Katotohanan sa mga panahong ito tayo ay saksi sa mababang respeto sa mga matatanda lalo na sa mga magulang, Tunghayan natin ang mga aral sa Islam sa dapat na pakikitungo sa mga magulang, lalo na sa mga Ina.
Ito ang isa sa pinaka kapani-paniwalang bagay tungkol sa Islam – ang pakikitungo sa kababaihan sa pangkalahatan at higit sa lahat ang mataas na katayuan ng mga ina na hinahawakan sa Islam.
Kabilang sa pinakamalinaw na mga halimbawa ng Islam sa pagpaparangal sa mga kababaihan ay ang dakilang katayuan ng ina sa Islam. Ang Islam ay nag-uutos ng kabutihan, paggalang at pagsunod sa mga magulang at partikular na binibigyang-diin at nagtatangi sa mga ina na katulad ng ipapakita sa artikulong ito. Ang Islam ay itinataas ang mga magulang sa katayuang higit kaysa matatagpuan sa alinmang relihiyon o pananaw.
Ang utos na maging mabuti sa kanyang magulang ay nagsisimula mismo sa Qur’an. Si Allah ay nagsasabi:
“Sambahin ang Diyos ang huwag magtambal ng anuman sa Kanya; at sa magulang ay makitungo ng mabuti..” [Maluwalhating Qur’an 4:36]
Ang pagbanggit ng paglilingkod sa mga magulang ay kasunod agad pagkatapos ng paglilingkod sa Diyos. Ito ay inulit sa buong Qur’an.
“Ang iyong Panginoon ay nagtakda sa iyo na wala kang sasambahin maliban sa Kanya at sa magulang ay makitungo ng mabuti. Kung inabutan sa piling mo ang katandaan ang isa sa kanila o silang dalawa ay huwag magsalita sa kanila ng kahit “uff” o bulyawan sila, bagkus makipag-usap sa kanila ng may paggalang. At ipadama sa kanila ang pakpak ng kababaang-loob na bahagi ng awa. At sabihin, “Panginoon ko, kaawaan Mo sila kagaya ng pag-aaruga nila sa akin noong ako ay maliit pa.” [Maluwalhating Qur’an 17:23-24]
Ang dakilang pantas, si Abu al-Faraj Ibn Al-Jawzi (1201 CE) ay nagpaliwanag:
Ang pagiging mabuti sa magulang ay; sundin sila kapag sila ay nag-utos sa iyo na gawin ang isang bagay, maliban kung ang bagay na ito ay ipinagbabawal ni Allah; bigyang ng higit na pagpapahalaga ang kanilang mga utos kaysa mga boluntaryong pagsamba; pag-iwas mula sa mga ipinagbawal nila sa iyong gawin; tustusan sila; paglingkuran sila; at pakitunguhan sila sa magiliw na may pagpapakumbaba at awa; huwag magtaas ng boses sa harapan nila; o pandilatan man lang sila; o tawagin sila sa kanilang mga pangalan; at maging matiisin sa kanila. [Ibn al-Jawzi, Birr al-Walidayn]
Ang Qur’an ay nagbigay-diin sa dakilang pagsisikap na pinagdaanan ng mga ina para sa kanilang mga anak, para bigyang-diin ang pangangailangan ng isang tao na suklian ang sakripisyo ng kanilang mga magulang para sa kanila:
“Nagtagubilin Kami sa tao na [maging mabuti] sa mga magulang niya—ipinagdalang-tao siya ng kanyang ina na nanghina nang nanghina at ang pag-awat sa kanya ay sa loob ng dalawang taon. Magpasalamat ka sa Akin at sa mga magulang mo; tungo sa Akin ang hantungan.” [Maluwalhating Qur’an 31:14]
Ang tanyag na tagapagpaliwanag [ng Qur’an], Shaykh Abdur-Rahman As-Sa’di [1956 CE], ay nagsabi ng tungkol sa talatang ito:
(At sa iyong magulang) ibig sabihin, maging mabuti sa iyong magulang, ibuhos sa kanila ang pagmamahal, pagsuyo at paggalang, sa gawa at sa salita, pakitunguhan sila ng may kababaang-loob, tustusan sila at huwag kailanman sasaktan sila sa salita o gawa.
Bakit dapat nating pakitunguhan ng mabuti ang ating mga ina?
