Pagkakapantay ng Kalalakihan at Kababaihan sa Islam, at likas na pinupunan ang isat-isa.
Sa isang banda, ang pagkakapantay sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan ay maaari at makatuwiran dahil sila ay parehong tao, na may parehong mga kaluluwa, mga utak, mga puso, mga baga, mga biyas, atbp. Sa kabilang banda, ang pagkakapantay sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan ay hindi maaari at isang kahangalan dahil sa kanilang likas na pagkakaiba sa pisikal, kaisipan, emosyonal at sikolohiyang mga katangian, paghilig at mga kakayahan. Sa pagitan ng dalawang ito ay kailangan nating umusad para liwanagin kung paano sila magkapantay, at kung paano sila nagpupunuan.
Kung lubos na pagkakapantay sa pagitan ng lahat ng kasapi ng parehong kasarian ay hindi maaari dahil sa likas na mga pagkakaiba sa lakas at iba pang katangian, kahit pa ang kasarian ay panlalaki o pambabae, magkagayun ito ay katiyakang hindi mangyayari sa pagitan ng dalawang kasarian. Si Allah, ang Kataas-taasan at Makapangyarihan sa lahat, ay nagwika sa Maluwalhating Qur’an:
“Mula sa bawat bagay ay lumikha Kami ng magkapares nang harinawa kayo ay makaalaala [sa Biyaya ni Allah].” [Maluwalhating Qur’an 51:49]
Kahit ang mga atomo ay nagpapakita ng dalawahang katangiang ito na may ugnayan at pagpupunuang ginagampanan ng positibo at negatibong mga partikulo at mga ion, datapwat ang bawat isa ay mahalagang bahagi ng buong sistema ng tinatawag na baynaryong batayan ng lahat ng nabubuhay. Karamihan sa mga nabubuhay ay mayroong lalaki at babaeng kasarian para sa pagpaparami. Kagaya ng itinuro sa atin ng agham ng biyolohiya, lahat ng mga mamalya ay mayroon magkatulad na mga katangian sa kanilang mga molekula at glandula na kabuuang tumutukoy sa mga pagkakaiba ng kasarian. Itong mga pangunahing pisikal, sikolohikal at pangkasariang mga katangian ay mayroong maliwanag na dulot sa ibang saklaw ng buhay ng mga ito.
Likas para sa isang lalaki ang mangailangan at makatagpo ng kaganapan kasama ang isang babae at para din sa isang babae kasama ang isang lalaki, dahil sila ay nilikha na ang isa mula sa isa at para sa isat-isa. Kapwa silang hindi mapaghihiwalay na ugnayan sa isat-isa. Gayundin hindi sila makakatagpo ng kaganapan maliban sa piling ng bawat isa bilang ligal at marangal na kapareha at asawa, kagaya ng winika ni Allah [ang Makapangyarihan sa lahat] sa Kanyang Maharlikang Aklat, ang Qur’an, binanggit sa dalawang talata ng pambungad:
“O mga tao! Tunay na nilikha Namin kayo mula sa isang lalaki at isang babae at gumawa sa inyo na mga bansa at mga lipi upang magkakilanlan kayo. Tunay na ang pinakamarangal sa inyo para kay Allah ay ang pinakamapangilag sa inyo sa pagkakasala. Tunay na si Allah ay Maalam, Nakababatid.” [Maluwalhating Qur’an 49:13]
Sa maraming pagkakataon ang Islam ay itinuturing ang kababaihan bilang kapantay ng kalalakihan. Ang ilan sa mga halimbawa ay ibinigay sa ibaba. Sa mga susunod na bahagi ay palalawakin namin sa mga paksang ito sa ibat-ibang konteksto sa buong aklat.
1) Pagkakapantay sa Pangunahing Pagkatao
Kapwa ang lalaki at babae ay parehong pantay sa kalagayan ng kanilang pagkatao. Ang Islam ay hindi inuri ang babae, halimbawa, bilang pinagmumulan ng kasamaan sa mundo para sa ilan at manang kasalanan na naging dahilang si Adan [sumakanya ang kapayapaan] ay palabasin mula sa Paraiso, o maging dahilan ng kasamaan sa mundo sa pamamagitan ng pagpapakawala sa ‘Kahon ni Pandora’ ng mga bisyo, kagaya ng ilan na ibang panrelihiyong mga doktrina at mga pabulang itinuro.
