Sabihin mo: “Halikayo, bibigkasin ko ang ipinagbawal ng inyong Panginoon sa inyo: huwag kayong magtambal sa Kanya ng anuman; maging mabuti sa mga magulang; huwag ninyong patayin ang mga anak ninyo dahil sa kahirapan: Kami ang magkakaloob ng panustos sa inyo at sa kanila; huwag kayong lumapit sa mga kahalayan, maging iyon man ay hayagan o palihim; at huwag kayong kumitil ng buhay na ipinagbawal, maliban na lamang kung alinsunod sa katarungan.” Gayon ang ipinag-utos Niya sa inyo nang harinawa kayo ay makaunawa. Huwag ninyong lapitan ang ari-arian ng ulila, kung hindi ayon sa siyang pinakamagaling, hanggang sa sumapit ito sa hustong gulang nito; lubusin ninyo ang pagtatakal at ang pagtitimbang sa timbangan ayon sa makatarungan; hindi Kami mag-aatang sa isang kaluluwa kung hindi ayon sa kakayahan nito; kapag nagsalita kayo ay maging makatarungan kahit pa sa isang kamag-anak; sa Tipan kay Allah ay tumupad kayo. Iyon ay iniatas Niya sa inyo, nang harinawa kayo ay makaalaala; Na ito ay ang landas Ko—tuwid kaya sundin ninyo ito. Huwag ninyong sundin ang ibang mga daan sapagkat magpapawalay ang mga ito sa inyo palayo sa daan Niya. Iyon ay iniatas Niya sa inyo, nang harinawa kayo ay mangilag magkasala. [Maluwalhating Qur’an 6:151-153]
Sa mga talatang ito ay mayroon tayong Sampung Utos ng Islam. Si Ubadah ibnu Samit [kaluguran siya ni Allah], ay nagsabing si Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya], ay nakagawiang tanggapin ang panata ng pagsapi sa Islam [bay’ah] mula sa mga mamamayan ng Makkah sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga talatang ito. Ang ilang mga pantas ay tinatawag ito bilang “ad-Din al-Jami” [Pangkalahatang Mga Aral ng Relihiyon]. Ang mga kautusang ito ay kabilang ang paniniwala, pagsamba, mga kaugalian, mga batas panlipunan, pang-ekonomiya at mga usaping pangmamamayan. Ang kagayang mga aral ay matatagpuan din sa tinatawag na Biblia [Exodo 20:2-17; Deuteronemio 5:6-21] at para sa mga Hudyo at mga Kristiyano ay kilala ito bilang Sampung Utos. Ito ay binuod ayon sa mga sumusunod:
- Huwag kang sasamba sa ibang diyos bukod sa Akin
- Huwag kang gagawa ng nililok na imahe
- Huwag mong gagamitin ang pangalan ng Diyos mo sa walang kabuluhan
- Huwag mong labagin ang araw ng Sabath
- Huwag kang maging lapastangan sa iyong mga magulang
- Huwag kang papatay
- Huwag kang mangalunya
- Huwag kang magnakaw
- Huwag kang mandaya
- Huwag kang magnanasa sa hindi mo asawa
Sa Qur’an ay ibinigay ang mga kautusang ito sa tatlong mga talata. Ang bawat talata ay mayroong napaka-angkop na pangwakas. Sa unang talata ay mayroong limang kautusang nagtatapos sa mga salaysay na “upang inyong maunawaan.” Sa pangalawang talata ay mayroong apat na kautusang nagtatapos sa salaysay na “para kayo ay makaalala.” Sa pangatlong talata ay may isang kautusang nagtatapos sa salaysay na “para kayo ay mangilag magkasala.” Ang lantad na kahulugan ay kung gagamitin ninyo ang inyong katuwiran ay alalahanin ang inyong mga tungkulin at sundin ang Banal na Landas upang magkamit ng mabuti at matuwid na pag-uugali, Taqwa. Ito ang nararapat na pangwakas na layunin ng iyong pananampalataya. Halina’t tingnan natin ang tatlong balangkas ng kautusang ito:
Kaya Siya ay nagtagubilin sa inyo para sa gayon ay gamitin ninyo ang inyong pangangatuwiran:
1- Huwag magtambal ng anuman sa Kanya:
Mayroon lamang Isang Diyos. Ang maniwala na mayroon pang ibang kabahagi sa Kabanalan ni Allah ay Shirk, isang pamumusong at malaking kasalanan. Ang paniniwala sa Tawhid o sa Kaisahan ni Allah ay ang tunay, pinakalohikal at pinakamakatuwirang prinsipyo. Ang lahat ng ibang mga paniniwala sa dalawahan o maramihan ng mga diyos ay walang pundasyon sa katotohanan, katuwiran o riyalidad.