Pagkatapos, si Allah ay binanggit ang dahilan kung bakit nararapat na maging mabuti sa ating mga ina, nang sabihin Niya:
“ipinagdalang-tao siya ng kanyang ina na nanghina nang nanghina…”
ito ay, ang ina ay nagdala ng tuloy-tuloy na pagdurusa, sa sakit at paghihirap mula sa mga unang sandali na naramdaman niya ang bata na gumalaw sa kanyang sinapupunan hanggang sa pinakamahirap na pagdurusa sa oras ng panganganak. At
“…ang pag-awat sa kanya ay sa loob ng dalawang taon”
ito ay, sa loob ng dalawang taon na ito ang ina ay nagpapasuso sa kanyang anak at nag-aruga sa kanya. Kaya’t pagkatapos ng mga taon ng pagdurusa, paghihirap, pagmamahal at pagkalinga, hindi ba natin, susuklian ang ating mga ina sa kanilang mga ginawa para sa atin at bayaran sila sa kanilang mga karapatan? [Taysir al-Karim ar-Rahman fi Tafsir al-Kalam al-Manan]
Ang Qur’an ay inulit ang pagbanggit ng pagpupunyagi ng mga ina sa isa pang talata:
“Itinagubilin Namin sa tao na sa magulang nila ay maging mabuti. Ipinagbuntis siya ng kanyang ina nang nahihirapan at isinilang siya nito nang nahihirapan. Ang pagbubuntis sa kanya at ang pag-awat sa kanya ay tatlumpong buwan, hanggang sa noong sumapit na siya sa hustong gulang at nang sumapit siya sa apatnapung taong gulang ay nagsabi siya, ‘Panginoon ko, pagkalooban Mo ako na makapagpasalamat ako sa biyaya Mo na ipinagkaloob Mo sa akin at sa mga magulang ko, na gumawa ako ng matuwid na kalulugdan Mo, at ituwid Mo para sa akin ang mga supling; tunay na ako ay nagsisising nagbabalik sa Iyo at tunay na ako ay kabilang sa mga Muslim.’” [Maluwalhating Qur’an 46:15]
Ang Ina ay may higit na mga karapatan kaysa Ama
Ang namayapang Marangal na Mufti ng Pakistan, Shaykh Muhammad Shafy [1976 CE] ay sumulat ng: “Ang ina ay may higit na mga karapatan kaysa ama”
Bagama’t ang unang bahagi ng talatang ito ay pag-uutos na gumawa ng mabuti sa parehong magulang, ang pangalawang pangungusap ay tumutukoy lamang sa mga paghihirap ng mga ina, dahil ito ay hindi maiiwasan, at walang bata na isisilang na wala sila. Ang bawat ina ay dadaan sa mga pagdurusa ng pagdadalang-tao at matinding sakit ng panganganak. Kasalungat naman nito, ay hindi kailangan para sa ama na siya ay dumanas ng anumang paghihirap sa pagpapalaki at pagpapa-aral sa bata, kung kaya niyang magbayad sa ibang tao para sa gawin ang mga ito. Kung kaya ang Propeta ay binigyan ng higit na mga karapatan ang ina sa kaninuman. Ayon sa hadith [salaysay] ay sinabi niya,
“Gumawa ng mabuti at paglingkuran ang inyong ina, pagkatapos ang inyong ina, at pagkatapos ay ang inyong ina at pagkatapos ay ang inyong ama, at pagkatapos ay ang malapit na kamag-anak at pagkatapos ay ang susunod sa kanila.” [Mazhari]
“Ang pagbubuntis sa kanya at ang pag-awat sa kanya ay tatlumpong buwan…” [Maluwalhating Qur’an 46:15]
Ang pangungusap na ito ay naglalarawan din sa mga paghihirap na dinanas ng ina para sa kanyang sanggol. Ito ay tumutukoy na kahit pagkatapos dumanas ng mga paghihirap sa panahon ng pagdadalang-tao at ng matinding sakit ng panganganak, ang ina ay hindi binigyan ng paumanhin mula sa paghihirap, dahil ang likas na pagkain ng sanggol ay nasa kanyang mga dibdib, at siya ay kailangang pasusuhin sila. [Shafy, Ma’ariful Qur’an [Eng. trans.], vol. 7, pp. 795-796]
Ang iyong Ina, ang iyong Ina, ang iyong Ina, pagkatapos ang iyong Ama
Ang Propeta Muhammad ay patuloy na pinapaalalahanan ang kanyang mga tagasunod sa katayuan ng ina at ang tungkulin na maging mabuti sa kanyang magulang. Ang susunod na salaysay ay isang magandang halimbawa ng marangal na katayuan ng ina.