Si Allah, ang Kataas-taasan at Makapangyarihan sa lahat, ay nagpahayag sa Maluwalhating Qur’an:
“O mga tao! Mangilag kayong magkasala sa inyong Panginoon na lumikha sa inyo mula sa nag-iisang tao [Adan], at nilikha Niya mula rito ang kanyang kabiyak [Eba], at nagpalaganap Siya mula sa dalawang ito ng maraming kalalakihan at kababaihan.” [Maluwalhating Qur’an 4:1]
Gayundin si Allah ay ipinahayag sa Maluwalhating Qur’an:
“Inaakala ba ng tao na iiwan siya na pinababayaan? Hindi ba siya noon ay isang patak mula sa punlay na ibinuhos? Pagkatapos siya ay naging isang dugong namuo at nilikha at saka binuo. Ginawa Niya mula sa kanya ang dalawang kabiyak: ang lalaki at ang babae. Hindi ba ang Tagapaglikha na iyon ay kaya na magbigay-buhay sa mga patay?” [Maluwalhating Qur’an 75:36-40]
Si Allah ay inilarawan sa mga talata na nilikha Niya ang parehong kasarian mula sa isang pinagmulan. Walang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang kasarian sa usaping pagkamarapat sa pagkatao, at ang bawat isa ay pinupunan ang isa bilang dalawang kasarian ng mga nilikhang may buhay. Ang Islam ay tinanggal at pinawalang-bisa ang lahat ng hindi makatarungang batas na ibinababa ang kababaihan bilang mababa sa uri at kalikasan.
Ang Propeta [sumakanya ng kapayapaan at mga biyaya] ni Allah ay nagwika:
Katotohanan, ang kababaihan ay kalahating kambal ng kalalakihan [Abu Dawood]
2) Pagkakapantay sa mga Tungkuling Panrelihiyon
Pantay na mga tungkuling panrelihiyon at mga ritwal ay kailangan mula sa kababaihan at kalalakihan. Pagpapahayag ng Pananampalataya [Shahadah], Pagdarasal [Salah], Tungkuling Kawanggawa [Zakat], Pag-aayuno [Sawm], at Pagdalaw [Hajj] ay pantay na itinagubilin sa kapwa kasarian. Sa ilang pagkakataon ang mga pangangailangan ay medyo pinadali sa kababaihan para iangat ang kanilang kakaibang antas ng paghihirap. Halimbawa, bilang pagsaalang-alang sa kanyang kalusugan at kalagayang pisikal, ang nirereglang kababaihan o isang babaeng nasa kalagayan ng pagdurugo pagkatapos manganak at nagpapalakas ay pinagpaumanhinan mula sa tungkuling pagdarasal at pag-aayuno. Siya ay binigyang tungkulin na punan ang mga araw ng pag-aayunong nalaktawan ng dahil sa regla at pagdurugo pagkatapos manganak, ngunit hindi sa mga pagdarasal, dahil ito ay labis nang mahirap.
3) Pagkakapantay sa mga Gantimpala at mga Parusa
Ang mga lalaki at mga babae ay parehong mayroong mga gantimpala para sa pagsunod at mga parusa para sa pagsuway sa mundong ito at sa Kabilang-buhay. Kagaya ng ipinahayag ni Allah sa Maluwalhating Qur’an:
“Ang sinumang gumawa ng matuwid, maging lalaki man o babae, samantalang siya ay isang sumasampalataya ay talagang pamumuhayin nga Namin siya nang isang mabuting buhay at talagang gagantihan nga Namin sila ng kabayaran nila na higit na magaling sa kanilang ginagawa noon.” [Maluwalhating Qur’an 16:97]
At ang Panginoong Pinakamaharlika ay nagwika:
Tunay na ang mga lalaking Muslim at ang mga babaeng Muslim, ang mga lalaking Sumasampalataya at ang mga babaeng Sumasampalataya, ang mga lalaking Masunurin at ang mga babaeng Masunurin, ang mga lalaking Nagsasabi ng totoo at ang mga babaeng Nagsasabi ng totoo, ang mga lalaking Nagtitiis at ang mga babaeng nagtitiis, ang mga lalaking Nagpapakaaba at ang mga babaeng Nagpapakaaba, ang mga lalaking Nagkakawanggawa at ang mga babaeng Nagkakawanggawa, ang mga lalaking Nag-aayuno at ang mga babaeng Nag-aayuno, ang mga lalaking Nangangalaga at ang mga babaeng Nangangalaga sa mga puri nila, at ang mga lalaking Umaalaala at ang mga babaeng Umaalaala kay Allah nang madalas ay naghanda si Allah para sa kanila ng kapatawaran at dakilang gantimpala. [Maluwalhating Qur’an 33:35]