2- Maging mabuti sa mga magulang:
Ang Ihsan tungo sa magulang ay nangangahulugang gawin ang lahat ng mainam sa kanila. Kabilang dito ang paggalang, parangal, kabutihan at pagmamahal. Ang katuwiran ay nagtatalaga na ang mga magulang ay dapat na parangalan at pasalamatan para sa lahat ng sakripisyo na kanilang ginawa para sa kanilang mga anak. Ang mga anak na nagpabaya o nagbalewala sa mga karapatan ng kanilang mga magulang ay pinagkaitan ang kanilang sariling katuwiran at kagandahang-asal.
3- Huwag paslangin ang inyong mga anak dahil sa pangamba sa kahirapan:
Kagaya ng mga magulang na may mga karapatan gayundin ang mga anak na mayroon ding mga karapatan. Kahit pa ang mga sanggol at ang hindi pa nailuwal ay mayroong mga karapatan. Sila ay hindi dapat paslangin sa anumang dahilan kahit pa sa pangamba sa kahirapan. Si Allah ay nagkakaloob para sa lahat. Isa pang panuntunan ng katuwiran ay ang lahat ng mga bata ay dapat napapangalagaan. Kagaya ng hindi ba dapat pinararangalan, ang mga bata ay dapat pinapangalagaan.
4- Huwag gawiin ang nakakahiyang mga gawa kahit pa hayagan o patago man:
Hindi tamang gawin ang kahiya-hiya at ang hindi marangal na mga gawain sa publiko bagkus ito ay mali ring gawin sa pribado. Makatuwirang bagay na ang mga hindi marangal ay nararapat na iwasan kahit saanman. Ganundin kagaya ng mayroong hayag na mga kasalanan ay mayroong tagong mga kasalanan. Ang mga hayag na kasalanan kagaya ng pagnanakaw, pagpatay, pakikiapid, panunuhol, pandaraya, gawang masama atbp.; ngunit ang mga tagong kasalanan ay pagkukunwari, kawalang pananampalataya, pagkasuklam, pagkagahaman, paghihinala atbp. Ang lahat ng mga kasalanan ay nararapat na iwasan.
5- Huwag pumatay ng sinumang taong ipinagbawal ng Diyos maliban sa pamamagitan ng tamang paglapat ng batas:
Ang lahat ng pagpatay ay ipinagbabawal maliban sa ilalim ng tamang paglapat ng batas at katarungan. Kapag ang tao ay nawala sa katinuan ay magsisimula silang pumatay ayon sa kanilang sariling pagkasuklam o galit. Sila ay lalabis sa mga hangganan ng katarungan. Ang mga mamamatay-tao ay nakalalaya habang ang mga inosente ay naparusahan o daan-daan ay nagdurusa dahil sa pagpatay ng isa o ilan. Ang lahat ng ito ay labag sa dikta ng katuwiran at sentido kumon.
Kung kaya tinagubilinan kayo upang kayo ay makaalala.
6- Pangalagaan ang ari-arian ng ulila:
Ito ay nangangahulugang pangalagaan ang mga karapatan ng mahina. Ang mga tao ay natatandaan ang mga karapatan ng malalakas ngunit ang mahihina ay nakalimutan.
7- Gawin ang lahat ng paraan at timbangin sa lahat ng pagkakapantay:
Ang isang tao ay nararapat na laging iniisip na sa pakikipag-ugnayan ay sa paraang matapat. Ang mga tao ay nakalimutan na ang katapatan ay nararapat na panuntunan sa lahat ng pakikipag-ugnayan..
8- Sa tuwing magsasalita, maging makatarungan kahit pa ito ay kaugnay ang malapit na kamag-anak:
Ang mga tao ay may hilig na kumiling sa kanilang malapit na mga kamag-anak; nakalimutan nilang dapat silang maging pantay sa lahat ng tao.
9- Tuparin ang iyong mga pangako:
Ang lahat ng mga pangako ay nararapat na matupad, ngunit lalo na yaong mga ginawa sa pangalan ng Diyos. Huwag kalimutan ang iyong mga pangako.
Kung kaya Siya ay nagtagubilin sa inyo upang kayo ay maabot ang pagkamatuwid.
10- Tahakin ang tuwid na landas ng Diyos:
Tanging ang landas ng Diyos ang matuwid. Ang ibang landas ay hindi matuwid at hindi ka nito gagabayan patungo sa Diyos.