Ang isang lalaki ay dumating sa Propeta at nagsabi, “O Sugo ni Allah! Sino sa mga tao ang may karapatan sa mabuting pakikitungo mula sa akin? Siya ay sumagot, “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay nagtanong: Pagkatapos ay sino? Kaya siya ay sumagot: “Ang iyong ina.” Kaya’t ang lalaki ay nagtanong: Pagkatapos ay sino pa? Kaya’t ang Propeta ay muling sumagot. “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay muling nagtanong: Pagkatapos ay sino pa? Kaya’t siya ay sumagot: “Ngayon ang iyong ama.” [Sahih Bukhari 5971 and Sahih Muslim 7/2]
Puna sa hadith na ito, si Shaykh Muhammad Ali Al-Hashimi ay nagtala:
Ang hadith na ito ay nagpapatotoo na ang Propeta ay inuna ang mabuting pakikitungo sa isang ina kaysa sa mabuting pakikitungo sa isang ama. [Al-Hashimi, The Ideal Muslimah, IIPH 2005, p. 165]
Katulad din naman, ang namayapang Maringal na Mufti ng Saudi Arabia, Shaykh Abdul Aziz Ibn Baz [1999] ay nagbigay puna sa hadith na ito na nagsasabing: Kung kaya ito ay pangangailangan na ang ina ay bigyan ng tatlong ulit na katulad na kabutihan at mabuting pakikitungo kaysa ama. [Majmoo’ Fataawaa wa Maqalat Mutanawwi’ah]
Siya ay sumulat din:
Ang lihim ng kanyang kahalagahan ay nakabatay sa napakatinding pasanin at tungkulin na inatang sa kanya, at ang mga paghihirap kailangan niyang pasanin – mga tungkulin at mga suliranin na ang ilan dito ay hindi kaya ng isang lalaki. Ito ang dahilan kung bakit mula sa pinakamahalagang tungkulin ng isang tao ay magpakita ng pasasalamat sa ina, at kabutihan at mabuting pakikitungo sa kanya. At sa bagay na ito, siya ay binibigyan ng higit na pagpapahalaga kaysa ama. […] At wala akong alinlangan na ang aking ina – nawa’y ang Habag ni Allah ay ibuhos sa kanya – ay may matinding epekto sa akin, sa paghikayat sa akin na mag-aral; at inalalayan niya ako dito. Nawa’y lalo pang dagdagan ni Allah ang gantimpala niya at gantimpalaan siya ng pinakamainam na gantimapala ng dahil sa ginawa niya para sa akin. [Majmoo’ Fatawa wa Maqalat Mutanawwi’ah]
Ang Paraiso ay nasa paanan ng iyong Ina
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi din sa isang tanyag na salaysay:
“Ang Paraiso ay nasa paanan ng iyong ina.”
Ano pa ba ang mas hihigit na katibayan ng pagpaparangal sa mga kababaihan bukod dito? Ang Islam ay epektibong inilagay ang sukdulang gantimpala para sa tao sa kanilang debosyon sa kanilang mga ina.
Si Shaykh Ibrahim Ibn Salih Al-Mahmud ay sumulat:
Pakitunguhan ang iyong ina ng pinakamainam na pakikisama, pagkatapos ang iyong ama, dahil ang Paraiso ay nasa ilalim ng paa ng iyong ina. Huwag kailanman suwayin ang iyong mga magulang, o hayaang magalit sila, sapagkat kung hindi ikaw ay mamumuhay ng miserableng buhay sa mundong ito at sa kabilang-buhay, at ang iyong mga anak ay pakikitunguhan ka ng katulad. Kausapin ang iyong magulang ng mahinahon kung may kailangan ka. Sa tuwina’y pasalamatan sila kapag ibinigay ito sa iyo, at pagpaumanhinan sila kapag hindi, at huwag kailanman pilitin sa mga bagay kung sila ay tumangging ibigay sa iyo ang isang bagay. [Al-Mahmoud, How to be kind to your Parents, p.40]
Ito ay salaysay mula kay Talhah Ibn Mu’awiyah As-Salam na nagsabi:
Ako ay pumunta sa Propeta at nagsabi, “O Sugo ni Allah, gusto kong isagawa ang Jihad sa landas ni Allah. Siya ay nagtanong, ‘Buhay pa ba ang iyong ina?’ Ako ay sumagot, ‘Opo.’ Ang Propeta ay nagsabi, “Kumapit sa kanyang mga paa dahil ang Paraiso ay naroroon.” [At-Tabarani]
Shaykh Nidham Sakkijiha ay nagbigay puna:
Kumapit sa kanyang paa ay nangangahulugan na isuko ang iyong sarili sa kanya, manatili sa kanyang tabi, pangalagaan siya, paglingkuran siya dahil sa ganito ay ang Paraiso at sa kanyang kasiyahan ay tatamasain ang mabuting biyaya ni Allah. [Sakkijihaa, Honoring the Parents, p. 52]
Ang Propeta Muhammad ay ipinakita sa atin ang kahalagahan ng paglilingkod sa isang magulang sa mga sumusunod na salaysay na inulat ni Abdullah Ibn Mas’ud:
“Tinanong ko ang Propeta, ‘O Sugo ni Allah, ano ang pinakamainam na gawain?’ Siya ay sumagot, ‘Pagdarasal sa tamang oras.’ Tinanong ko, ‘Ano ang susunod na kabutihan?’ Siya ay sumagot, ‘Maging lingkod at mabuti sa kanyang magulang.’ Ako’y nagtanong pa, ‘Ano pa ang susunod na kabutihan?’ Siya ay sumagot, ‘Jihad sa landas ni Allah.’” [Sahih Bukhari, Sahih Muslim]
Ang pagsuway sa Ina ay kabilang sa mga malalaking kasalanan
Katulad ng sinabi ng Propeta na ang kabutihan sa kanyang magulang ay kabilang sa pinakamainam na mga gawa, at sinabi rin niya na ang pagsuway sa kanila ay kabilang sa mga malalaking kasalanan.
