Maraming mga tao ang nakarinig na ng tungkol sa pag-aayuno ng mga Muslim at sa buwan ng Ramadan, ngunit maraming mga kalituhan at maling pagkaunawang nakapalibot sa paksang ito. Kung kaya, susubukan nating linawin ang mga ito at bigyan kayo ng isang maayos na pinaiksing pagpapaliwanag ng pag-aayuno sa Islam.
Bakit Ka Nag-aayuno?
Sa Qur’an, ipinahayag ni Allah,
“O mga sumampalataya, isinatungkulin sa inyo ang pag-aayuno gaya ng pagkasatungkulin nito sa mga nauna sa inyo nang harinawa kayo ay mangilag magkasala.” [Maluwalhating Qur’an 2:183]
Ang pag-aayuno,tinatawag na ‘Sawm’ sa Arabe, ay isa sa pinakapangunahing mga anyo ng pagsamba sa Islam. Ito ay isang pamamaraan ng pagdadalisay pang-espiritwal at isang paraan ng pagpapalago ng sariling pagpipigil at kamalayan sa Diyos. Ang ideya, unang-una ay kung magagawa mong umiwas mula sa mga bagay na sa ibang mga araw ay ganap na ipinahihintulot at mabuti para sa iyo, kung gayun ay nararapat na wala kang suliranin sa paglayo mula sa kasalanan, pag-iwas mula sa mga tukso at mula sa mga bagay na hindi makakabuti para sa iyo.
Kapag ang tao ay nag-aayuno sila ay hindi kumakain, umiinom o nakikipagtalik mula sa oras ng madaling araw hanggang sa oras ng paglubog ng araw. Karagdagan pa, ang taong nag-aayuno ay nagsisikap na umiwas mula sa mga negatibong mga gawain at pag-uugali kagaya ng pagsisinungaling, pagmumura, pakikipagtsismisan, o anumang bagay na maaaring makasira sa diwa ng pag-aayuno.
Kapag ika’y nag-aayuno, ika’y laging may kamalayan dito sa buong maghapon, kung kaya’t katotohanan ay nakakatulong sa iyo na gunitain si Allah, at maiwasan ang mga gawaing makasalanan. Ang kalagayang ito na may kamalayan sa Diyos ay tinatawag na Taqwa, sa Arabe, ay bagay na inaasahang madadala mo kahit pa ang pag-aayuno ay tapos na.
Kailan Ka Kakain?
Kapag may layunin kang mag-ayuno, nararapat kang bumangon ng higit na maaga bago ang madaling araw para kumain ng ‘Suhoor’ na kung saan ito talaga ang iyong agahan bago ang madaling araw. Sa sandaling ang madaling araw ay sumisilay na, ang pag-aayuno ay nagsisimula na at hindi ka na maaaring kumain o uminom ng anuman hanggang paglubog ng araw. Hindi, walang alalahanin kung mayroon natira ka pang ilang subo ng pagkain, hindi na maaaring sumubo ng anuman hanggang paglubog ng araw, kahit pa miryenda! Oo, kasama dito ang tubig.
Kung sinasadyang kumain o uminom ng anuman sa buong maghapon, ang iyong pag-aayuno ay nasira. Ang tanging pasubali kung ito ay hindi sinasadya. Kagaya kung ikaw ay nakalimot pansamantala na ikaw ay nag-aayuno, at sumubo ka ng ilang pirasong pakwan at pagkatapos ay bigla na lang, ika’y napasabi ng: “Naku, nag-aayuno nga pala ako ngayon at kumain ako!”
Huminahon, ayos lang yan. Sa ganyang pagkakataon, magpatuloy ka lang sa pag-aayuno at wala namang nasira. Lahat ng ito ay naaayon sa iyong layunin.
Sa oras ng paglubog ng araw, ang pag-aayuno ay dumating sa pagtatapos at mayroon tayong ‘Iftar’, isang bagay na kaunti lang para kainin o inumin para opisyal na ihinto ang pag-aayuno. Isang tradisyon, na ang mga tao ay tinatapos ang pag-aayuno sa pamamagitan ng mga bunga datiles at tubig. Makalipas ang ilang sandali, karaniwan pagkatapos na maisagawa ang pagdarasal sa paglubog ng araw o ng ‘Maghrib’, ang mga tao ay nauupo para sa isang kumpletong hapunan.
Ano Ang Mga Ginagawa Kapag Nag-aayuno Ka?
Habang nag-aayuno, sinusubukan nating paramihin ang mabubuting gawa at paggunita kay Allah. Nagsisikap rin tayo na mag-’Dua’ o pansariling panalangin hangga’t maaari, dahil batid natin mula sa iniulat na mga salawikain ni Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] na ang mga panalangin ng taong nag-aayuno ay hindi kailanman tinatanggihan.
Kailan Ka Mag-aayuno?
Ang pag-aayuno ay magagawa sa halos lahat ng araw sa buong taon, ngunit ang pinakadakilang panahon para sa pag-aayuno ay sa panahon ng Islamikong buwan ng Ramadan. Sa panahon ng Ramadan, ang mga Muslim ay obligadong mag-ayuno sa maghapon para sa buong buwan. Kaya, ito ang oras na karaniwan ay inuugnay sa pag-aayuno.
Karagdagan pa, mayroong ibang mga pagkakataon sa buong taon na ang mga Muslim ay hinihikayat na mag-ayuno. Halimbawa, ito ay itinuturing na ‘Sunnah’, isang tradisyon ng Propeta ﷺ, na mag-ayuno sa araw Lunes at Huwebes, kaya maraming mga tao ang nag-aayuno sa mga araw ding ito.