Ang mga Muslim ay naniniwala na ang mga Demonyo ay umiiral, na para itatwa ang kanyang pag-iral ay katumbas ng pagtatwa sa Qur’an. Ang Demonyo, tinawag na Iblis o Shaytan [Satanas] sa Islam, ay isang nilikhang kabilang sa Jinn, isang nilikha na hiwalay sa mga Anghel, mga Tao at mga Hayop.
Ito ay pangunahing paniniwala sa Islam na si Iblis ay hindi isang Anghel, dahil ang mga Anghel ay hindi nilikhang may layang pumili at samakatuwid ay hindi maaari sa kanila na sumuway sa Diyos.
Mula sa mga Jinn, si Iblis [Satanas] ay ang pinakamatuwid at mabuti sa lahat, sa katunayan ay naabot niya ang ganito kataas na antas na siya ay kasama ng mga Anghel sa kalangitan dahil sa kanyang pagkamatuwid, nang si Allah ay likhain si Adan, ang unang tao, nagsimula ang pagbagsak ni Iblis.
Kagaya ng binanggit sa Qur’an, si Allah ay nagpasyang likhain ang unang tao, si Adan, mula sa putik. Pagkatapos na malikha ni Allah ang katawan ni Adan, ito ay iniwan ng ilang panahon, na sa panahong yaon si Iblis ay dumating para tingnan ito, kagaya ng binanggit sa salaysay ng Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya].
“Nang hinubog ni Allah si Adan sa Paraiso, Kanyang iniwan siya hanggang sa tagal na ninais Niyang iwan siya. Pagkatapos si Iblis ay inikutan siya para makita kung ano ba siya at nang makita ni Iblis na siya ay hungkag sa loob, nakita niya na ang bagong nilalang ay nilikhang may katayuang ito ay marupok at wala itong kontrol sa sarili nito.” [Muslim]
Nang si Adan ay ganap ng nalikha, si Allah ay nag-utos sa lahat ng nasa kalangitang magpatirapa kay Adan bilang paggalang, hindi bilang pagsamba na kagaya ng mga Muslim sa pagpapatirapa kay Allah.
“Talaga ngang nilikha Namin kayo at pagkatapos ay inanyuan Namin kayo at pagkatapos ay nagsabi Kami sa mga anghel: “Magpatirapa kayo kay Adan,” kaya nagpatirapa sila maliban kay Iblis, siya ay hindi napabilang sa mga nagpatirapa.” [Maluwalhating Qur’an 7:11]
Kagaya ng binanggit sa talata sa itaas, ang utos ay ibinigay sa lahat kabilang si Iblis na binanggit kasama ng mga anghel.
Ang talatang ito ay madalas maging dahilan ng kalituhan sa mga tao na walang kaalaman sa wikang Arabe, at sa anyo ng pagsasalin ay parang nagmumungkahing si Satanas ay isang anghel sa halip na isang Jinn, na tutugma sa teolohiya ng Hudyo at Kristiyano. Bagamat ang uri ng pariralang ito ay pangkaraniwan sa Arabe ito ay para banggitin ang dalawang magkaibang uri ng tao sa isang grupo, halimbawa “Ang lahat ng mag-aaral ay umalis, maliban sa guro.” Hindi ito nangangahulugan na ang guro ay isang mag-aaral, na bagaman ito ay isang madaling paraan na isalarawan ang sitwasyon.
Si Iblis ay tumangging sumunod sa utos ni Allah, ang susunod na talata ay nagsasabi sa atin ng dahilan kung bakit hindi siya nagpatirapa.
“Sinabi Niya [Allah]: ‘Ano ang pumigil sa iyo na magpatirapa ka kay Adan nang Akin kang inutusan?” Sinabi nito: “Ako ay higit na mainam kaysa sa kanya; nilikha Mo ako mula sa apoy samantalang nilikha Mo siya mula sa putik.’” [Maluwalhating Qur’an 7:12]
Si Iblis sa diwa ang pinakaunang rasista [racist] na umiral, ito ay nagsanga mula sa kanyang labis na pagmamataas at kapaluan sa kung ano siya, na sa huli ay nagdala sa kanyang pagbagsak, na inilarawan sa susunod na talata.