“Ang pinakamalaking mga kasalanan ay pagtambal sa pagsamba kay Allah, maging lapastangan sa kanyang ina, pagpatay sa isang kaluluwang ipinagbawal ni Allah at sumaksi ng kasinungalingan.” [Sahih Bukhari]
Mga unang henerasyon ng mga Muslim sa pagrespeto sa mga kababaihan
“Kahit pa pagkatapos ng Propeta Muhammad, ang mga pantas na Muslim ay patuloy na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagiging mabuti sa kanyang ina. Sa pagsusuri ng pag-uugali at mga aral ng mga unang mga pantas na Muslim, ay makikita ng isang tao kung paano ang direktang tumatanggap ng mensaheng Islamiko ay nauunawaan ang utos na maging mabuti sa kanyang magulang. Ang asal nila tungo sa kanilang mga magulang ay nagpapakita kung paano ang isang Muslim isinasabuhay ang mga aral ng Propeta sa pagpupugay sa mga magulang.
Si Abdullah Ibn Abbas [687 CE], isang kasamahan ng Propeta at isang dakilang pantas ng Islam, itinuring na ang mabuting pakikitungo sa kanyang ina ay pinakamainam na gawa na nagpapatibay o nagpapalakas ng ugnayan sa Diyos. Sinabi niya:
Wala akong nalalamang gawain na nakapagpapalapit kay Allah maliban sa mabuting pakikutungo at paggalang sa kanyang ina. [Al-Adab Al-Mufrad Bukhari 1/45]
At higit pang malakas na halimbawa ay matatagpuan sa salaysay ng isa pang kasamahan ng Propeta, si Abdullah Ibn Umar [692 CE], na isa ring dakilang pantas ng Islam. Naisalaysay na:
Si Abdullah Ibn Umar ay nakita ang isang Yemen na nagsasagawa ng Tawaf [pag-ikot sa Ka’bah] habang pasan ang kanyang ina sa kanyang likod. Ang taong ito ay nagsabi kay Abdullah Ibn Umar, “Ako ay katulad ng alagang kamelyo sa kanya! Kinarga ko siya ng higit sa pagkarga niya sa akin. Sa palagay mo ba ay nabayaran ko na siya, o Ibn Umar?” si Abdullah Ibn Umar ay sumagot, “Hindi, kahit pa isang paghilab!!” [Al-Adab Al-Mufrad Bukhari 1/62]
Subhanallah [Kaluwalhatian sa Diyos]! Ang pagsisikap ng isang lalaki na kinarga ang kanyang ina sa kanyang likod habang nagsasagawa ng Tawaf ay hindi man lang nakabayad sa kanyang ina kahit pa isang paghilab na kanyang pinagdaanan para sa kanya. Tunay ngang matalino si Ibn Umar sa pagsagot sa lalaking yaon upang ipakita sa kanya kung gaano kalaki ang pagkakautang niya sa kanyang ina. Ito ay napakalaking pagpapahalaga at maringal na katayuan ng mga ina sa Islam!
