Nakakita o nakarinig ka na ba ng mga mensahe na may pagbati ng tungkol sa Eid at napag-isip kung para saan ang pistang ito? Ano ang kahulugan nito? Bakit at kailan ito ipinagdiriwang? Paano ginaganap ng mga Muslim ang Eid? Ang inyong mga tanong ay malapit nang masagot habang inyong tinutuklas ang kagandahan ng Eid.
Ano ba ang Eid?
Ang katagang “Eid” ay nangangahulugan ng pagdiriwang o piging. Ito ay literal na inilalarawan ang kaganapan ng pagdiriwang. Ang mga Muslim ay nagdiriwang ng dalawang uri ng Eid sa bawat taon kasunod ng dalawang malalaking gawang pagsamba. Ang una ay tinatawag na “Eid ul Fitr” na nangangahulugan ng “Pagdiriwang ng Pagtatapos ng Pag-aayuno” na ipinagdiriwang matapos ang pag-aayuno sa buong buwan ng Ramadan. Ang pangalawa, kilala bilang “Eid-ul-Adha”, nangangahulugang “Pagdiriwang ng Pag-aalay” at ipinagdiriwang kaagad matapos maisagawa ang Hajj, ang taunang pagdalaw sa Makkah. Para sa bawat Muslim, ang Eid ay oras ng pagdiriwang, kagalakan, pagsasama-sama, kasaganaan at pagbibigayan. Ito ang panahon na parating inaabangan.
Eid Ul Fitr
Sa panahon ng Ramadan, ang mga Muslim ay nag-aayuno para dalisayin ang kanilang mga sarili at para mapalapit sa Diyos. Ang Ramadan ay parang isang bakasyon; isang panahon para iwanan ang lahat ng ating mga makamundong alalahanin at pagtuunan ang espiritwal at pagyabongin ang ating ugnayan sa Kanya na nagbigay ng buhay sa atin at sa lahat ng mga biyaya na mayroon tayo. Pagkatapos sumailalim sa isang mahabang bakasyong espiritwal na pinakamahaba na ay 30 araw, makatuwiran lang na isang piging ang isagawa bilang tanda ng pagtatapos ng buwan. Ang lahat ng ito ang pakahulugan ng Eid ul Fitr.
Eid Ul Adha
Ang Hajj ay isang pagdalaw sa Makkah na isinasagawa ng milyon-milyong Muslim ng magkakasabay nang isang beses kada taon. Sa pamamagitan ng Eid Ul Adha, ang pag-aalay ni Abraham na handang gawin para sa Diyos at ang awa ng Diyos ay sumakanya na ipinagdiwang at naihayag. Ipinadiriwang ng mga Muslim ang araw sa pag-aalay ng isang tupa at pamamahagi nito hindi lamang sa mga kapamilya at kaibigan, bagkus ganundin sa mga kapus-palad.
Kailan Ipinagdiriwang Ang Eid?
Ipinagdiriwang ang Eid ul Fitr ng isang araw simula sa pagkakita ng bagong buwan na tanda ng pagtatapos ng Islamikong buwan ng Ramadan at simula ng susunod na buwan.
Ang pagdiriwang ng Eid ul Adha, sa kabilang banda ay tumatagal ng apat na araw simula sa araw na maisagawang ganap ang Hajj.
Ang Pagbati ng Eid
Ang mga Muslim ay binabati ang isat-isa sa pagsasabi ng “Eid Mubarak” na nangangahulugang “Mabiyayang Eid”.
Pagdarasal sa Eid
Ang mga Muslim ay sinisimulan ang Eid sa pagsasagawa ng sama-samang pagdarasal sa Eid, minsan sa loob ng masjid ngunit kadalasan ay sa isang malaking bakanteng lote. Bago pumunta sa pagdarasal sa Eid, hinihikayat na maligo at isuot ang pinakamagarang damit at magmukhang kapita-pitagan para sa pagdiriwang. Habang sa daan patungo sa Pagdarasal sa Eid, ang mga Muslim ay binibigkas ang mga katagang Arabe na:
Allahu Akbar, Allahu Akbar, Allahu Akbar. La ilaha illalah. Allahu Akbar, Allahu akbar, Wa lillahil Hamd. Si Allah ay dakila, si Allah ay dakila, si Allah ay dakila. Walang ibang diyos kundi si Allah. Si Allah ay dakila, si Allah ay dakila. Sa Kanya nauukol ang lahat ng papuri.
Ipagdiwang Ang Espiritwal Na Tagumpay
Kasunod ng pagdarasal sa Eid, ang mga tao ay nagsasama-sama para magkaroon ng isang piging kasama ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan para pagsaluhan ang ibat-ibang mga handa. Ang ilan ay naglalakbay na pauwi sa kanilang mga sinilangang bayan o bansa para ipagdiwang kasama ng ibang kamag-anakan at muling pasiglahin ang bigkis ng pagkakamag-anak. Mayroong mayamang tradisyon ng pagpapalitan ng regalo tuwing Eid. Sa Aprika halimbawa, kaugalian ditong maghandog ng bagong damit at sapatos sa mga bata. Minsan, ang mga bata ay tumatanggap ng pera na kanila namang ibinibili ng mga minatamis at miryenda para pagsaluhan kasama ng kanilang mga kaibigan at mga pinsan. Sa kanluraning bansa, ang mga bata ay tumatanggap ng regalo sa halip na pera at ang mga magulang ay ginagayakan ang kanilang mga tahanan para makapagbigay ng mapanghalinang kasiyahan sa pamilya. Ang Eid ay para ipagdiwang na natapos ang espiritwal na tungkulin, gayundin ang oras ng pagbibigkis at pagpapalitan ng yakap at halik, at kagalakan kasama ng pamilya, mga kaibigan at ng pamayanan.
Isang Paanyaya Para Sa Piging
Para sa bawat Muslim, ang Eid ay oras ng pagbibigayan at pagpapadama ng pagmamahal, kapayapaan at pagkakaibigan. Ang mga Muslim sa buong mundo ay inaabot ang mga kamay sa ating di-Muslim na mga kapitbahay at mga kaibigan habang binubuo ang mga eskursyon at mga hapunan. Bakit hindi makisalo sa inyong kapitbahay na Muslim o kasamahan sa pagdiriwang sa darating na kahali-halinang Eid? Hindi ba’t kapana-panabik na malaman kung ano ang pakiramdan nito?