“Sinabi Niya [Allah]: “Bumaba ka mula rito sa langit sapagkat wala kang karapatang magmalaki rito; kaya lumabas ka, tunay na ikaw ay kabilang na sa mga hamak.” [Maluwalhating Qur’an 7:13]
Pagkatapos ay pinarusahan ni Allah si Iblis sa pagpapatalsik sa kanya mula sa Paraiso, tinitingnan ang pagmamataas bilang dahilan at paalala kay Iblis na siya ay hamak. Sa halip na magbalik-loob at pagsisihan ang pagsuway sa tuwirang utos mula kay Allah, si Iblis ay mas pinili pa na pag-ibayuhin ang paglabag laban kay Allah, kagaya ng isinalarawan sa mga sumusunod na talata:
“Sinabi nito [Iblis]: ‘Pagbigyan Mo ako hanggang sa Araw na bubuhayin sila.’ Sinabi Niya [Allah]: ‘Tunay na ikaw ay kabilang na sa mga pinagbigyan.’ Sinabi nito [Iblis]: ‘At dahil iniligaw Mo ako, talagang tatambangan ko sila sa Iyong daanan na tuwid. At pagkatapos ay pupuntahan ko sila sa harap nila at sa likod nila, at sa dakong kanan nila at sa dakong kaliwa nila; at hindi Mo masusumpungan ang nakararami sa kanila na mga mapagpasalamat.’” [Maluwalhating Qur’an 7:14-17]
Malinaw na mula sa mga talata sa itaas na si Iblis ay walang pagsisisi sa kanyang ginawa, at pagkatapos ay piniling magpatuloy sa kanyang pagsuway laban kay Allah sa pamamagitan ng paghingi ng pahintulot na pagbigyan [mabuhay] hanggang sa sa Araw ng Paghuhukom para kanyang subukan na mailigaw ang maraming tao hanggat maaari para patunayan kay Allah na sila ay hangal at marupok na nilikha.
Magkagayunman si Allah ay binalaan si Iblis tungkol sa mga maniniwala kay Allah at sasambahin Siya lamang sa mga sumusunod na talata:
“Si Iblis ay nagwika: “Panginoon ko, dahil hinayaan mo akong maligaw. Katiyakang gagawin ko na ang pagsuway ay makaakit sa kanila sa mundo, at ililigaw ko silang lahat, maliban sa mga lingkod Mo na kabilang sa kanila na mga itinangi.’ Si Allah ay nagwika: Ito ay daanang patungo sa Akin, tuwid. At wika pa Niya: ‘Katiyakan, wala kang kapangyarihan sa Aking mga lingkod, maliban sa tatalima sa iyo na mga tumataliwas.” [Maluwalhating Qur’an 15:39-42]
Kagaya ng nabanggit ni Allah, si Satanas ay walang kapangyarihan sa mga taong sumampalataya kay Allah at sumuko sa Kanya. Pagkatapos nito ay itinaboy ni Allah si Iblees mula sa Paraiso na binanggit sa mga sumusunod na talata:
“Sinabi Niya: ‘Lumabas ka mula rito [Paraiso] na dinadusta at pinagtatabuyan; talagang ang sinumang sumunod sa iyo mula sa kanila [tao] ay talagang pupunuin Ko ang Impiyerno mula sa inyong lahat.’” [Maluwalhating Qur’an 7:18]
Ang wakas ng Demonyo
Binanggit ng malinaw sa Qur’an kung ano ang magiging huling hantungan ni Iblis at kanyang mga tagasunod:
“Magsasabi si Satanas, kapag naibaba na ang hatol: ‘Si Allah ay nangako sa inyo ng totoong pangako at nangako rin ako sa inyo ngunit sumira ako sa naipangako sa inyo. Wala naman akong kapangyarihan sa inyo datapuwat inanyayahan ko lamang kayo at pinaunlakan naman ninyo ako. Kaya huwag ninyo akong sisihin datapuwat sisihin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ko kayo masasaklolohan at hindi rin ninyo ako masasaklolohan. Ikinakaila ko ang pagturing ninyo sa akin bilang katambal kay Allah noon’ Tunay na ang mga lapastangan ay magkakamit ng masakit na pagdurusa.” [Maluwalhating Qur’an 14:22]
Itatakwil niya silang lahat at lahat sila ay itatapon sa impiyernong apoy bilang kabayaran sa kanilang mga gawa.
Ang mga Muslim ay inutusang magpakupkop kay Allah mula sa kasamaan ni Iblis, hindi niya sasayangin ang isang pagkakataong iligaw ang isang tao sa anumang paraang maaari, at dahil siya ay naririyan sa simula pa lang ng liping tao, batid niya kung paano tayo mag-isip at mabuhay, kaya naman sinamantala ang ating mga kahinaan. Sa Qur’an ay marami siyang titulo kagaya ng:
“Punong Mapanlinlang” [Maluwalhating Qur’an 35:5]
“Kaaway” [Maluwalhating Qur’an 35:6]
“Mapagmalaki” [Maluwalhating Qur’an 38:74]
Sa buod, ang Islam ay sinasabi sa atin ang lahat na kailangan nating malaman tungkol sa Demonyo, kabilang ang kanyang pinagmulan, kanyang pakay na ilayo ang sangkatauhan mula sa Diyos at kung ano ang huling hantungan niya at kanyang mga tagasunod. Ang mga Muslim ay paulit-ulit na binalaan ni Allah tungkol sa mga patibong ng Demonyo, kagaya ng sumusunod na talata:
“O mga sumampalataya, pumasok kayo sa Islam nang lubusan at huwag ninyong sundan ang mga yapak ni Satanas; tunay na siya para sa inyo ay isang malinaw na kaaway.” [Maluwalhating Qur’an 2:208]