4) Pagkakapantay sa Pangangalaga ng Karangalan at Kamaharlikaan
Ang kababaihan ay mayroong parehong tungkuling moral at may karapatan sa parehong pangkalahatang mga karapatan kagaya ng kalalakihan sa pangangalaga ng puri, integridad, at pansariling dangal at paggalang, atbp. Walang doble karang pamantayan ang ipinapahintulot. Halimbawa, yaong mga maling nagparatang sa isang malinis na babae ng pangangalunya o pakikiapid ay paparusahan sa publiko, na kagaya ng isang tao ay siniraang-puri. Si Allah ay nagpahayag sa Maluwalhating Qur’an:
Ang mga naninirang-puri sa mga malilinis na babae at pagkatapos ay hindi makapagdala ng apat na saksi ay hagupitin ninyo sila ng walumpung hagupit at huwag na kayong tumanggap sa kanila ng pagsasaksi magpakailanman. Ang mga iyon ay ang mga suwail. [Maluwalhating Qur’an 24:4]
5) Pagkakapantay sa Pananalaping Transaksyon at Pagmamay-ari ng Ari-arian
Ang kababaihan ay pantay na may kakayahan at pinapayagang lumahok sa pananalaping transakyon at pagmamay-ari ng ari-arian. Ayon sa Islamikong batas ang kababaihan ay maaaring magmay-ari, bumili, magbenta at magsagawa ng anumang pananalaping transakyon maliban sa patubuan na hindi kailangan ang tagapamatnubay, at walang anumang mga pagbabawal o mga hangganan – isang kalagayan na hindi maririnig sa maraming lipunan hanggang sa dumating ang makabagong panahon.
6) Ang pinakamainam sa inyo ay ang Pinakamainam sa kanyang Kababaihan
Ang Islam ay nagpapahiwatig na ang isang lalaki na nagpaparangal, gumagalang at nakikitungo sa kababaihan ng makatarungan at may pagpapahalaga ay nag-aangkin ng isang malusog at matuwid na pagkatao, samantalang ang isang lalaki na umaabuso sa kanila ay isang hindi matuwid at hindi kagalang-galang na lalaki. Ang Propeta ni Allah ﷺ ay nagwika:
Ang pinakaganap sa mananampalataya ay ang pinakamainam sa pag-uugali, at ang pinakamainam sa inyo ang pinakamainam sa kanyang kababaihan. [Tirmidhi]
7) Pagkakapantay sa Edukasyon at Kalinangan
Ang Islam ay binigyan ang kababaihan ng parehong karapatan kagaya ng kalalakihan sa edukasyon at kalinangan. Ang Propeta ni Allah ﷺ ay nagwika, kagaya ng iniulat at napagtibay ng mga pantas sa propetikong mga tradisyon:
Ang paghahanap ng kaalaman ay tungkulin para sa bawat Muslim [lalaki at babae]. [Ibn Majah]
Ang mga pantas na Muslim ay pangkalahatang nagkaisa na ang katagang Muslim kapag ginamit sa ipinahayag na mga kasulatan ay kabilang ang lalaki at babae, kagaya ng inilagay natin sa panaklong. Kaya, ang Islam ay binigyang karapatan ang kababaihan ng parehong karapatan ng edukasyon para maunawaan ang mga panrelihiyon at panlipunang tungkulin, at binigyan silang pareho ng tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pinakamainam na kaugalian, na naaayon sa tamang Islamikong gabay. Syempre ang kababaihan ay mayroong natatanging mga tungkulin sa pagpapalaki ng kanilang mga anak na magagampanan ayon sa kanilang mga kakayahan at ang kalalakihan ay may pinupunuang tungkuling magtustos, mangalaga at gastahan ayon sa kanilang karagdagang mga tungkulin sa pamilya.