Muli ay isa na namang halimbawa ang matatagpuan sa mga sumusunod na propesiya ni Propeta Muhammad:
May darating sa inyo na mga magpapalakas mula sa Yemen na isang lalaki na tinatawag na Uways Ibn Amir mula sa angkan ng Murad na mula sa tribu ng Qaran. Siya ay may ketong subalit nalunasan na maliban sa isang batik na singlaki ng barya. Siya ay mayroong ina at lagi niya itong pinakikitunguhan ng may kabutihan at paggalang. Kapag siya ay nagdarasal kay Allah, si Allah ay tinutugon ang kanyang kahilingan. Kung magagawa mong hilingin sa kanya na manalangin para sa iyo ng kapatawaran ay gawin mo. [Sahih Muslim]
Katotohanan, si Umar ibn Al-Khattab ay nakatagpo si Uways kalaunan katulad ng isinalarawan ng Propeta, at sa kahilingan ni Umar si Uways ay ipinagdasal siya. Puna sa salaysay na ito, si Shaykh Muhammad Ali Al-Hashim ay sumulat:
Anong taas ng katayuan na narating ni Uways ng dahil sa kanyang katangian na pakikutungo ng mabuti at magalang sa kanyang ina, na kaya ang Propeta ay itinagubilin sa kanyang mga Sahaba [kasamahan] na hanapin siya at humiling sa kanya na ipagdasal sila!
Ang lahat ng ito ay nagpapahiwatig ng mataas na katayuan na ang Islam ay itinaas ang katayuan ng pagiging ina, at unang binigyang halaga ang ina kaysa sa ama. Gayundin, ang Islam ay binigyan ng pagpapahalaga ang dalawang magulang, at ipinag-utos ang kabutihan at paggalang sa dalawa. [Al-Hashimi, The Ideal Muslimah, IIPH 2005, p. 167]
Ang paglilingkod ng mabuti sa Ina ay pintuan ng Paraiso
Napakadakila na ang Islam ay binigyang-diin ang mga magulang, na ang mga Muslim ay itinuturing na dakilang pagkakataon na marating ang Paraiso sa paglilingkod sa kanyang ina.
Si Ilyas Ibn Mu’awiyah ay isang tanyag na pantas ng Islam mula sa pangalawang henerasyon ng mga Muslim. Nang ang kanyang ina ay namatay, si Ilyas Ibn Mu’awiyah ay umiyak. Siya ay tinanong, “Bakit ka umiyak?” Siya ay nagsabi, “Dati ay may dalawang pintuan ng Paraiso na nakabukas sa akin, ngayon ang isa dito ay sarado na.”
Si Zayn Al-’Abidin [d. 713 CE] ay isang apo sa tuhod ng Propeta Muhammad at isa ding tanyag na pantas. Pinakikitunguhan niya ang kanyang ina ng napakabuti at pagmamahal na makikita sa mga sumusunod na salaysay:
Minsan siya ay tinanong, ‘Ikaw ang pinakamabuting tao sa iyong ina, ganunpaman ay hindi ka namin nakitang kumain kasama niya sa isang pinggan.’ Siya ay sumagot, ‘Ako ay natatakot na ang aking kamay ay makuha ang anumang nakita na ng kanyang mata sa pinggan, at dahil dito ay maaring makasuway ako sa kanya.’ [At-Tartushi, Birr Al-Walidayn]
Ibig sabihin, siya ay napakaingat na makasuway sa kanyang ina na kahit ang pagkain sa parehong pinggan kasama niya [ina] ay iniiwasan niya. Iniisip niya na baka makita niya ang isang subo at naisin na kunin ito, subalit bago niya makuha ay maaring makuha ko yaong parehong subo ng hindi sinasadya at kainin ito. Ganito siya nag-iingat sa pagsunod sa kanyang ina na kahit sa napakaliit na bagay.
Isa pang naunang pantas ng Islam, si Sa’ad Ibn Al-Musayyib [709 CE], ay tinanong tungkol sa kahulugan ng talatang “at kausapin sila sa paraang may pagpupugay” [Maluwalhating Qur’an 17:23]. Si Sa’ad Ibn Al-Musayyib ay sumagot:
Nangangahulugan itong kausapin sila na katulad pakikipag-usap ng lingkod sa kanyang panginoon.
Si Muhammad Ibn Siren [729] ay kinakausap ang kanyang ina sa napakahinay na boses, ng dahil sa paggalang sa kanya. Madalas din siyang nakikita na kasama ng kanyang ina at nangangalaga sa kanya. [Ibn Al-Jawzi, Birr Al-Walidayn]
Ang lahat ng nasa itaas ay nagpapakita kung paano ang katayuan ng mga ina – at dahil dito ang kababaihan – ay itinaas sa napakataas na katayuan sa Islam. Ang karangalan na ibinigay ng Islam sa mga ina ay hindi kailanman matatagpuan sa kahit na anong relihiyon, paniniwala o kultura. Ito ay maliwanag na katibayan ng mataas na katayuan ng mga Kababaihang Muslim.