugo ay nagpasya sa isang bagay, na sila (pagkatapos) ay may iba pang pagpipilian tungkol sa bagay na yaon. [Maluwalhating Qur’an 33:36]

Anuman ang italaga ni Allah at ng Kanyang Sugo bilang Daan ng Islam ay tungkulin sa isang mananampalataya, lalaki o babae na sundin ito ng ganap. Siya ay dapat na buong kamalayan at buong puso na ibigay ang sarili para sa paglilingkod kay Allah.

3. Pagsunod

“At sundin si Allah at Kanyang Sugo…” [Maluwalhating Qur’an 3:132]

“O kayong mga mananampalataya! Sundin si Allah at Kanyang Sugo at yaong mga namumuno sa inyo. At kung kayo ay hindi magkasundo sa isang bagay ay sumangguni kay Allah at sa Sugo, kung kayo ay naniniwala kay Allah at sa Huling Araw. Ito ang pinakamahusay (na paraan) at may pinakamainam na bunga.” [Maluwalhating Qur’an 4:59]

“Siya na sumusunod sa Sugo ay sumunod kay Allah, subalit sinuman ang , magkagayun, hindi ka Namin ipinadala na tagapagbantay sa kanila.” [Maluwalhating Qur’an 4:80]

Nangangahulugan ito na sumunod sa kung ano ang ipinag-utos sa ating lahat ni Allah na gawin (sa Qur’an) at sa anumang hinihikayat ng minamahal Niyang Propeta, si Muhammad (sumakanya ang kapayapaan) na gawin natin sa kanyang Sunnah (pamamaraan ng buhay at mga kawikaan na nagsasabuhay ng Qur’an).

Pagkatapos isuko ang iyong kalayaan kay Allah at pagtibayin ang mga alituntunin at kundisyon ng pagsuko, marapat sa isang Muslim na mabuhay sa mga alituntunin ng kasunduan. Ito ay kanyang tungkulin na gawin ang pinakamahusay na pagsunod sa mga utos ni Allah na nakatala sa Qur’an at mga aral ng Mahal na Propeta, sumakanya nawa ang kapayapaan.

4. Dalisay ang Layunin

Ang puso ay dapat na malinis at tapat. Si Allah ay dalisay at tinatanggap lamang Niya ay ang dalisay. Sinabi ni Propeta Muhammad ﷺ:

“Katotohanan ang bawat gawain ay nakabatay sa layunin at ang bawat tao ay gagantimpala ayon sa kanyang nilayon.”

Dalisay na layunin ang susi sa tagumpay o pagkabigo ng Muslim. Ang lahat ng kanyang gawain ay dapat na alang-alang kay Allah at hindi upang magpakitang-tao o tumawag ng pansin sa kanyang sarili. Kung magkakaroon ng kahit na maliit na batik ng pagmamataas o pagpapakitang-tao sa halip na para kay Allah, magkagayun ang lahat ng ito ay hindi tatanggapin ni Allah sa Araw ng Paghuhukom. Ito ay dahil sa katotohanang ang nais ni Allah ay dalisay na layunin at dalisay na gawain.

5.Kapayapaan

Ang “Kapayapaan” ay nabanggit ng 58 na beses sa Qur’an at katiyakan ito ang pinakamimithi na kalagayan ng buhay ng bawat tao sa mundo.

Ang “kapayapaan” ay isa din sa mga katangian ng Allah na ipinangalan Niya sa Kanyang sarili sa Qur’an:

“Siya si Allah, walang ibang diyos maliban sa Kanya, ang Hari, ang Banal, ang Kapayapaan, ang Tagapagmasid, ang Pinamakapangyarihan, ang Tagapagpasunod, ang Kataas-taasan. Kaluwalhatian kay Allah na nakakataas sa anumang mgaitinatambal sa Kanya.” [Maluwalhating Qur’an 59:23]

Tayong lahat ay nagsisikap na maabot ang kapayapaan at kapanatagan sa ating buhay. At kung sakaling ang ibang apat na kundisyon ay makamit, walang pag-aalinlangan, ito ay bunga ng tunay na paghahanap kay Allah.

Sa oras na siya at ganap na sumuko, magpasakop at sumunod kay Allah, ng buong katapatan at bilang bunga ay nakamit ang ganap na kapayapaan sa buhay na ito at sa susunod.

Magkagayun man hindi ito nangangahulugan na hindi siya susubukan. At ito ay dapat nating maintindihan agad. Ang minamahal ni Allah, ay sinusubukan. Ang taong magtatagumpay sa buhay na ito at sa susunod na Buhay ay susubukan ayun sa sinabi ng Allah:

“Akala ba ng mga tao na sila ay hahayaan na lamang kapag sinabi nila, ‘Kami ay naniniwala’ at hindi sila susubukan? Katiyakan sinubukan Namin ang mga nauna sa kanila, at si Allah ay katiyakang ipapakita ng maliwanag yaong makatotohanan, at katiyakang ipapakita ng maliwanag ang mga sinungaling.” [Maluwalhating Qur’an 29:2-3]

Sa oras na tayo ay magpakumbaba, tanggalin natin ang pagmamahal sa sarili, at magpasakop ng buong puso kay Allah, bukod tanging sa Kanya lamang, ang pananampalataya at sa gawa, katiyakang mararamdaman natin ang kapayapaan sa ating mga puso. Ang pagtataguyod ng kapayapaan sa ating mga puso ay magdadala rin ng kapayapaan sa ating panlabas na ugali.

Load More Related Articles
Comments are closed.

Check Also

Bakit Sasambahin Ang Diyos?

Kapag nakamalas tayo ng kakaibang pagpapakita ng kakayahan ng isa sa ating mga bayani sa p…