Ang Propeta ﷺ ay nagwika:
Sinuman ang nangalaga sa dalawang batang babae hanggang sa umabot sa tamang gulang, siya at ako ay darating sa Araw ng Pagkabuhay na muli ng ganito..” Ang Sugo ni Allah ﷺ ay pinagdikit ang kanyang mga daliri para isalarawan ito. [Muslim]
Tungkol sa aliping batang babae, ang Propeta ni Allah ﷺ ay nagwika:
Sinuman ang may isang batang babae sa kanya [naglilingkod sa kanya bilang alipin], at sinanay siya sa pinakamainam na pag-uugali, at tinuruan siya ng mabuti, at pagkatapos ay pinalaya at pinakasalan siya, ay magkakaroon ng dalawang ulit na gantimpala. [Bukhari at Muslim]
8) Pagkakapantay sa mga Panlipunang Tungkulin
Ang kalalakihan at kababaihan ay mayroong magkatulad na mga tungkulin para baguhin at itama ang pamayanan sa abot ng kanilang kakayahan. Ang kalalakihan at kababaihan ay pasan ang mga tungkulin sa pagpapatupad ng mabuti at pagbabawal ng masama ng pantay, kagaya ng ipinahayag ni Allah, ang Kataas-taasan sa Qur’an:
Ang mga lalaking sumasampalataya at ang mga babaeng sumasampalataya ay mga tagatangkilik ng isa’t-isa sa kanila. Nag-uutos sila sa nakabubuti at sumasaway sila sa nakasasama, pinangangalagaan nila ang Pagdarasal, ibinibigay nila ang zakāh, at tumatalima sila kay Allah at sa Sugo Niya. Ang mga iyon ay kaaawaan sila ni Allah. Tunay na si Allah ay Makapangyarihan, Marunong. [Maluwalhating Qur’an 9:71]
9) Karapatang Tumanggap ng Patas na Bahagi ng Kayamanan
Ang kalalakihan at kababaihan ay may takda at kinilalang mga karapatan na tumanggap ng kanilang patas na bahagi ng kayamanan, kagaya rin naman na sila ay binigyang tungkulin sa magbigay ng Zakah [Tungkuling Kawanggawa] ayon sa itinakdang kalkulasyon. Ang lahat ng mga pantas na Muslim ay nagkaisang sumang-ayon sa bagay na ito. Ang isang babae ay may takdang bahagi ng pagmamana, na tatalakayin ng higit na detalyado sa susunod, na ito ay karapatan na hindi naisip sa maraming lipunan.
Si Allah [Ang Makapangyarihan sa lahat] ay nagwika:
Ang mga kalalakihan ay may bahagi mula sa naiwan ng mga magulang at mga malapit na kaanak at ang mga kababaihan ay may bahagi rin mula sa naiwan ng mga magulang at mga malapit na kaanak; maging kaunti man iyon o maging marami ay may itinakdang bahagi. [Maluwalhating Qur’an 4:7]
10) Ang isang babae, kagaya ng isang lalaki, ay maaaring makapagbigay sa isang tao ng karapatang magpagkupkop at seguridad sa mga Muslim.
Si Allah, ang Kataas-taasan, ay nagwika:
“Kung may isa kabilang sa mga Mushrik na nagpakanlong sa iyo ay kupkupin mo siya upang marinig niya ang Salita ni Allah at pagkatapos ay ihatid mo siya sa pook na ligtas siya. Iyan ay sapagkat sila ay mga taong hindi nakaaalam.” [Maluwalhating Qur’an 9:6]
Ang Sugo ni Allah ﷺ ay nagwika:
At ang pangangalaga ng mga Muslim ay iisa, at ang pinakaaba sa kanila ay makapagbibigay ng pangangalaga; at sinuman ang labagin ang karapatan ng isang Muslim magkagayon ang sumpa ni Allah at Kanyang mga Anghel at lahat ng mga tao ay mapasakanya, at walang pagsisisi o panubos ang tatanggapin mula sa kanya. [Bukhari]
Ito ay napatunayan rin sa sumikat na kwento ni Um Hani [Ina ni Hani] nang siya ay nagbigay pangangalaga sa isang politeista na nagpakanlong sa kanya sa araw ng pagbawi sa Makkah pagkatapos na ang kanyang kamag-anak ay nagbanta na papatayin ang taong iyon [dahil sa nakaraang away] kung kaya ang Sugo ni Allah ﷺ ay nagwika:
Kami ay mangangalaga at kakanlungin sa sinumang pinagkalooban mo ng kanlungan O Um Hani. [Bukhari]
Ito ay ilan lamang sa mga karapatan, na binanggit dito bilang halimbawa sa isang pabuod na paraan para ipakita ang malawak na kalikasan ng Islamikong pagbabatas.